Institute
Lesson 39: Doktrina at mga Tipan 101


“Lesson 39: Doktrina at mga Tipan 101,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 39,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 39

Doktrina at mga Tipan 101

Pambungad at Timeline

Noong mga huling buwan ng 1833, nilusob ng mga mandurumog ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County, Missouri, at pwersahan silang pinaalis sa kanilang mga tahanan. Nang makarating ang balita ng karahasan kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, nalungkot siya para sa mga Banal sa Missouri at nagsumamo sa Panginoon na ibalik sila sa kanilang mga lupain at tahanan. Noong Disyembre 16–17, 1833, inihayag ng Panginoon sa Propeta kung bakit tinulutan Niya na magdusa ang mga Banal. Ang paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101, ay naglalaman din ng mga payo at mga salita na nagbibigay ng kapanatatgan hinggil sa “pagtubos ng Sion” (D at T 101:43).

Hulyo 23, 1833Sa pagbabanta ng karahasan ng mga mandurumog, nilagdaan ng mga lider ng Simbahan sa Missouri ang kasunduan na lilisanin ng lahat ng Mormon ang Jackson County pagsapit ng Abril 1, 1834.

Oktubre 20, 1833Ibinalita ng mga lider ng Simbahan sa Missouri na nais manatili ng mga Banal sa Jackson County upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa kanilang mga ari-arian.

Oktubre 31–Nobyembre 8Sinalakay ng mga mandurumog ang mga komunidad ng mga Mormon sa Jackson County, sinunog ang mga bahay at pwersahang pinaalis sa county ang mga Banal.

Nobyembre 25, 1833Nalaman ni Propetang Joseph Smith na sapilitang pinaalis ng mga mandurumog ang mga Banal sa Jackson County.

Disyembre 16–17, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 101.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 101:1–21

Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit Niya tinulutan ang mga Banal na magdusa at nagbigay Siya ng payo at kaaliwan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na naniniwala na hindi siya tutulungan ng Diyos kailanman dahil sa mga maling ginawa niya. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang sasabihin nila sa kaibigang ito.

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 101 na tutulong sa kanila na maunawaan kung ano ang nadarama ng Panginoon tungkol sa atin, kahit na nagkasala tayo.

Ipaalala sa mga estudyante na dahil sa karahasan ng mga mandurumog noong Hulyo 1833, sumang-ayon ang mga lider ng Simbahan sa Missouri na lilisanin ng lahat ng Mormon ang Jackson County pagsapit ng Abril 1, 1834. Ipaliwanag na noong Agosto 1833, pinayuhan ng mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ang mga Banal sa Missouri na humingi ng tulong at proteksyon sa pamahalaan. Matapos makausap ang gobernador ng Missouri, umupa ang mga lider ng Simbahan sa Missouri ng mga abugado at naghandang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at mga ari-arian, pagkatapos niyon nilusob ng mga mandurumog ang mga Banal at sapilitan silang pinaalis mula sa Jackson County noong Nobyembre 1833.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 101, at alamin ang mga paghihirap na naranasan ng mga Banal sa Missouri. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Parley P. Pratt (1807–1857):

Larawan
Elder Parley P. Pratt

“Sa pagkakawatak-watak ng mga kababaihan at mga bata, tinugis ng mga mandurunog ang mga kalalakihan, binaril ang ilan sa kanila, iginapos at nilatigo ang iba, at ang iba naman ay tinugis nang ilang milya.

“… Ang pampang [ng Ilog Missouri] ay nagsimulang mapuno sa magkabilang panig ng mga bangka na may sakay na kalalakihan, kababaihan at mga bata. … Napakaraming tao ang makikita saanmang direksyon, ang ilan ay sa mga tolda, ang ilan ay sa labas sa palibot ng isang siga, habang malakas ang buhos ng ulan. Hinahanap ng mga kalalakihan at kababaihan ang kanilang mga asawa; hinahanap ng mga magulang ang kanilang mga anak, at hinahanap ng mga anak ang kanilang mga magulang. …

“… Lahat ng aking suplay para sa taglamig ay sinira o ninakaw, at ang mga butil ko ay nagkalat sa lupa upang pulutin lamang ng aking mga kaaway. Pagkatapos ay sinunog ang aking bahay, at ang aking mga pananim at mga kasangkapan ay winasak o ninakaw” (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 121–22).

  • Anong mga bagay ang maaaring itanong ng mga Banal matapos silang paalisin sa Sion?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:1–3, 6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit itinulot ng Panginoon na mausig ang mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Bagama’t nagkasala ang mga Banal, ano ang ipinangako ng Panginoon sa kanila? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ituro ang pariralang “sila ay magiging akin sa araw na yaon kung kailan ako paparito upang buuin ang aking mga alahas,” at ipaliwanag na ito ay tumutukoy sa panahon sa hinaharap kung kailan gagantimpalaan ng Panginoon ang matatapat at ihihiwalay sila bilang Kanyang mga kayamanan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 101:4–5, at alamin ang sinabi ng Panginoon na kinailangang maranasan ng mga Banal upang sila ay maging “mga alahas” ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ibig sabihin ng pagpaparusa? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pagpaparusa ay “pagwawasto o pagdidisiplina na ginagawa sa mga tao o pangkat upang matulungan silang umunlad o maging mas matatag” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Parusa, Pagpaparusa,” scriptures.lds.org].)

  • Sa inyong palagay, bakit tinukoy ng Panginoon si Abraham nang ituro Niya sa mga Banal ang tungkol sa pagtitiis sa mga pagsubok? (Ang mabibigat na pagsubok kay Abraham ay naglalarawan ng kahalagahan ng pananatiling tapat kapag tayo ay dumaranas ng matinding pagsubok.)

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 5 tungkol sa kung ano ang mangyayari kung hindi tayo tapat na makatitiis sa pagpaparusa o pagsubok ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung hindi tayo tapat na makatitiis sa pagpaparusa o pagsubok, tayo ay hindi mapababanal.)

  • Paano makatutulong sa atin ang tapat na pagtitiis sa pagpaparusa at mga pagsubok para mapabanal tayo?

Ipaliwanag na maaaring gumamit ng maraming paraan ang Panginoon para maparusahan o masubok tayo. Ang pagwawasto ay maaaring dumating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga inspiradong lider ng Simbahan, o mga kaibigan at pamilya. Para sa mga Banal sa Sion, naranasan nila ang pagpaparusa nang hindi hadlangan ng Panginoon ang pag-uusig sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mensahe ng pag-asa na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na ito.

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin sa talata 9 na makatutulong sa atin kapag pinagdurusahan natin ang mga ibinunga ng ating mga kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Bagama’t nagkakasala tayo, ang Panginoon ay nahahabag pa rin sa atin.)

Ipaliwanag na dahil ang Panginoon ay nahahabag sa atin, nais Niya tayong manampalataya sa Kanya at magsisi ng ating mga kasalanan upang sa huli ay makabalik tayo sa piling Niya.

  • Sa inyong palagay, paano nakatulong ang katotohanang ito para maaliw o mapanatag ang mga Banal sa Missouri?

  • Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang tao sa ating panahon na nakadarama na hindi siya karapat-dapat sa tulong at pagmamahal ng Panginoon?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:10–21 na ipinaliliwanag na parurusahan ng Panginoon ang mga taong umusig o nagpahirap sa mga Banal. Ipinangako rin Niya na titipunin Niya ang Kanyang mga tao at itatatag ang Sion at ang kanyang mga istaka.

Doktrina at mga Tipan 101:22–42

Inilarawan ng Panginoon ang mga kalagayan sa panahon ng Milenyo at inihayag na ang Kanyang mga tao ay magiging asin ng lupa

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:22–34 na ipinaliliwanag na pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon at tumayo sa mga banal na lugar bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Inilarawan din ng Panginoon ang ilan sa mga pagpapalang matatanggap ng mabubuti matapos ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Isulat ang Pag-uusig sa pisara. Ipalarawan sa mga estudyante kung paano nakararanas ng pag-uusig ang mga miyembro ng Simbahan ngayon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:35–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga tapat na nagtiis ng “pag-uusig para sa [Kanyang] pangalan” (talata 35).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pangako ng Panginoon sa talata 35? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang mga dumanas ng pag-uusig para sa pangalan ni Jesucristo, at tapat na nagtiis ay makababahagi sa Kanyang kaluwalhatian.)

  • Ayon sa mga talata 36–38, paano natin matitiis ang pag-uusig nang may pananampalataya?

Isulat sa pisara o basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ng sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot sa kapartner nila. O maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot kung komportable silang gawin ito.

  • Kailan kayo inusig, o ang isang kilala ninyo, dahil sa paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Paano kayo nagtiis, o ang taong kilala ninyo, nang may pananampalataya?

Hikayatin ang mga estudyante na maging determinado na magtiis nang may pananampalataya kapag sila ay inusig dahil sa kanilang paniniwala kay Jesucristo.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:39–42 na ipinaliliwanag na itinuring ng Panginoon ang mga Banal bilang “asin ng lupa” (talata 39). Tulad ng asin na mawawalan ng lasa kapag nahaluan ng dumi, ang mahawahan ng mga kasalanan ng mundo ay makahahadlang sa atin sa pagiging mabuting halimbawa at pagpapala sa iba.

Doktrina at mga Tipan 101:43–75

Itinuro ng Panginoon ang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika at mga puno ng olibo at pinayuhan ang mga Banal na patuloy na magtipon nang magkakasama

Ipaliwanag na para matulungan ang mga Banal na maunawaan kung paano matutubos, o mababawi ang Sion, itinuro ng Panginoon ang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika at mga puno ng olibo na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101:43–62.

Isulat sa pisara o ipakita ang sumusunod na scripture reference at mga tanong:

Doktrina at mga Tipan 101:43–62

Paano nauugnay ang mga pangyayaring inilarawan sa talinghagang ito sa nangyari sa mga Banal sa Missouri?

Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagtubos ng Sion?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:43–62 at talakayin sa kani-kanyang kapartner ang mga tanong. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natalakay nila.

Sabihin na maaaring ang tore sa talinghaga ay tumutukoy sa templo na iniutos ng Panginoon na itayo ng mga Banal sa Jackson County, Missouri (tingnan sa D at T 57:2–3; 84:1–5; 97:10–12). Sa pangkalahatan, ang tore ay maaaring kumatawan sa Sion, na maitatayo lamang ng mga Banal sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng Diyos (tingnan sa D at T 101:11–12; 105:3–6). Ipaliwanag na ang tagapaglingkod na binanggit sa talata 55–62 ay si Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 103:21). Ilang buwan matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101, inorganisa ng Propeta ang isang grupo na tinawag na Kampo ng Israel (na kalaunan ay tinukoy na Kampo ng Sion) upang tubusin ang Sion at ibalik ang mga Banal sa kanilang mga lupain at tahanan (tingnan sa D at T 103:29–40).

Ipaliwanag na pagkatapos sapilitang paalisin sa Jackson County, inisip ng ilang mga Banal sa Missouri kung dapat bang sa ibang mga county na lang sila manirahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:63–67. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa kahalagahan ng pagtitipon nang magkakasama.

  • Ayon sa mga talata 64–65, bakit sinabi ng Panginoon sa mga Banal na patuloy na magtipon nang magkakasama?

Ituro ang pariralang “upang ang trigo ay maging ligtas sa mga bangan upang matamo ang buhay na walang hanggan” sa talata 65. Ipaliwanag na noong panahon ni Joseph Smith, ang mga naaning trigo ay inilalagay sa mga bangan, o lalagyan ng mga butil, para maiimbak nang maayos at maprotektahan. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga bangan sa mga banal na kasulatan ay maaaring sumagisag sa “mga banal na templo” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,”Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97).

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 65? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagtipun-tipon tayo sa mga banal na templo, tumatanggap tayo ng proteksyon at naihahanda ang ating satili para sa buhay na walang hanggan.)

  • Paano tayo pinoprotektahan at inihahanda para sa buhay na walang hanggan ng pagtitipon sa mga templo para sumamba, maglingkod, at tumanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa?

Doktrina at mga Tipan 101:76–101

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na maghanap ng paraan na makabalik sa kanilang mga tahanan sa Missouri

Sabihin sa mga estudyante na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101:76–101, inihayag ng Panginoon na Kanyang “itinatag ang Saligang-batas ng [Estados Unidos], sa pamamagitan ng kamay ng matatalinong tao” (tingnan sa talata 80) at dapat umasa ang mga Banal sa mga batas ng lupain at humingi ng “bayad-pinsala,” o tulong, mula sa pamahalaan (tingnan sa talata 76).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:77–78. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang pagtatatag ng Saligang-batas ng Estados Unidos.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang pagtatatag ng Saligang-batas?

  • Bakit mahalaga sa plano ng kaligtasan ng Diyos ang moral na kalayaan, o ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili?

  • Paano makatutulong sa atin ang mga talata 77–78 na maunawaan ang kahalagahan ng kalayaan sa relihiyon sa pagtiyak na magagamit ng bawat tao ang kanilang kalayaan sa mga bagay na nauukol sa pananampalataya?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo ng mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito, at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang ito.