Institute
Lesson 26: Doktrina at mga Tipan 71–75


Lesson 26

Doktrina at mga Tipan 71–75

Pambungad at Timeline

Noong taglagas ng 1831, tinangka ng mga dating miyembro ng Simbahan na sina Ezra Booth at Symonds Ryder na siraan ang Simbahan at mga lider nito at pigilan ang mga tao na maging miyembro ng Simbahan. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasalita laban sa Simbahan sa harapan ng madla at walang tigil na naglathala ng mga artikulong laban sa mga Mormon sa mga lokal na pahayagan, na naging dahilan ng pagdami ng mga sumasalungat. Noong Disyembre 1, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 71. Dito, iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagtanggol ang Simbahan at sugpuin ang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan ayon sa patnubay ng Espiritu.

Dahil sa mabilis na paglago ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, na sinabayan ng paglipat ni Bishop Edward Partridge sa Missouri, kinailangang tumawag ng isang bagong bishop na maglilingkod sa Ohio. Noong Disyembre 4, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang tatlong paghahayag na pinagsama-sama sa Doktrina at mga Tipan 72. Sa mga paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney na maglingkod bilang bishop sa Ohio at iniisa-isa ang kanyang mga responsibilidad.

Makalipas ang isang buwan ng pangangaral ng ebanghelyo upang sugpuin ang mga kasinungalingan na ikinalat nina Ezra Booth at Symonds Ryder, nagbalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio. Noong Enero 10, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 73, kung saan iniutos ng Panginoon kina Joseph at Sydney na ipagpatuloy ang kanilang pagsasalin ng Biblia.

Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 74 ay natanggap noong 1830 bago lumipat si Joseph Smith sa Ohio. Naglalaman ito ng paliwanag ng Panginoon sa I Mga Taga Corinto 7:14.

Sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Enero 25, 1832, tumanggap si Joseph Smith ng dalawang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75. Sa mga paghahayag na ito, tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder hinggil sa kanilang mga tungkulin bilang missionary at nagtalaga ng makakasama nila sa misyon.

1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 74.

Oktubre 1831Sinimulan ng pahayagan na Ohio Star ang paglalathala ng siyam na liham mula sa nag-apostasiyang si Ezra Booth na bumabatikos sa Simbahan at mga lider nito.

Nobyembre 1, 1831Naglabas ang isang kumperensya ng Simbahan ng resolusyon na ilathala ang mga paghahayag ni Joseph Smith bilang Aklat ng mga Kautusan.

Disyembre 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 71.

Disyembre 4, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 72.

Enero 10, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 73.

Enero 25, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 75.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 71

Tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na sagutin ang mga kritiko ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung kailan hinamon o binatikos ang kanilang mga paniniwala. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

  • Bakit mahirap kapag hinahamon o binabatikos ang ating mga paniniwala?

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 71 na maaaring makatulong sa kanila na malaman kung ano ang itutugon sa mga bumabatikos sa Simbahan at sa mga turo nito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 71, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod talata:

Simula noong Oktubre 1831, isang pahayagan na tinatawag na Ohio Star ang naglathala ng siyam na liham na bumabatikos sa Simbahan at mga lider nito. Ang mga liham na ito ay isinulat ni Ezra Booth, isang dating mangangaral na Methodist na naging miyembro ng Simbahan matapos basahin ang Aklat ni Mormon at makita na mahimalang napagaling ni Propetang Joseph Smith ang may rayumang bisig ni Alice (o Elsa) Johnson. Naglakbay siya sa Missouri bilang missionary ngunit nadismaya nang hindi siya makagawa ng mga himala para makumbinsi ang iba sa katotohanan. Pagdating sa Missouri, sinimulan na niyang batikusin ang Propeta. Sa kanyang mga liham, pinaratangan ni Ezra Booth si Joseph Smith bilang isang impostor, at sinabing isang pakana lamang ang mga paghahayag nito para makuhanan ng pera ang mga tao. Si Symonds Ryder, isa pang naghinanakit na miyembro, ang hayagan ding bumatikos kay Joseph Smith upang hadlangan ang mga tao sa pagsapi sa Simbahan. Ang pang-uudyok at panliligalig nina Ezra Booth at Symonds Ryder ay naging dahilan para magalit ang ilang tao sa Simbahan at mga lider nito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 71:1–3, 7–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nais ng Panginoon na gawin nina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon para maibsan ang matinding pagbatikos sa Simbahan?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa talata 1 tungkol sa itutugon natin kapag binabatikos ng mga tao ang Simbahan at ang mga lider nito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag binabatikos ng iba ang Simbahan, maaari natin itong sagutin sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at pagsunod sa patnubay ng Espiritu.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalagang sagutin ang pambabatikos sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at pagsunod sa patnubay ng Espiritu?

Magpatotoo na ang pagsunod sa patnubay ng Espiritu ay makatutulong sa atin na sagutin ang pambabatikos habang iniiwasan na makipagtalo, na nagtataboy sa Espiritu, at kadalasaang lalong nagpapatigas ng damdamin ng ibang tao.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Sa pagtugon natin sa iba, bawat sitwasyon ay magiging kaiba. Sa kabutihang-palad, alam ng Panginoon ang nasa puso ng mga nagpaparatang sa atin at kung paano tayo epektibong makatutugon sa kanila. Kapag naghahangad ng patnubay ng Espiritu ang mga tunay na disipulo, tumatanggap sila ng inspirasyon na akma sa bawat sitwasyon. Sa bawat sitwasyon, ang mga tunay na disipulo ay tumutugon sa mga paraang mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon” (Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 73).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon kung kailan sila, o isang kakilala nila, ay umasa sa mga banal na kasulatan at sa patnubay ng Espiritu Santo sa pagtugon sa mga pambabatikos sa Simbahan at sa mga turo nito. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu at magbahagi ng mga katotohanan mula sa banal na kasulatan sa pagsagot sa mga bumabatikos sa Simbahan at mga turo nito.

Doktrina at mga Tipan 72

Tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney bilang bishop sa Ohio at ipinaliwanag ang mga tungkulin ng bishop

Ipaliwanag na noong Disyembre 3, 1831, naglakbay sina Joseph Smith at Sidney Rigdon mula sa Hiram, Ohio, patungong Kirtland para gawin ang utos ng Panginoon na ipahayag ang ebanghelyo at sugpuin ang mga kasinungalingang kumakalat laban sa Simbahan. Habang nasa Kirtland, nakipagkita ang Propeta sa ilang elder at mga miyembro ng Simbahan na gustong malaman ang kanilang mga tungkulin. Tumanggap ang Propeta ng tatlong paghahayag (mga talata 1–8, 9–23, at 24–26), na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 72. Dahil iniutos ng Panginoon kay Bishop Edward Partridge na lumipat sa Missouri, nawalan ng bishop ang mga Banal sa Ohio. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 72:1–2 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon na kailangang tumawag ng bagong bishop sa Kirtland.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 72:3–5, at alamin kung bakit kailangan ng mga Banal sa Ohio ng bishop.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit kailangan ng mga Banal sa Ohio ng bishop?

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “magbigay-sulit sa kanilang pangangasiwa, maging sa panahong ito at sa kawalang-hanggan” sa talata 3?

Ipaalala sa mga estudyante na noong mga unang araw ng Simbahan, ang pangangasiwa ay tumutukoy sa pondo, lupain, o responsibilidad na ibinigay sa mga Banal na sumusunod sa batas ng paglalaan. Iniutos ng Diyos sa mga Banal na ito na magbigay-sulit, o mag-ulat, tungkol sa mga pangangasiwang ibinigay sa kanila. Bagama’t hindi tayo binibigyan ng pangangasiwa sa ilalim ng batas ng paglalaan sa Simbahan ngayon, binigyan naman tayo ng Panginoon ng espirituwal at temporal na mga responsibilidad.

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin mula sa Doktrina at mga Tipan 72:3 tungkol sa mga responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa atin sa buhay na ito? (Dapat makatukoy ang mga estudyante ng doktrinang kahalintulad ng sumusunod: Papanagutin tayo ng Panginoon sa mga responsibilidad na ibinibigay Niya sa atin.)

  • Paano nakakaimpluwensya sa ating saloobin sa mga responsibilidad at tungkulin natin ang pag-alaala na sa huli ay mananagot tayo sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 72:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang natawag na bishop sa Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 72:9–26, iniisa-isa ng Panginoon ang mga responsibilidad ni Newel K. Whitney bilang bishop at nagbigay ng mga tagubilin para sa mga Banal na magtitipon sa Sion.

Doktrina at mga Tipan 73

Iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagpatuloy ang pagsasalin ng Biblia

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 73. Ibuod ang bahaging ito na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga elder na magpatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo sa Kirtland hanggang sa susunod na kumperensya ng Simbahan. Iniutos din Niya kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagpatuloy ang pagsasalin ng Biblia hanggang sa matapos ito.

Doktrina at mga Tipan 74

Ipinaliwanag ng Panginoon ang ibig sabihin ng I Mga Taga Corinto 7:14

Ipaliwanag na ang bahagi 74 ay hindi nakaayon sa pagkakasunud-sunod. Nangyari ito dahil sa paniwala ng mga editor ng mga nakaraang edisyon ng Doktrina at mga Tipan na ang paghahayag na nakatala sa bahaging ito ay ibinigay noong 1832. Subalit napatunayan na natanggap ito sa New York noong 1830 bago lumipat ang Propeta sa Ohio. Ibuod ang bahaging ito na ipinapaliwanag na ito ay paliwanag tungkol sa I Mga Taga Corinto 7:14, na scripture passage na ginamit noong panahon ni Joseph Smith upang pangatwiranan ang pagbibinyag sa mga sanggol.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 74:7 at alamin ang katotohanang itinuro ng Panginoon tungkol sa maliliit na bata. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 75

Ang Panginoon ay tumawag ng mga missionary at nagbigay ng mga tagubilin sa mga magkompanyon na missionary

Isulat sa pisara ang sumusunod na salita, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung alin sa mga salitang ito ang naglalarawan sa nararamdaman nila kapag nagbabahagi sila ng ebanghelyo sa iba: tuwang-tuwa, di-mapakali, naasiwa, gustung-gusto, natatakot, nag-aatubili, at nakahanda.

  • Anong mga kadahilanan ang makaiimpluwensya sa nararamdaman natin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 75 na makakahikayat sa kanila sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 75. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoon ang dalawang paghahayag na nakatala sa bahaging ito (mga talata 1–12 at 13–36). Ipaliwanag na sa mga paghahayag na ito, tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder hinggil sa kanilang mga tungkulin bilang missionary at nagtalaga ng makakasama nila sa misyon.

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong estudyante. Bigyan ang bawat estudyante sa bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na reperensya: Doktrina at mga Tipan 75:2–5; Doktrina at mga Tipan 75:6–11, 27; Doktrina at mga Tipan 75:13–14. Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang naka-assign na mga talata sa kanila, na inaalam ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  1. Sino ang kinakausap ng Panginoon?

  2. Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga missionary na ito na makatutulong sa atin na mahusay na maibahagi ang ebanghelyo?

  3. Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa kanila kung matapat nilang ipahahayag ang ebanghelyo?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa grupo nila ang kanilang mga sagot. Itanong sa klase:

  • Batay sa mga tinalakay ninyo sa inyong grupo, anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga pangako ng Panginoon sa mga taong tapat na ipapahayag ang ebanghelyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Kung matapat tayo sa paghahayag ng ebanghelyo, bibiyayaan tayo ng Panginoon ng karangalan, kaluwalhatian, at buhay na walang hanggan. Kapag naging tapat tayo sa pagpapahayag ng ebanghelyo, makakasama natin ang Panginoon.)

  • Sa inyong palagay, paano makahihikayat sa atin sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo ang pag-unawa sa mga alituntuning ito?

  • Ayon sa mga talata 11 at 27, ano ang ilang paraan na makakasama natin ang Panginoon kapag hinangad natin nang may panalangin na ibahagi sa iba ang ebanghelyo?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano natin makakasama ang Panginoon kapag ipinahayag natin nang masigasig at may panalangin ang ebanghelyo:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Ipinapangako ko sa inyo, kapag nanalangin kayong malaman kung sino ang kakausapin, papasok ang mga pangalan at mukha sa inyong isipan. Ipapaalam sa inyo ang inyong sasabihin sa mismong sandaling kailangan ninyo ito [tingnan sa D at T 84:85; 100:6]. Darating sa inyo ang mga pagkakataon. Madaraig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, at bibiyayaan kayo ng Panginoon na magkaroon ng sarili ninyong mga himala” (Neil L. Andersen, “Ito ay Isang Himala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 78–79).

  • Kailan ninyo nadama na kasama ninyo ang Panginoon habang ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo sa iba? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na ipanalangin kung sino ang babahagian nila ng kanilang patotoo tungkol sa ebanghelyo.