Institute
Lesson 38: Doktrina at mga Tipan 98–100


“Lesson 38: Doktrina at mga Tipan 98–100,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 38,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 38

Doktrina at mga Tipan 98–100

Pambungad at Timeline

Noong 1833, ang lumalaking populasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Jackson County, Missouri, ay naging malaking problema sa mga orihinal na naninirahan sa lugar na ito dahil sa malaking pagkakaiba ng dalawang grupong ito sa kultura, pulitika, at relihiyon. Noong Hulyo 20, 1833, isang grupo ng mga mamamayan ng Missouri ang humiling na lisanin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Jackson County. Bago lubos na makatugon ang mga Banal, winasak ng mga mandurumog ang palimbagan ng Simbahan at binuhusan ng alkitran at balahibo sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen. Makalipas ang tatlong araw, isang malaking grupo ng mga mandurumog ang nagbanta pa ng karahasan, at napilitan ang mga lider ng Simbahan na lumagda sa isang kasunduan na lilisanin ng lahat ng Mormon ang Jackson County bago sumapit ang Abril 1, 1834. Noong Agosto 6, 1833, sa Kirtland, Ohio, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98, kung saan itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano haharapin ang pag-uusig. Pinayuhan din ng Panginoon ang mga Banal na sundin ang “saligang batas ng lupain” (D at T 98:6) at nagbabala sa kanila na tuparin ang kanilang mga tipan.

Si John Murdock ay sumapi sa Simbahan nang dumating ang mga unang missionary sa Kirtland, Ohio, mula sa New York, noong Nobyembre 1830. Agad siyang nagsimulang mangaral ng ebanghelyo. Noong Hunyo 1832, bumalik siya mula sa pagmimisyon sa mga lugar sa midwestern United States. Sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong Agosto 29, 1832, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 99, tinawag ng Panginoon si John Murdock na patuloy na maglingkod bilang missionary.

Noong Oktubre 1833, umalis sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon para sa isang maikling misyon sa Upper Canada. Noong Oktubre 12, 1833, tumigil sila sa Perrysburg, New York, at natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 100. Tiniyak ng Panginoon sa Propeta at kay Sidney Rigdon na magiging maayos ang kanilang pamilya sa Ohio. Pinanatag din sila ng Panginoon hinggil sa mga Banal sa Missouri, na dumaranas ng pag-uusig.

Paalala: Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 99 ay hindi nakaayon sa pagkakasunud-sunod ng iba pang mga bahagi sa Doktrina at mga Tipan dahil nagkamali sa paglalagay ng petsa sa paghahayag nang ilimbag ang 1876 edition ng aklat. Iwinasto ang pagkakamaling iyan sa paglilimbag noong 1981, ngunit ang pagkakalagay ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 99 ay hindi na inalis dito upang ang pagbanggit sa section number sa iba pang mga lathalain ay manatiling tama. (Tingnan sa Dennis A. Wright, “Historical context and overview of Doctrine and Covenants 99,” sa Dennis L. Largey at Larry E. Dahl, eds., Doctrine and Covenants Reference Companion [2012], 805). Tatalakayin sa lesson na ito ang mga bahagi 98–100 ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa Doktrina at mga Tipan.

Hunyo 1832Bumalik si John Murdock mula sa pagmimisyon sa mga lugar sa midwestern United States.

Agosto 29, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 99.

Hulyo 20, 1833Winasak ng mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, ang palimbagan ng Simbahan sa Independence at binuhusan ng alkitran at balahibo sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen.

Hulyo 23, 1833Sa pagbabanta ng karahasan ng mga mandurumog, nilagdaan ng mga lider ng Simbahan sa Missouri ang kasunduan na lilisanin ng lahat ng Mormon ang Jackson County pagsapit ng Abril 1, 1834.

Agosto 6, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 98.

Agosto 9, 1833Dumating si Oliver Cowdery sa Kirtland, Ohio, na may dalang balita tungkol sa karahasan ng mga mandurumog sa mga Banal sa Missouri.

Oktubre 5, 1833Umalis sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Kirtland, Ohio, upang ipangaral ang ebanghelyo sa New York at sa Mount Pleasant, Upper Canada (ngayon ay Ontario).

Oktubre 12, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 100.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 98:1–22

Pinanatag ng Panginoon ang mga Banal at pinayuhan sila na sundin ang batas ng lupain at tuparin ang kanilang mga tipan

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon nang sila, o isang taong kilala nila, ay tinrato nang hindi maganda at isipin kung ano ang ginawa nila, o ng taong ito.

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 98 na tutulong sa kanila na maunawaan kung ano ang inaasahan ng Diyos na gagawin natin kapag nadama nating tinrato tayo nang hindi maganda.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga sumusunod na talata. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila kung isa sila sa mga Banal na iyon sa Jackson County, Missouri.

Noong Hulyo 20, 1833, “apat o limang daang galit [na taga Missouri] ang nagpulong sa bahay-hukuman ng Independence. Sila ay … pumili ng isang komite na gagawa ng dokumento na nagsasaad ng mga kahilingan nila sa mga Mormon. …

“… Gumawa ang komite ng pahayag na walang Banal sa mga Huling Araw ang papayagang lumipat o manirahan sa Jackson County, at yaong naninirahan na dito ay kailangang mangako na aalis sa lalong madaling panahon. … Ang mga kapatid, na nabigla sa kahilingang ito … , ay humingi ng tatlong buwang palugit para pag-isipan ang kahilingan at para sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa Ohio. Hindi sila pinagbigyan sa hiniling nilang palugit. Humingi sila ng sampung araw, ngunit labinlimang minuto lamang ang ibinigay sa kanila ng komite.

“Ang mga taga Missouri na nasa pulong ay kaagad naging mararahas at nagpasiyang wasakin ang palimbagan at ang makina sa pag-imprenta ng [Simbahan]. Sinira [nila] ang makina sa pag-imprenta, ikinalat ang type, at sinira ang halos lahat ng nakalimbag, kabilang ang karamihan sa hiwa-hiwalay pang papel ng Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments]. Kaagad nilang nagiba ang dalawang palapag na palimbagan. …”

Pagkatapos ay binuhusan ng alkitran at balahibo ng mga mandurumog sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen sa harapan ng bahay-hukuman. Makalipas ang tatlong araw, isang armadong grupo ng mga mandurumog ang “sumunog ng mga bangan at bukirin at winasak ang ilang tahanan, kamalig, at negosyo. Sa huli, nakaharap ng mga mandurumog ang anim na lider ng Simbahan, na, dahil nakitang nanganganib ang mga ari-arian at buhay ng mga Banal, ay nagsabing buhay na lang nila ang kunin na kabayaran. …

“Hindi sila pumayag, sa halip ay nagbanta ang mga lider ng mga mandurumog na lahat ng mga lalaki, babae, at bata ay lalatiguhin maliban kung sumang-ayon sila na lisanin ang county. Napilitan ang mga kapatid na lagdaan ang kasunduan na lisanin ang county” (Church History in the Fulness of Times Student Manual [Church Educational System manual, Ika-2 ed., 2003], 132–34).

  • Kung isa kayo sa mga Banal sa Missouri, paano kayo tutugon sa mga mandurumog?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 98, at hanapin ang katibayan na nalalaman ng Panginoon ang paghihirap ng mga Banal sa Missouri.

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na inaalala ng Panginoon ang mga paghihirap ng mga Banal sa Missouri?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal.

  • Sa inyong palagay, anong payo ang makapagbibigay ng kapanatagan at kaaliwan sa mga Banal sa Missouri? Bakit?

  • Anong payo ang sa palagay ninyo ay mahirap sundin?

  • Batay sa ipinangako ng Panginoon sa mga Banal sa mga talata 1–2, anong alituntunin ang matutukoy natin tungkol sa mga ibubunga ng pagpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang paghihintay sa Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, ang ating mga paghihirap ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon?

  • Sa anong mga paraan magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti ang ating mga paghihirap kapag nagpapasalamat tayo sa lahat ng bagay at matiyagang naghihintay sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kilala nila na nagpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang naghihintay sa Panginoon sa panahon ng mga pagsubok at hamon sa kanya. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga halimbawang ito sa klase. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 98:4−10 na ipinapaliwanag na pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na sundin ang Kanyang mga kautusan at “[ma]kipagkaibigan,” o sundin ang “batas na yaon na siyang saligang-batas ng lupain” (talata 6). Sinabi rin Niya sa mga Banal na hanapin at suportahan ang mga lider ng pamahalaan na “matatapat,” “mabubuti,” at “marurunong” (talata 10).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal?

Ituro ang pariralang “Akin kayong susubukin at susukatin magmula ngayon” sa talata 12.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kayo [ay] susubukin at susukatin magmula ngayon”? (Susubukin ng Panginoon ang katapatan ng mga Banal.)

  • Bakit maaaring mahalaga para sa mga Banal sa Missouri na maunawaan na ang mga pagsubok na naranasan nila ay nilayong “[subukin sila] sa lahat ng bagay, kung [sila] ay mananatiling tapat sa tipan [ng Panginoon]” (talata 14)?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 98:16–22 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal na “talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan” (talata 16). Pinagsabihan Niya ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, at iniutos sa kanila na magsisi at tuparin ang kanilang mga tipan.

Doktrina at mga Tipan 98:23–48

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano harapin ang pag-uusig sa kanila at ipinaliwanag kung kailan makatwiran ang pakikidigma

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:23–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng mga Banal kapag ginawan sila nang masama ng ibang tao.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng mga Banal kapag sila ay nilait o inusig?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga pangako ng Panginoon sa mga taong tinitiis ang kanilang mga paghihirap nang hindi naghihiganti? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung titiisin natin ang mga pang-uusig sa atin nang hindi naghihiganti, gagantimpalaan tayo ng Panginoon.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Huwag nating hangaring maghiganti, sa halip hayaan nating manaig ang katarungan, at magparaya. Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. [Nagkaloob] ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti” (James E. Faust, “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,”Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).

  • Ano ang magagawa natin para matiis ang mga pang-uusig sa atin at huwag maghangad na maghiganti?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 98:28–48 na ipinaliliwanag na inilahad ng Panginoon ang mga sitwasyon na makatwiran ang makidigma. Iniutos din Niya sa mga Banal na patawarin ang kanilang mga kaaway.

Doktrina at mga Tipan 99:1–8

Tinawag ng Panginoon si John Murdock upang ipahayag ang ebanghelyo

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 99 na ipinaliliwanag na si John Murdock ay tinawag na magmisyon sa silangang Estados Unidos. Sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap na nararanasan niya, tinanggap ni John Murdock ang tawag na magmisyon at sinunod ang payo ng Panginoon na maglaan para sa kanyang pamilya bago siya umalis.

Doktrina at mga Tipan 100:1–17

Pinanatag at tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph Smith at Sidney Rigdon

  • Ano sa palagay ninyo ang inaalala ng mga missionary kapag nagsimula na sila sa kanilang pagmimisyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pinagmulang impormasyon para sa Doktrina at mga Tipan 100:

Isang convert na nagngangalang Freeman Nickerson ang naglakbay patungo sa Kirtland, Ohio, noong Setyembre 1833 at hiniling sa Propeta na sumama sa kanya sa New York at Canada para ipangaral ang ebanghelyo sa kanyang pamilya. Pumayag sina Joseph Smith at Sidney Rigdon, at umalis sila sa Kirtland noong Oktubre 5, 1833. Sila ay nangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay sila papuntang New York, at nang makarating sila sa tahanan ni Brother Nickerson sa Perrysburg, New York, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 100 (tingnan sa Eric Smith, “A Mission to Canada” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 202–4, o history.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 100, at alamin ang inalala nina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon hinggil sa kanilang pamilya?

  • Ayon sa mga talata 3–4, bakit ipinadala ng Panginoon sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon sa misyong ito sa New York at Canada?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na gawin bilang mga missionary.

  • Ano ang inutos ng Panginoon na gawin nila?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa pangakong ibinigay ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa mga talata 5–6? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag hinangad nating ibahagi ang ebanghelyo sa iba, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman kung ano ang sasabihin natin.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pangako ng Panginoon sa mga talata 7–8? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo nang taimtim sa puso at nang may pagpapakumbaba, ang Espiritu Santo ay magpapatotoo sa sasabihin natin.)

  • Kailan ninyo nakamtan ang isa o ang dalawang pangakong ito nang magbahagi kayo ng ebanghelyo sa iba?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 100:9–17 na ipinapaliwanag na hinirang ng Panginoon si Joseph Smith na maging “tagapaghayag” at si Sidney Rigdon na maging “tagapagsalita” sa Propeta (mga talata 9–11). Nangako ang Panginoon sa Propeta ng “kapangyarihan na maging makapangyarihan sa patotoo … [at] sa pagpapaliwanag ng lahat ng banal na kasulatan” (mga talata 10–11). Nangako rin Siya na “ang Sion ay tutubusin” (talata 13) at ipinahayag na Siya ay “magbabangon … ng mga dalisay na tao, na maglilingkod sa [Kanya] sa kabutihan” (talata 16).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito, at anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila.