Institute
Lesson 15: Doktrina at mga Tipan 37–38; 41


Lesson 15

Doktrina at mga Tipan 37–38, 41

Pambungad at Timeline

Noong huling bahagi ng Disyembre 1830, patuloy na ginawa ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Sa panahong ito, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa Propeta na pansamantalang isantabi ang pagsasalin ng Biblia at sa halip ay ipangaral ang ebanghelyo at palakasin ang Simbahan. Iniutos din Niya na magtipon ang mga Banal sa Ohio.

Sa kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Enero 2, 1831, ibinalita ni Joseph Smith ang utos ng Panginoon na magtipon ang mga Banal sa Ohio. Marami sa mga Banal ang nagnais na malaman pa ang tungkol sa utos na ito, kaya’t nagtanong ang Propeta sa Panginoon sa oras ng kumperensya. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 38 sa harapan ng kongregasyon. Sa paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon ang mga dahilan kung bakit Niya iniutos sa mga Banal na magtipon sa Ohio at ipinaliwanag ang mga pangakong pagpapala sa paggawa nito.

Tinanggap ng karamihan sa mga Banal ang utos na ito at nagsimulang maghanda sa paglipat sa Ohio. Nang malapit nang matapos ang Enero 1831, si Propetang Joseph Smith, ang kanyang asawang si Emma, at iba pa ay naglakbay patungo sa Ohio at dumating sa Kirtland sa mga unang araw ng Pebrero. Noong Pebrero 4, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41, kung saan iniutos ng Panginoon sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan na manalangin upang matanggap ang Kanyang batas. Bukod pa rito, tinawag ng Panginoon si Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan.

Disyembre 1830Nagsimulang maging tagasulat ni Joseph Smith si Sidney Rigdon sa panahong isinasalin ang Biblia.

Disyembre 1830Habang isinasalin ang Biblia, natanggap ni Joseph Smith ang isang bahagi ng sinaunang talaan ni Enoc (Moises 7).

Disyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 37.

Enero 2, 1831Sa ikatlong kumperensya ng Simbahan, ibinalita ni Joseph Smith na magtitipon ang mga Banal sa Ohio.

Enero 2, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 38.

Enero–Pebrero 1831Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio, at dumating sa unang bahagi ng Pebrero.

Pebrero 4, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 41.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 37

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang Simbahan na magtipon sa Ohio

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga kautusan na pakiramdam nila ay madaling sundin. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isipin ang ilan sa mga kautusan na pakiramdam nila ay mahirap sundin.

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 37–38 na tutulong sa kanila na magkaroon ng lakas na sundin ang mga kautusan ng Diyos kahit maaaring mahirap gawin ito.

Ipaliwanag na matapos makilala ang Propeta noong mga unang araw ng Disyembre 1830, si Sidney Rigdon ay nanatili sa Fayette at, sa utos ng Panginoon, ay naging kasama at tagasulat ni Joseph Smith habang ginagawa ni Joseph ang pagsasalin ng Biblia. Kalaunan ng buwang iyon, natanggap ni Joseph Smith mula sa Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 37:1–4, at sabihin sa klase na alamin kung ano pa ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Propetang Joseph Smith.

  • Ano ang ipinagawa kay Joseph?

  • Sa inyong palagay, bakit sinabi ng Panginoon kay Joseph na palakasin lalo na ang mga Banal sa Colesville? (Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na nakaranas ng tumitinding pag-uusig ang mga Banal sa Colesville.)

  • Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal sa talata 3?

  • Ano ang maaaring itugon ng mga Banal sa utos ng Panginoon na lumipat sa lugar na mga 300 milya ang layo nang hindi lubos na nalalaman ang dahilan nito?

Doktrina at mga Tipan 38:1–22

Ipinahayag ng Panginoon na nalalaman Niya ang lahat ng bagay at tiniyak sa mga Banal na Siya ay kasama nila

Ipaliwanag na noong Enero 2, 1831, matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37, ang mga Banal ay nagpulong sa Fayette, New York, para sa ikatlong kumperensya ng Simbahan. Sa kumperensyang ito, tinalakay ng mga miyembro at lider ng Simbahan ang utos ng Panginoon na magtipon sa Ohio. Nagpahayag ng pag-aalala ang ilang miyembro ng Simbahan tungkol sa iniutos sa oras ng kumperensya.

  • Ano sa palagay ninyo ang inalala ng ilan sa mga Banal na ito?

Ipaliwanag na dahil nag-aalala at nagnanais ang mga naroon sa kumperensya na malaman pa ang tungkol sa utos na magtipon sa Ohio, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon. Sa harapan ng mga Banal, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 38.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 38:1–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal na maaaring nagpalakas ng kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang utos na magtipon sa Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang inihayag ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili sa talata 2 at 7 na makatutulong upang mapatibay ang ating pagtitiwala at pananampalataya sa Kanya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Dahil nalalaman ni Jesucristo ang lahat ng bagay at nakikita ang lahat ng bagay, maaari tayong manampalataya at magtiwala sa Kanya.)

  • Paano kaya nakatulong sa mga Banal ang doktrinang ito na sundin ang mahirap na utos na lumipat?

  • Paano kaya makatutulong sa atin ang doktrinang ito kapag mayroong mahirap na iniuutos sa atin ang Panginoon?

Ituro ang pariralang “Ako rin ang yaong kumuha ng Sion ni Enoc sa aking sinapupunan” sa talata 4, at ipaliwanag na bago natanggap ang paghahayag na ito, ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia at nakatala ngayon sa Moises 6–7 sa Mahalagang Perlas. Nakatala sa mga kabanatang ito ang tungkol sa propetang si Enoc at sa kanyang mga tao. Dahil sa kanilang kabutihan at pagkakaisa, tinawag ng Panginoon ang mga tao na ito na Sion. Habang inihahanda ng Panginoon ang mga Banal sa panahon ni Joseph Smith para maitayo ang Sion, itinuro Niya sa kanila ang tungkol kay Enoc at sa mga sinaunang tao ng Sion. Ang mga alituntunin ng pagkakaisa, kabutihan, at pagkalinga sa mga maralita, na nalaman ng mga Banal mula sa tala tungkol sa mga tao ni Enoc sa Moises 7, ay muling binanggit ng Panginoon sa bahagi 38 bilang mga alituntunin kung saan itatayo ang Sion sa mga huling araw.

  • Sa inyong palagay, bakit ginamit ng Panginoon ang halimbawa ni Enoc at ng kanyang mga tao upang matulungan ang mga Banal sa New York na sumampalataya at magtiwala sa Kanya?

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 38:8–12 binalaan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga kapangyarihan ng kadiliman sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos ay nagbigay Siya ng isang babala hinggil sa panganib na kinaharap ng mga Banal sa New York. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa panganib na nararanasan ng mga Banal sa Kirtland.

  • Ayon sa talata 13, ano ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa layunin ng kanilang mga kaaway?

  • Paano inilarawan ng babala ng Panginoon sa talata 13 ang dahilan kung bakit dapat tayong manampalataya at magtiwala sa Kanya?

  • Ayon sa talata 16, bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na lumipat sa Ohio?

Magpatotoo na dahil alam Niya ang lahat ng bagay, mababalaan tayo ng Panginoon sa mga panganib at magbibigay ng mga kautusan para sa ating kaligtasan.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 38:17–22 ipinahayag ng Panginoon sa mga Banal na nilikha Niya ang mundo at nais Niyang pagpalain at paunlarin ang Kanyang mga tao.

  • Paano maaaring nakatulong ang mga pangakong ito ng Panginoon para mawala ang alalahanin ng mga Banal na lisanin ang kanilang mga tahanan at sakahan para lumipat sa Ohio?

Doktrina at mga Tipan 38:23–42

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magkaisa at ipinaliwanag kung bakit iniutos Niya sa kanila na magtipon sa Ohio

Ipaliwanag na bukod pa sa pagsasabi sa mga Banal tungkol sa mga layunin ng kanilang mga kaaway, ipinabatid din ng Panginoon ang kailangang gawin nila bilang Kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27, at alamin kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga Banal.

  • Sa inyong palagay, bakit iniutos ng Panginoon na pahalagahan natin ang ibang tao gaya ng pagpapahalaga natin sa ating sarili?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talinghaga at paliwanag ng Panginoon sa talata 26–27? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung hindi tayo isa, hindi tayo maaaring maging mga tao ng Panginoon.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng “maging isa,” sabihin sa kanila na tahimik na basahin ang paglalarawan ng Panginoon sa mga tao ng Sion sa Moises 7:18.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang ibig sabihin ng maging isa?

  • Paano nakatulong ang alituntuning ito sa mga Banal habang lumilipat sila sa Ohio?

  • Anong mga pagpapala ang nakita ninyo sa inyong pamilya o sa Simbahan dahil sinunod ang alituntuning ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:28–33, at alamin ang mga dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon na magtipon ang mga Banal sa Ohio.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon na magtipon ang Kanyang mga tao? (Tiyakin na matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang proteksyunan sila at espirituwal na palakasin.)

Ipaliwanag na sa ilang pagkakataon, iniutos ng Panginoon sa kanyang mga tao sa pisikal na magtipon sa isang lugar. Sa ating panahon, iniutos sa atin ng Panginoon na espirituwal na magtipon sa mga ward, stake, at templo saanman tayo nakatira.

  • Paano nakatutulong ang pagtitipon sa mga ward, stake, at templo para maproteksyunan at mapalakas tayo?

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 38:34–42 nagbigay ang Panginoon ng mga kautusan at payo sa mga Banal na tutulong sa kanila sa paglipat sa Ohio. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:37, 39 at sabihin sa klase na alamin ang payo at pangako ng Panginoon.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng mga Banal, at ano ang ipinangako Niya sa kanila?

  • Sa inyong palagay, ano ang epekto ng mga pangakong ito na ginawa sa mga Banal na inutusang lumipat?

  • Paano napatindi ng mga pangakong ito ang inyong hangarin na sundin ang mga kautusan ng Panginoon?

Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating sa atin kapag ginawa natin ang iniutos ng Panginoon gaya ng mga Banal na pinangakuan ng mga pagpapala dahil sa pagtitipon sa Ohio.

Sabihin sa mga estudyante na isiping muli ang isang kautusan na maaaring mahirap para sa kanila na sundin.

  • Paano maaaring makatulong ang mga katotohanang natutuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 37–38 sa pagkakaroon natin ng lakas na sundin ang mga kautusang iyon?

Hikayatin ang mga estudyante na mangakong sundin ang mga kautusan kahit tila mahirap itong gawin.

Sabihin sa mga estudyante na matapos ang kumperensya ng Simbahan, ang mga Banal ay nag-ayuno at nanalangin upang malaman ang kalooban ng Panginoon. Pagkatapos matanggap ang espirituwal na pagpapatibay tungkol sa kautusan, marami sa kanila ang nagsakripisyo para makasama ng mga Banal sa Ohio.

Doktrina at mga Tipan 41

Itinuro ng Panginoon na susundin ng mga tunay na disipulo ang Kanyang batas

Ipaliwanag na noong Enero 1831, si Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma, na anim na buwan nang nagdadalantao, ay lumipat sa Ohio mula sa New York at dumating sa Kirtland sa unang araw ng Pebrero. Nang dumating ang Propeta, ang mga miyembro ng Simbahan “ay nagsusumikap na gawin ang kalooban ng Diyos, hanggang sa abot ng kanilang nalalaman, bagama’t may ilang kakatwang paniniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang lumaganap sa kalipunan nila” (Joseph Smith, Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org). Sa kanyang pagdating doon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:1–6, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa Propeta nang dumating ito sa Kirtland.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan?

  • Ayon sa talata 5, sino ang sinasabi ng Panginoon na Kanyang mga disipulo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Yaong mga tumatanggap at sumusunod sa batas ng Panginoon ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo.)

  • Paano maaaring nakatulong ang katotohanang ito sa mga Banal na iyon sa Kirtland na sumusunod sa mga mapanlinlang na espiritu at kakatwang paniniwala? Paano tayo matutulungan nito?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 41:7–12 na ipinapaliwanag na sa natitirang bahagi ng paghahayag na ito iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng bahay para matirhan ni Joseph at para dito rin gawin ang pagsasalin at tinawag Niya si Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.