Institute
Lesson 2: Doktrina at mga Tipan 1


Lesson 2

Doktrina at mga Tipan 1

Pambungad at Timeline

Noong Nobyembre 1831, nakapagbigay ang Panginoon ng mahigit 60 paghahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith para sa kapakanan ng Simbahan at mga miyembro. Upang mas madaling malaman ng mga miyembro ng Simbahan ang mga paghahayag na ito, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ilathala ang mga ito bilang isang aklat na tinatawag na Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments]. Noong Nobyembre 1, 1831, nagdaos ang Propeta ng kumprensya ng mga elder sa tahanan nina John at Elsa (o Alice) Johnson sa Hiram, Ohio, kung saan isang komite ng mga elder na binubuo nina Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, at William E. McLellin ang nagtangka ngunit nabigong makasulat ng paunang salita para sa Aklat ng mga Kautusan. Pagkatapos ng pagtatangkang ito, natanggap ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag ang kilala na ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 1 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 104). Sinabi ng Panginoon, “Ito [ang paghahayag] … ang aking paunang salita sa aklat ng aking mga kautusan” (D at T 1:6). Ipinahayag din niya na maririnig ng lahat ng tao ang Kanyang “tinig ng babala” (talata 4) at ang mga taong ayaw makinig sa Kanyang tinig at sa mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod ay mahihiwalay mula sa Kanyang mga tao. Pinatotohanan ng Panginoon na ang mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith ay totoo at iniutos Niya sa Kanyang mga tao na saliksikin ang mga ito.

Setyembre 1831Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Hiram, Ohio mula sa Kirtland.

Nobyembre 1831Ipinasiya sa isang kumperensya ng mga elder na maglathala ng 10,000 kopya ng Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments].

Nobyembre 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 1 sa Hiram, Ohio.

Nobyembre 20, 1831Sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay umalis papuntang Missouri dala ang manuskrito ng Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments] para ipalimbag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 1:1–17

Ang tinig ng babala ng Panginoon ay para sa lahat ng tao

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Noong Disyembre 26, 2004, niyanig ng isang malakas na lindol ang baybayin ng Indonesia, na lumikha ng nakamamatay na tsunami na kumitil sa buhay ng mahigit 200,000 katao. Grabeng trahedya. Sa isang araw, milyun-milyong buhay ang ganap na nagbago.

“Pero isang grupo ng mga tao na, bagama’t nawasak ang kanilang bayan, ang hindi man lang nasaktan o namatayan.

“Ang dahilan?

“Alam nilang may parating na tsunami.

“Ang mga taong Moken ay nakatira sa mga bayan sa mga pulo sa baybayin ng Thailand at Burma (Myanmar). Isang grupo ng mga mangingisda, na nakadepende ang buhay sa dagat. Daan-daan at siguro’y libu-libong taon nang pinag-aralan ng kanilang mga ninuno ang karagatan at naisalin nila ang kanilang kaalaman sa ama hanggang sa anak.

“Isang bagay lalo na, itinuro nilang mabuti ang gagawin kapag kumati ang tubig ng dagat. Ayon sa mga tradisyon nila, kapag nangyari iyaon, ang ‘Laboon’—isang alon na lumalamon ng mga tao—ang kaagad na kasunod nito.

“Nang makita ng matatanda sa bayan ang mga kinatatakutang senyales, sinabihan nila ang lahat na tumakbo sa mas mataas na lugar.

“Hindi lahat ay nakinig.

“Sabi ng isang matandang mangingisda, ‘Walang batang naniwala sa akin.’ Katunayan, sinabihan siyang sinungaling ng sarili niyang anak na babae. Pero hindi tumigil ang matanda hanggang sa lisanin ng lahat ang bayan at umakyat sa mas mataas na lugar “ (Joseph B. Wirthlin, “Tumungo sa Mas Mataas na Lugar,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 16).

  • Sa inyong palagay, bakit ayaw makinig o maniwala ng ilang tao sa babala ng matatanda sa bayan?

  • Kung isa kayo sa mga tao na noong una ay nagduda sa babala, ano kaya ang mararamdaman ninyo sa matatanda sa bayan matapos manalasa ang tsunami?

Ipaliwanag na tulad ng mga taong Moken, tayo man ay nabalaan din tungkol sa mga kapahamakang darating. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga babala ng Panginoon sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 1 at ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na malaman kung paano paghandaan ang mga pangyayaring ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kailan at bakit ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito kay Joseph Smith. Maaari mong ipaliwanag na ang pagtitipon na binanggit dito ay ang pinakaunang bersyon ng Doktrina at mga Tipan at tinawag na Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments].

  • Ipaliwanag na sa talata 6, tinukoy ng Panginoon ang paghahayag na ito na “aking paunang salita sa aklat ng aking mga kautusan.” Paano nakatutulong sa atin na maunawaan ang layunin ng paghahayag na ito ang ituring na ito ay paunang salita?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:1–4, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang bibigyan ng babala ng Panginoon.

  • Kanino ibibigay ng Panginoon ang Kanyang tinig ng babala?

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa talata 3?

  • Ayon sa talata 4, paano ipadadala ng Panginoon ang Kanyang babala sa lahat ng tao?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 1:5–9 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito, ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang mga tagapaglingkod na hahayo upang ipahayag ang Kanyang mga salita ay magkakaroon ng kapangyarihan at awtoridad na pagbuklurin ang masasama “kung kailan ang poot ng Diyos ay ibubuhos sa masasama nang walang sukat” (talata 9). Ipaliwanag na ang pariralang ito ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 1:10–16, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga karagdagang babala mula sa Panginoon.

  • Bakit maituturing na babala ang talata 10?

  • Anong parirala sa talata 11 ang naglalarawan na handa ang Panginoon na tulutan tayong pumili kung didinggin natin o hindi ang Kanyang mga babala?

Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa babala ng Tagapagligtas sa talata 14? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, magsulat sa pisara ng alituntunin na katulad ng sumusunod: Kung hindi natin pakikinggan at susundin ang tinig ng Panginoon at ang mga salita ng Kanyang mga propeta at apostol, tayo ay ihihiwalay mula sa mga tao ng Diyos.) Ipaliwanag na ang maihiwalay mula sa mga tao ng Diyos ay ang maihiwalay mula sa mabubuti at mula sa kapangyarihan, proteksiyon, impluwensya, at pagpapala ng Diyos, at sa huli sa Kanyang kinaroroonan.

  • Anong mga salita o mga parirala ang ginamit ng Panginoon sa mga talata 15–16 upang ilarawan ang mga taong inihiwalay mismo ang mga sarili mula sa Panginoon? Paano mailalarawan ng mga salita at pariralang ito ang mundo natin ngayon?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan … alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos” (talata 16)?

  • Paano nagiging mahirap ang pagsunod sa mga propeta at apostol sa panahong marami sa mga tao ang makamundo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mahalaga at kailangang sumunod kaagad sa mga salita ng mga propeta at apostol, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o nagpasiya na hindi ako kasali doon, napag-alaman ko na inilagay ko ang sarili ko sa panganib. Sa bawat pagkakataon na nakinig ako sa payo ng mga propeta, nadama ang pagpapatibay nito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, natuklasan kong napunta ako sa ligtas na lugar” (Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).

  • Anong payo o mga babala ang ibinigay ng mga propeta at apostol ng Panginoon kamakailan? (Maaari mong ibahagi ang ilang payo o babala mula sa huling pangkalahatang kumperensya.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano nila sinunod ang payo na iyan at ano ang maaari nilang gawin para mas masunod pa nilang mabuti ang payo at babala mula sa mga propeta at apostol. Hikayatin sila na sundin ang anumang inspirasyong matanggap nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na Kanyang ginawa dahil sa kapahamakang alam Niyang darating sa mundo. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ang salitang kapahamakan sa talata 17 ay tumutukoy sa pagdurusa, kalungkutan, at paghihirap na darating dahil sa kasamaan ng mundo.

  • Ayon sa talata 17, ano ang ginawa ng Panginoon dahil alam Niya ang kapahamakan na sasapit sa mga huling araw? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Dahil alam ng Panginoon ang kapahamakang sasapit sa mga huling araw, tinawag Niya si Joseph Smith bilang Kanyang propeta at binigyan siya ng paghahayag at mga kautusan. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 17.)

  • Sa paanong paraan nakatulong sa atin ang tungkulin ni Propetang Joseph Smith at ang mga paghahayag at kautusan na natanggap niya para makayanan natin ang kapahamakang mangyayari sa mga huling araw?

Doktrina at mga Tipan 1:18–33

Ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang kapangyarihan na maisalin ang Aklat ni Mormon at itatag ang Kanyang totoong Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:18–23, at alamin ang epekto sa mundo ng mga kautusan at paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:24–28, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga karagdagang dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoon ang mga kautusan at paghahayag na ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilang paraan na mapagpapala tayo sa pag-aaral ng mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:29–30, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong kapangyarihan ang ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang Simbahan sa talata 30? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 30.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang tanging tunay at buhay na simbahan”? (Kung kailangan, maaari mong banggitin sa mga estudyante ang komentaryo na nasa manwal ng estudyante para sa Doktrina at mga Tipan 1:30.)

Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na ang sinabi ng Panginoon hinggil sa kanyang Simbahan ay hindi nangangahulugan na wala kahit ilang katotohanan ang ibang mga simbahan. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na ang paanyaya natin sa mga miyembro ng ibang mga relihiyon ay “dalhin ninyo ang lahat ng kabutihan at katotohanang taglay ninyo mula sa kahit saan, at halina’t tingnan natin kung may maidaragdag pa kami rito” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 81).

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang sinabi ng Panginoon na ang Kanyang Simbahan ay “buhay” na simbahan, magpakita ng isang halaman at isang bagay na walang buhay tulad ng bato (o ipakita ang mga larawan ng mga bagay na ito). Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang mga katangian ng isang bagay na buhay, tulad ng halaman, kumpara sa isang bagay na hindi buhay, tulad ng bato. (Ang halaman ay lumalago, lumalaki, kailangan ng tubig at liwanag, at maaaring magbunga.)

  • Paano ito maiuugnay sa pagiging “buhay” na simbahan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? (Isang posibleng sagot ay ang patuloy na pag-akma ng Simbahan sa mga pabagu-bagong kalagayan sa buong mundo at ang pag-unlad sa kaalaman sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag mula sa Diyos.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na bagama’t hindi nagbabago ang mga walang hanggang katotohanan at mga doktrina, patuloy na nagbabago at umuunlad ang Simbahan ayon sa inihayag na kalooban ng Panginoon?

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo para malaman ninyo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan?

Doktrina at mga Tipan 1:34–39

Ang mga salita at mga paghahayag ng Panginoon na nasa Doktrina at mga Tipan ay totoo at matutupad lahat

Ibuod ang mga talata 34–36 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na nais Niyang mabalaan ang lahat ng mga tao na maghanda sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 1:37–39, at alamin ang mga katotohanang itinuro ng Panginoon sa pagtatapos ng kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng tapat ayon sa pagkagamit dito sa talata 37 ay maaasahan at mapagkakatiwalaan.

  • Anong mga katotohanan ang matutukoy natin sa mga talatang ito? (Bagama’t maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod: Inaasahan ng Panginoon na pag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan. Ang mga propesiya at pangako ng Panginoon ay totoo at lahat ay matutupad. Ang mga salita ng Panginoon ay totoo ito man ay sinabi Niya o ng Kanyang mga tagapaglingkod.)

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isa o dalawang pangungusap batay sa lesson ngayon na nagbubuod sa dahilan kung bakit sa palagay nila ay mahalagang pag-aralan nila ang Doktrina at mga Tipan. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang isinulat. Matapos makapagbahagi ang mga estudyante, hikayatin silang patuloy na saliksikin at pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan.