Institute
Lesson 10: Doktrina at mga Tipan 23–25


Lesson 10

Doktrina at mga Tipan 23–25

Pambungad at Timeline

Sa loob ng ilang araw pagkatapos iorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830, limang tao ang lumapit kay Propetang Joseph Smith na naghahangad na malaman ang kanilang mga tungkulin sa ipinanumbalik na Simbahan. Isang personal na sagot ang ibinigay sa bawat isa sa kanila sa limang magkakasunod na paghahayag na pinagsama kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 23.

Noong Hunyo at Hulyo 1830, nagkaroon ng pag-uusig sa Colesville, New York, laban kay Propetang Joseph Smith at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Sa mahirap na panahong ito, pinalakas ng Panginoon ang Propeta at si Oliver Cowdery sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24, kung saan sila ay sinabihang maging matiisin sa mga paghihirap at patuloy na ipangaral ang ebanghelyo.

Si Emma Smith, ang asawa ng Propeta, ay nabinyagan noong Hunyo 28, 1830. Dahil sa pag-uusig naipagpaliban ang kanyang kumpirmasyon hanggang noong Agosto pagkaraan ng halos dalawang buwan. Noong Hulyo 1830, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25 para kay Emma. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon na si Emma ay isang hinirang na babae at nagbigay ng mga tagubilin tungkol sa kanyang pamilya at mga responsibilidad sa Simbahan.

Abril 6, 1830Inorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan.

Unang bahagi ng Abril 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 23.

Hunyo 9, 1830Ginanap ang unang kumperensya ng Simbahan sa tahanan ni Peter Whitmer Sr.

Hunyo 28, 1830Nabinyagan si Emma Smith.

Hunyo 28–Hulyo 2, 1830Si Joseph Smith ay inaresto at pinawalang-sala sa pagiging taong mapaggawa ng gulo sa South Bainbridge, New York, at muli sa Colesville, New York.

Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 24.

Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 25.

Agosto 1830Si Emma Smith ay nakumpirmang miyembro ng Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 23

Bilang tugon sa kanilang naising maglingkod, inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa limang indibiduwal

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan nakatanggap sila ng mga nakapanghihikayat na salita o payo sa oras na kailangang-kailangan nila ito. Maaari mong hilingin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang karanasan.

Ipaliwanag na noong Abril 1830, matapos maorganisa ang Simbahan, limang indibiduwal ang lumapit kay Joseph Smith na nagnanais malaman ang tagubilin ng Panginoon. Bilang tugon sa kanilang naisin, nagbigay ang Panginoon sa bawat indibiduwal ng mga partikular na tagubilin.

Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 23 at hanapin ang mga pangalan ng limang indibiduwal.

Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara: D at T 23:1–2; D at T 23:3; D at T 23:4; D at T 23:5; D at T 23:6–7. I-assign sa bawat estudyante ang isa o mahigit pa sa mga reperensyang ito, at sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang naka-assign na (mga) talata sa kanila, hinahanap ang payo na ibinigay ng Panginoon sa bawat indibiduwal. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa anong mga paraan magkatulad ang payo ng Panginoon sa bawat lalaki? Ano ang pagkakaiba?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga tala na ito tungkol sa mangyayari kapag masigasig nating hinangad na paglingkuran ang Panginoon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ninais nating paglingkuran ang Panginoon, makatatanggap tayo ng personal na tagubilin mula sa Kanya.)

Doktrina at mga Tipan 24

Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay tumanggap ng tagubilin para sa kanilang mga tungkulin

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 24, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang nangyari nang maorganisa ang Simbahan pagkalipas ng ilang buwan.

Bilang halimbawa ng mga pang-uusig na naranasan ng mga Banal, ipakita ang sumusunod na impormasyong pangkasaysayan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Noong huling bahagi ng Hunyo 1830, si Joseph Smith at iba pa ay naglakbay patungo sa Colesville, New York, upang binyagan si Emma Smith at ang ilan pang mga nananalig. Pinlanong isagawa ang mga pagbibinyag nang araw ng Linggo, Hunyo 27, ngunit dahil sa tangkang pigilan ang pagbibinyag, winasak ng ilang residente sa Colesville ang dam na ginawa ng mga Banal. Noong Lunes ng umaga, ang mga Banal ay nagtipon at agad na kinumpuni ang dam, at nabinyagan si Emma Smith at 12 iba pa. Bago matapos ang miting, isang grupo ng halos 50 mandurumog ang nagtipon at nagbanta na sasaktan ang mga Banal. Nang gabing iyon, nagpulong ang mga Banal upang kumpirmahin ang mga bagong binyag na miyembro, ngunit bago pa man magawa ang kumpirmasyon, inaresto si Joseph sa maling paratang na siya ay isang taong mapaggawa ng gulo. Nang mapawalang-sala si Joseph sa mga paratang na ito, agad siyang inaresto sa gayon ding paratang ng isang constable mula sa kalapit na bayan. Matapos siyang mapawalang-sala sa ikalawang pagkakataon, sina Joseph at Emma ay naglakbay patungo sa kanilang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, para sa kanilang kaligtasan. Hindi nagtagal, bumalik sina Joseph at Oliver Cowdery sa Colesville para ikumpirma ang mga bagong binyag na miyembro. Bago nila magawa ito, nagtipon ang mga mandurumog, at napilitang muli sina Joseph at Oliver na umalis patungo sa Harmony para sa kanilang kaligtasan. Hindi pa natatagalan matapos silang makauwi noong Hulyo 1830 natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 24:1–2 at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon sa Propeta habang iniiwasan niya ang mga nang-uusig.

  • Anong mga salita o parirala ang maaaring nakapanatag sa Propeta?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 24:3–6, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ni Joseph Smith sa mahirap na panahong ito.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “gawin ang iyong tungkulin” (talata 3)?

  • Bakit maaaring mahirap para kay Joseph ang iniutos ng Panginoon na kaagad magtungo sa mga Banal sa New York?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon na mangyayari kung pupunta si Joseph sa mga Banal sa New York at tatanggapin nila ang kanyang mga salita?

Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa isang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 24:7–9, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung tapat na gagampanan ni Joseph Smith ang kanyang tungkulin. Sabihin sa isa pang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 24:10–12, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung tapat na gagampanan ni Oliver Cowdery ang kanyang tungkulin. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith kung tapat niyang gagawin ang kanyang tungkulin?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Oliver Cowdery kung tapat niyang gagawin ang kanyang tungkulin?

  • Batay sa ipinangako ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, ano ang gagawin ng Panginoon para sa atin kung tapat nating gagawin ang ipinagagawa Niya sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat nating gagawin ang ipinagagawa ng Panginoon sa atin, makakasama natin Siya at palalakasin tayo.)

  • Sa paanong paraan maaaring nakatulong ang alituntuning ito kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa mahirap na panahong ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, sabihin sa kanila na isipin ang isang pagkakataon na napalakas sila ng Panginoon dahil tapat nilang ginawa ang iniuutos Niya. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 24:13–19 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph at Oliver hinggil sa mga himalang magagawa nila sa kanilang paglilingkod at kung ano ang gagawin nila kapag sinalungat sila ng mga tao. Iniutos din ng Panginoon na dapat maglaan ng suportang temporal ang Simbahan sa Propeta upang maiukol niya ang lahat ng panahon at lakas sa gawain ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 25

Nagbigay ang Panginoon ng personal na payo at tagubilin para kay Emma Smith

Ipaliwanag na noong Hulyo 1830, habang nasa Harmony, Pennsylvania, para makaiwas sa pang-uusig, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25. Ang paghahayag na ito ay para sa asawa ni Joseph na si Emma Smith. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na si Emma ay nabinyagan noong Hunyo 1830, ngunit dahil sa mga banta ng mga mandurumog at pag-aresto sa kanyang asawa, siya ay hindi pa nakumpirma.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 25:1–4. Sabihin sa klase na maghanap ng mga salita at parirala na maaaring makapagpanatag kay Emma Smith sa mahirap na panahong ito.

  • Anong mga salita ang ginamit ng Panginoon upang ilarawan si Emma?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mahirang? (“Ang hinirang ay yaong mga nagmamahal sa Diyos nang buo nilang puso at namumuhay sa pamamaraang nakasisiya sa Kanya” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hinirang, Pagkakahirang” scriptures.lds.org].)

  • Paano maaaring nakatulong kay Emma Smith ang nalaman niya na siya ay isang hinirang na babae sa mga panahong iyon ng paghihirap?

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kay Emma?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 25:5–10, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon kay Emma Smith.

  • Ano ang ipinagagawa ng Panginoon kay Emma Smith?

Ipaliwanag na ang salitang oordenan (tingnan sa talata 7) ay madalas gamitin sa Simbahan noon upang tukuyin ang mga ordenasyon at pagtatalaga [setting apart]. Kaya karaniwang sinasabi na “oordenan” kapwa ang kalalakihan at kababaihan sa mga tungkulin o calling, at ang ginagamit o itinatawag na natin ngayon para dito ay “set apart” (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Church History and Modern Revelation [1947], 1:126). Sabihin sa mga estudyante na noong iorganisa ang Relief Society noong 1842, tinawag si Emma Smith na maging unang pangulo ng organisasyon. Sa kaganapang iyon, binasa ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25 at sinabi na ang paghahayag ay “naisakatuparan sa Pagkakahirang kay Sister Emma Smith sa Panguluhan ng [Relief] Society, siya na inordenan noon na magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan” at hikayatin ang Simbahan (“Journal, December 1841–December 1842,” 91, josephsmithpapers.org).

  • Batay sa sinabi ng Panginoon na gawin ni Emma sa talata 10, ano ang inaasahan ng Panginoon na gawin natin? (Inaasahan ng Panginoon sa atin na isantabi muna ang mga bagay ng mundo at hangarin ang mga bagay na walang hanggan.)

  • Sa inyong palagay, ano ang mga bagay ng daigdig na ito na maaaring ipinag-alala ni Emma sa panahong ito ng kanyang buhay?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na heading: Mga Bagay ng Daigdig na Isasantabi at Mga Bagay na Walang Hanggan na Hahangarin. Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng ilang bagay na maaaring ilista sa ilalim ng bawat heading. Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng angkop na heading.

  • Sa inyong palagay, bakit makatutulong sa atin na isantabi ang mga bagay ng daigdig na ito sa paghahangad natin ng mga bagay na pang-walang-hanggan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na isinantabi nila ang mga bagay ng daigdig na ito at hinangad ang mga bagay na pang-walang-hanggan. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan para maisantabi nila ang mga bagay ng daigdig na ito at mahanap ang mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na kumilos ayon sa anumang mga pahiwatig na natanggap nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 25:11–12, at sabihin sa klase na alamin kung ano pa ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Emma.

  • Ano ang ipinagagawa ng Panginoon kay Emma?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pagsamba sa Panginoon sa pamamagitan ng musika mula sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sinamba natin ang Panginoon sa pamamagitan ng mabubuting musika, pagpapalain Niya tayo.)

  • Sa anong mga paraan maaaring maihalintulad ang “awitin ng puso” (talata 12) sa panalangin?

  • Paano maaaring magkaiba ang awitin ng puso at basta pagkanta lamang ng isang himno?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay dahil sa pagsamba ninyo sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuting musika?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang sagradong musika ay may kakaibang kapasidad na maiparating ang ating pagmamahal para sa Panginoon. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malaking tulong sa ating pagsamba. Maraming nahihirapan sa pagpapahayag ng pagsamba sa salita, ngunit lahat ay maaaring magsama-sama sa pagpaparating ng damdaming iyon sa pamamagitan ng mga inspiradong salita ng ating mga himno” (Dallin H. Oaks, “Worship through Music,” Ensign, Nob. 1994, 10).

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawang himno mula sa himnaryo na sa palagay nila ay nakatulong sa kanila para maiparating ang kanilang pagmamahal at pagsamba sa Panginoon. Kung may oras pa, maaari mong ipakanta ang isa o dalawa sa mga himnong ito sa buong klase. Hikayatin ang mga estudyante na makibahagi sa pagkanta ng mga himno sa Simbahan at sa iba pang lugar bilang pagsamba sa Panginoon.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 25:13–16 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Emma Smith na tuparin ang kanyang mga tipan at magpatuloy sa kaamuan. Ipinangako rin Niya na kung susundin ni Emma ang mga kautusan, tatanggap siya ng putong ng kabutihan.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa kung paano makapagbibigay sa atin ng patnubay at lakas ng loob ang mga katotohanang natukoy sa lesson na ito.