Institute
Lesson 41: Doktrina at mga Tipan 103, 105


“Lesson 41: Doktrina at mga Tipan 103, 105,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 41,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 41

Doktrina at mga Tipan 103, 105

Pambungad at Timeline

Noong Pebrero 24, 1834, nakipagpulong sina Parley P. Pratt at Lyman Wight kay Propetang Joseph Smith at sa mataas na kapulungan o high council ng Kirtland para ipaliwanag ang kalagayan ng mga Banal sa Missouri at humingi ng payo at tulong. Sa araw ding iyon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103, kung saan nangako ang Panginoon na ang mga Banal ay “[manunumbalik] sa lupain ng Sion” kung hindi nila “durumihan ang kanilang mga mana” (D at T 103:13–14) at tinagubilinan ang mga lider ng Simbahan na magtipon ng mga suplay at ng mga taong sasama para tulungan ang mga Banal sa Missouri.

Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, binuo ni Propetang Joseph Smith at ng mahigit 200 boluntaryo ang Kampo ng Israel (nakilala kalaunan bilang Kampo ng Sion) upang tulungan ang mga Banal na sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, Missouri. Noong Hunyo 22, 1834, habang nakahimpil nang apat na milya sa hilaga ng Ilog Fishing sa Missouri at mga 24 na milya mula sa Independence, idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105, kung saan ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga Banal ay kailangang “maghintay ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion” (D at T 105:9). Nagbigay rin ang Panginoon ng mga tagubilin hinggil sa kailangang mangyari para matubos ang Sion, o mabawi ng mga Banal, sa darating na panahon.

Nobyembre–Disyembre 1833Sapilitang pinaalis ang mga Banal sa Jackson County, Missouri.

Pebrero 24, 1834Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 103.

Marso–Mayo 1834Ang mga lider ng Simbahan ay naghikayat ng kalalakihang sasapi sa kampo at nangalap ng pera bilang paghahanda sa paglalakbay patungong Missouri.

Mayo 1834Ang mga miyembro ng Kampo ng Sion ay nagsimula sa kanilang paglalakbay mula Ohio hanggang Missouri.

Hunyo 15, 1834Nalaman ni Propetang Joseph Smith na hindi maglalaan si Gobernador Daniel Dunklin ng milisya na tutulong sa mga Banal na makabalik sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, Missouri.

Hunyo 22, 1834Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 105.

Mga huling araw ng Hunyo 1834Ang mga miyembro ng Kampo ng Sion at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nagkasakit ng cholera.

Mga unang araw ng Hulyo 1834Pinauwi ang mga miyembro ng Kampo ng Sion.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 103:1–20

Ipinangako ng Panginoon na matutubos ang Sion

Isulat ang pariralang Madaig ng sanlibutan sa pisara.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang kahulugan ng madaig ng sanlibutan? (Ang mga posibleng sagot ay madaig at mapahamak dahil sa masasamang impluwensya, tukso, at kasalanan.)

  • Ano ang ilang paraan na nadadaig ngayon ng sanlibutan ang mga kabinataan at kadalagahan?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 103 na tutulong sa kanila na malaman kung paano tumanggap ng lakas na makapanaig laban sa masasamang impluwensya ng mundo.

Ipaliwanag na noong sapilitang pinaalis ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, nahirapan silang humanap ng sapat na tirahan at pagkain at inisip kung maninirahan ba sila sa ibang lugar sa halip na piliting makabalik sa kanilang mga tahanan sa Jackson County. Nang humingi ng tulong ang mga lider ng Simbahan sa mga opisyal sa kanilang lugar at sa estado, pinapaniwala ang mga Banal na kung sila ay bubuo ng sarili nilang hukbo para sa kanilang seguridad, aatasan ng gobernador ng Missouri, na si Daniel Dunklin, ang milisya ng estado na samahan ang mga Banal pabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County. Dahil hindi sigurado kung ano ang susunod na gagawin, ipinadala ng mga Banal sa Missouri sina Parley P. Pratt at Lyman Wight sa Ohio upang hingin ang payo ni Propetang Joseph Smith. Sina Parley at Lyman ay dumating sa Kirtland noong mga huling araw ng Pebrero 1834 at kinausap ang Propeta at ang bagong tatag na mataas na kapulungan noong Pebrero 24 upang talakayin ang mga pangangailangan ng mga Banal sa Missouri. Sa araw ding iyon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit pinahintulutan ng Panginoon na usigin at palayasin ang mga Banal sa Jackson County.

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon sa pagpapahintulot na mausig at mapalayas ang mga Banal sa Missouri mula sa kanilang mga tahanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga payo at pangako ng Panginoon sa mga Banal.

  • Ano ang ipinayo at ipinangako ng Panginoon sa mga Banal?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa ipinayo at ipinangako ng Panginoon sa mga talatang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung susundin natin ang payo ng Panginoon, magkakaroon tayo ng lakas na manaig laban sa sanlibutan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang babala ng Panginoon sa mga taong ayaw makinig sa Kanyang mga salita.

  • Ayon sa talata 8, ano ang mangyayari kung hindi natin susundin ang mga kautusan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin susundin ang mga kautusan, mananaig ang sanlibutan laban sa atin.)

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-dalawa o tig-tatlong miyembro, at sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang mga grupo ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o gawin itong handout na ibibigay sa mga estudyante.)

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano nagbibigay sa atin ng kapangyarihang manaig laban sa sanlibutan ang pakikinig sa payo ng Panginoon?

  • Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon na manaig laban sa sanliubutan dahil pinakinggan ninyo ang Kanyang payo?

Magpatotoo na kung masigasig nating sinisikap na makinig sa payo ng Panginoon at taos-pusong magsisisi kapag nagkasala tayo, tutulungan Niya tayong manaig laban sa masasamang impluwensya ng daigdig na ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat kung ano ang gagawin nila upang mas lubos na mapakinggan ang payo ng Panginoon.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 103:11–20 inihayag ng Panginoon na “pagkaraan ng maraming paghihirap,” ibabalik Niya ang Kanyang mga tao sa lupain ng Sion “sa tamang panahon” (mga talata 12, 20).

Doktrina at mga Tipan 103:21–40

Inihayag ng Panginoon kung paano tutubusin ang lupain ng Sion

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 103:21–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Propetang Joseph Smith para makatulong na matubos ang Sion. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 103:26–40, tinawag ng Panginoon ang walong lider ng Simbahan upang mag-recruit ng mga tao at magtipon ng pera at mga suplay upang tumulong sa pagtubos, o pagbawi, ng lupain ng Sion. Sinabi ng Panginoon na mag-recruit ng limandaang tao hangga’t maaari ngunit hindi kukulangin sa isang daan. Ang ekspedisyon na ito ay nakilala bilang Kampo ng Sion.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Sa katapusan ng pulong ng high council kung saan tinalakay ng mga lider ng Simbahan ang kalagayan ng mga Banal sa Missouri, sinabi ni Joseph Smith na maglalakbay siya patungo sa Sion at tutulong na mabawi ito. Mga 30 o 40 kalalakihang naroon ang nagboluntaryo. Nang sumunod na ilang buwan, masigasig na kumilos ang tinawag na walong lider ng Simbahan para paghandaan ang ekspedisyon. Kalaunan mahigit 200 katao ang sumanib sa Kampo ng Sion para maglakbay patungong Missouri.

Doktrina at mga Tipan 105:1–19

Ang pagtubos sa Sion ay ipinagpaliban “ng maikling panahon”

Magdispley ng isang mapa na nagpapakita sa Kirtland, Ohio, at sa Jackson County, Missouri (tulad ng mapa blg. 9, “Ruta ng Kampo ng Sion, 1834,” sa manwal na ito).

Larawan
mapa, Ruta ng Kampo ng Sion

Ipaliwanag na maraming miyembro ng Kampo ng Sion ang gustung-gustong makasama sa ekspedisyon at positibo ang pananaw sa magiging karanasan dito. Gayunman, nakaranas pa rin sila ng maraming hirap. Ang grupo ay naglakbay nang mahigit 900 milya sa baku-bakong daan. Karamihan sa kanila ay walang sasakyan at naglakad nang 20 hanggang 40 milya sa isang araw. Nakaranas sila ng matinding init, maalinsangang panahon, ulan, putik, sirang kagamitan, kakulangan sa pagkain at tubig, sakit, at paltos at duguang mga paa. Kung minsan, ilan sa kanila ang napilitang uminom ng tubig sa mga latian o mula sa mga bakas ng paa ng kabayo sa lupa pagkatapos itong mapuno ng tubig-ulan. Nagreklamo ang ilang miyembro ng kampo dahil sa mga sitwasyong naranasan nila sa paglalakbay.

  • Kung kayo ay bahagi ng Kampo ng Sion, paano masusubok ng mga karanasang ito ang inyong pananampalataya?

Ipaliwanag sa mga estudyante na matapos makarating ang mga miyembro ng Kampo ng Sion sa Missouri, nalaman nila na hindi magpapadala si Gobernador Daniel Dunklin ng milisya ng estado na tutulong sa mga Banal na makabalik sa kanilang mga lupain. Sa kabila ng nakapanlulumong balitang ito, nagpatuloy ang Kampo ng Sion patungo sa Clay County. Noong Hunyo 22, 1834, habang nakahimpil sila sa pagitan ng silangan at kanlurang bahagi ng Ilog Fishing, sa bandang hilaga ng Jackson County, Missouri, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 105:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang nakahadlang sa mga Banal sa pagtubos sa Sion.

  • Ano ang nakahadlang sa mga Banal sa pagtubos sa Sion?

  • Ayon sa talata 5, ano ang tanging paraan na maitatayo ang Sion?

Ipaliwanag na ang payo ng Panginoon sa mga talatang ito ay hindi lamang para sa mga Banal sa Missouri. Sa Doktrina at mga Tipan 105:8–9, pinagsabihan ng Panginoon ang iba pang mga miyembro ng Simbahan dahil ayaw nilang sumama sa Kampo ng Sion o magpadala ng pera para suportahan ang mga Banal na naghihirap sa Missouri.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 105:9, 16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga kinahinatnan ng mga paglabag ng mga Banal.

  • Ano ang ilan sa mga kinahinatnan ng paglabag ng mga Banal?

  • Kung kayo ay miyembro ng Kampo ng Sion, ano sa palagay ninyo ang maiisip o madarama ninyo matapos maglakbay nang mahigit 900 milya at malaman pagkatapos na hindi nais ng Panginoon na makipaglaban kayo para mabawi ang lupain ng Sion?

Ipaliwanag na ilang miyembro ng Kampo ng Sion ang nag-apostasiya dahil sa pakiramdam nila ay nabigo ang Kampo ng Sion nang hindi naibalik sa mga Banal sa Missouri ang kanilang mga tahanan at ari-arian. Gayunman, marami pa rin ang nanatiling tapat.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 105:10–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga layunin ng Panginoon sa pagpapaliban ng pagtubos ng Sion.

  • Ano ang mga layunin ng Panginoon sa pagpapaliban ng pagtubos ng Sion? (Ipaalala sa mga estudyante na ang kaloob sa talata 12 ay tumutukoy sa kaloob na kapangyarihan na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa Kirtland Temple [tingnan sa D at T 95:8].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong “nakinig sa [Kanyang] mga salita” (talata 18).

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong nakinig sa Kanyang mga salita?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain nang lubos ng Diyos ang mga taong patuloy na nakikinig sa Kanyang mga salita kahit subukin pa ang kanilang pananampalataya.)

Ipaliwanag na ang matatapat sa panahon ng paglalakbay ng Kampo ng Sion at maging noong matapos ang paglalakbay nito ay personal na naturuan ni Propetang Joseph Smith at naihanda para maging mga lider ng Simbahan sa hinaharap.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–1898):

“Ako ay nasa Kampo ng Sion kasama ang Propeta ng Diyos. Nakita ko ang pakikitungo ng Diyos sa kanya. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Nakita ko na siya ay isang Propeta. …

“Nang tawagin ang mga miyembro ng Kampo ng Sion, marami sa amin ang hindi pa kailanman nagkita; at hindi kami magkakakilala at marami ang hindi pa nakakita sa propeta. … Marami kaming naisagawa, kahit maraming beses nang nagtanong ang mga nag-apostasiya at di-naniniwala ng, ‘Ano ang mga nagawa ninyo?’ Nakamtan namin ang isang karanasan na hindi namin kailanman makakamtan sa ibang paraan. Nagkaroon kami ng pagkakataong makita ang mukha ng propeta, at naglakbay nang 1,600 kilometro na kasama siya, at nakita ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon.

“Ang naging karanasan [namin] sa paglalakbay sa Kampo ng Sion ay mas mahalaga kaysa ginto” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2011], 149152.)

Patingnan ang alituntuning nakasulat sa pisara: “Pagpapalain nang lubos ng Diyos ang mga taong patuloy na nakikinig sa Kanyang mga salita kahit subukin pa ang kanilang pananampalataya.”

  • Paano ninyo maiuugnay ang mga alituntuning ito sa mga kabinataan at kadalagahan at sa mga pagsubok sa pananampalataya na nararanasan nila ngayon?

  • Kailan kayo o ang kakilala ninyo patuloy na nakinig sa salita ng Panginoon kahit sinusubok ang inyong pananampalataya?

Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya ngayon na patuloy na makinig sa mga salita ng Panginoon kahit na sinusubok ang kanilang pananampalataya.

Doktrina at mga Tipan 105:20–41

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung ano ang dapat nilang gawin bago matubos ang Sion

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 105:20–41, ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na kung susundin nila ang Kanyang payo magkakaroon sila ng “kapangyarihan matapos ang maraming araw” na matubos ang Sion (talata 37).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito, at anyayahan ang mga estudyante na kumilos alinsunod sa mga katotohanang ito.