Institute
Lesson 22: Doktrina at mga Tipan 59–62


Lesson 22

Doktrina at mga Tipan 59–62

Pambungad at Timeline

Noong Linggo, Agosto 7, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59 habang nasa Jackson County, Missouri. Sa paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon ang mga inaasahan Niya sa mga Banal na kararating lang sa Sion, kabilang ang mga dapat gawin upang mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Tiniyak din ng Panginoon na ang mga susunod sa Kanyang mga kautusan ay tatanggap ng mga espirituwal at temporal na pagpapala.

Kinabukasan naghanda nang lisanin ni Joseph Smith at ng ilang elder ang Independence, Missouri, at bumalik sa Ohio. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 60, iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila. Sa pangatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakaranas ng panganib ang pangkat sa Ilog Missouri. Sa sumunod na dalawang araw, Agosto 12 at 13, natanggap ng Propeta ang dalawang paghahayag, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 61 at 62. Nakapaloob sa mga ito ang mga salitang nagbibigay ng tagubilin, babala, kapanatagan, at panghihikayat.

Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.

Agosto 4, 1831Nagdaos ng isang pagpupulong o kumperensya ng Simbahan sa Jackson County, Missouri.

Agosto 7, 1831Matapos magkasakit habang nasa biyahe mula sa Ohio hanggang Missouri kasama ang mga Banal mula sa Colesville, si Polly Knight, asawa ni Joseph Knight Sr., ay namatay sa Jackson County, Missouri.

Agosto 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 59.

Agosto 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 60.

Agosto 9, 1831Nilisan ni Joseph Smith at ng sampung elder ang Missouri para magtungo sa Kirtland, Ohio, at naglakbay patawid sa Ilog Missouri.

Agosto 12–13, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 61 at 62.

Agosto 27, 1831Dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 59

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal ang tungkol sa araw ng Sabbath at nangako ng mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa matatapat

Bago magklase, magdrowing ng dalawang column sa pisara, at isulat Ang Mundo sa itaas ng unang column. Kapag nagsimula na ang klase, sabihin sa mga estudyante na magsulat sa unang column ng mga salitang naglalarawan ng kasamaan ng mundo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano tayo makakaiwas na madaig ng kasamaang nakapalibot sa atin?

  • Ano ang magagawa natin para magkaroon ng kapayapaan sa maligalig na mundo?

Ipaliwanag na sa paninirahan ng mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County, Missouri, noong tag-init ng 1831, nakita nila sa dulo ng bayan ang isang komunidad kung saan laganap ang pagsusugal, paglalasing, karahasan, at paglabag sa araw ng Sabbath. Sa magulong kapaligirang ito, itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung ano ang dapat nilang ikilos at iasal sa kanilang bagong tirahan. Ang Kanyang mga tagubilin ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng paghahayag na ito, sabihin sa kanila na alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila para hindi madaig ng kasamaan ng mundo at kung paano makahanap ng kapayapaan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 59, at alamin pa ang karagdagang kontekstong pangkasaysayan para sa paghahayag na ito. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang nalaman niya. Ipaliwanag na si Polly Knight ay naglakbay sa Missouri kasama ang kanyang asawang si Joseph Knight Sr. at mga Banal sa Colesville. Habang nasa daan ay nagkasakit siya nang malubha ngunit tumangging tumigil sa paglalakbay dahil “ang tanging pinakananais lamang niya ay itapak ang kanyang mga paa sa lupain ng Sion” (Scraps of Biography [1883], 70).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang pangakong ibinigay ng Panginoon sa Kanyang matatapat na Banal sa Sion.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa matatapat na Banal sa Sion?

  • Bakit isinama ng Panginoon ang mga kautusan sa listahang ito ng mga kaloob na ibibigay Niya sa matatapat?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:5. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang kautusan na muling binanggit ng Panginoon sa mga Banal.

  • Paano ninyo ipaliliwanag sa inyong sariling mga salita ang ibig sabihin ng mahalin ang Panginoon nang buong puso, kapangyarihan, pag-iisip, at lakas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 59:6–8, at alamin ang mga karagdagang kautusan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.

  • Paano nauugnay ang mga kautusang ito sa utos na ibigin ang Panginoon nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, binigyang-diin ng Panginoon ang isang kautusan na makatutulong sa mga Banal na maipakita at mapalalim ang kanilang pagmamahal sa Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang karagdagang kautusan na itinuro ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang Pagpapanatiling Banal ng Araw ng Sabbath sa itaas ng isa pang column sa pisara.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, ipaliwanag na ang katagang “palanginan” sa talata 9 ay tumutukoy sa isang gusali na ginagamit para sa mga miting ng Simbahan sa araw ng Sabbath at ang katagang “sakramento” dito ay tumutukoy sa mga gawa ng katapatan o ordenansa na nagbibigkis sa atin sa Diyos.

  • Ayon sa talata 9, paano tayo mapagpapala sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinanatili nating banal ang araw ng Sabbath, lalo nating mapag-iingatan ang ating sarili na walang bahid-dungis mula sa sanlibutan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “lalo pa [nating] mapag-ingatan ang [ating] sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”? (Sikaping huwag gumawa ng kamunduhan, kasalanan, at kasamaan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit mahalaga na lalong maging walang bahid-dungis mula sa sanlibutan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga naisip.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–15 nang may kapartner, at alamin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Banal hinggil sa Kanyang banal na araw. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga footnote para mas maintindihan ang mga talatang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag ang ilang paraan na mapapanatili nilang banal ang Araw ng Sabbath batay sa natutuhan nila. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “iukol ang inyong mga pananalangin” sa talata 10 ay sumamba o magpakita ng pagmamahal at katapatan.) Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng heading na Pagpapanatiling Banal ng Araw ng Sabbath.

  • Paano makatutulong sa atin na lalong maging walang bahid-dungis mula sa sanlibutan ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath sa mga paraang ito?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung ano ang kasalukuyang ginagawa nila para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Sabihin sa kanila na magsulat ng mithiin na naglalarawan ng gagawin nila upang lalo nilang masunod ang kautusang ito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 59:16–19 na ipinapaliwanag na bukod sa mga espirituwal na pagpapala, nangako ang Panginoon ng maraming temporal na pagpapala sa mga nagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:20–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang nadarama ng Diyos sa pagkakaloob ng mga pagpapalang ito.

  • Ayon sa talata 20, ano ang nadarama ng Diyos sa pagbibigay ng pagpapala sa atin?

  • Ayon sa talata 21, paano tayo makasasakit sa Diyos? (Nakasasakit tayo sa Diyos kapag hindi natin kinikilala ang Kanyang ginawa sa lahat bagay at hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng kilalanin ang ginawa ng Diyos sa lahat ng bagay?

Ipaliwanag na kapag hindi tayo nagpapasalamat at sumusunod, nakasasakit tayo sa Diyos o hindi tayo nagbibigay-kaluguran sa Kanya dahil ang gayong mga pag-uugali at kilos ay naglalayo sa atin mula sa Kanya at sa Kanyang mga pagpapala.

  • Ayon sa talata 23, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan? (Hikayatin ang mga estudyante na markahan sa kanilang mga banal na kasulatan ang pangakong ito.)

Doktrina at mga Tipan 60

Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila pabalik sa Ohio

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 60, at alamin ang dahilan kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito. Ibuod ang bahaging ito sa pagpapaliwanag na hindi nalulugod ang Panginoon sa ilan sa mga elder dahil hindi nila “binubuksan ang kanilang mga bibig” (talata 2) at hindi ibinabahagi ang ebanghelyo habang naglalakbay papuntang Missouri. Iniutos ng Panginoon sa mga missionary na “huwag … sayangin ang [kanilang] panahon” (talata 13) at sa halip ay bumalik sa Ohio at ipahayag ang ebanghelyo habang naglalakbay sila. Ipaliwanag na ang pariralang “hindi ito mahalaga sa akin” sa talata 5 ay nangangahulugan na kailangang ang mga elder na ang magpasiya kung bibili o gagawa ng mga bangka para sa kanilang paglalakbay sa Ilog Missouri.

Doktrina at mga Tipan 61

Nagbigay ang Panginoon ng babala at tagubilin kay Joseph Smith at sa mga elder na naglalakbay patungong Ohio

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 61, at alamin ang nangyari kay Joseph Smith at sa sampung elder sa paglalakbay nila pabalik sa Kirtland, Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na nagkaroon ng pagtatalo ang ilan sa mga elder. Inayos nila ang pagtatalong ito noong gabi ng Agosto 11, 1831, at kinaumagahan, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 61.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 61 na ipinapaliwanag na itinuro ng Panginoon na Siya ay maawain at mapagpatawad sa mga taong “nagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang may mga mapagpakumbabang puso” (talata 2). Sinabi niya sa mga elder na hindi kinakailangang maglakbay sa ilog, dahil may tao na nakatira sa magkabilang panig ng ilog na dapat nilang pangaralan ng ebanghelyo. Itinuro ng Panginoon na “maraming kapahamakan” na mangyayari sa tubig sa mga huling araw ngunit ipinangako Niyang pangangalagaan ang buhay ng matatapat na elder (tingnan sa D at T 61:5–6, 14–15).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 61:22. Ipaliwanag na muling sinabi ng Panginoon sa mga elder, “Hindi mahalaga sa akin” (talata 22) kung paano nila gustong maglakbay. Nasa kanila ang karapatang magpasiya, basta’t ginagampanan nila ang kanilang misyon na mangaral ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 62

Pinuri ng Panginoon ang katapatan ng isang grupo ng mga elder na naglakbay patungo sa Independence, Missouri

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang pinakamatinding pagpapasiyang ginagawa natin ay hindi palaging kung ano ang mabuti o masama o ang maganda at di-magagandang alternatibo. Karaniwan, ang ating mahihirap na pagpili ay sa pagitan ng dalawang mabuting bagay” (David A. Bednar, “The Scriptures: A Reservoir of Living Water” [Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007], 6, speeches.byu.edu).

  • Anong uri ng mga pagpapasiya ang naranasan ninyo na naglalarawan ng itinurong ito ni Elder Bednar?

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 62, nagturo ang Panginoon ng mga alituntunin na gagabay sa atin kapag gumagawa ng mga desisyon. Ipaliwanag na noong Agosto 13, 1831, si Propetang Joseph Smith at ang ilan sa mga elder na naglalakbay patungo sa Ohio ay nakasalubong ang isang grupo ng mga elder na naglalakbay pa rin patungong Missouri. Nakatanggap ang Propeta ng paghahayag na nagbigay ng tagubilin sa mga missionary na ito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 62:1–3 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga elder na alam Niya kung paano masasaklolohan ang Kanyang mga tao kapag sila ay natutukso at pinuri sila sa mga patotoong kanilang ibinahagi.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 62:4–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga elder tungkol sa mga pagpapasiyang kailangan nilang gawin.

  • Aling pagpapasiya ang mahalaga sa Panginoon, at alin ang hindi mahalaga sa Kanya?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talata 8 na makatutulong sa paggawa natin ng desisyon? (Sa paggawa ng mga desisyon, nais ng Panginoon na gamitin natin ang sarili nating pagpapasiya at ang patnubay ng Espiritu.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga na ginagamit natin ang ating sariling pagpapasiya at ang patnubay ng Espiritu kapag gumagawa ng mga desisyon?

  • Kailan kayo natulungan ng matalinong pagpapasiya at ng mga pahiwatig mula sa Espiritu sa paggawa ng desisyon?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang naising maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, ngunit kailangang maunawaan na hinahayaan tayo ng ating Ama sa Langit sa maraming desisyon na tayo mismo ang pipili. Ang paggawa ng sariling desisyon ay isa sa mga pinagkukunan ng pag-unlad na dapat nating maranasan sa mortalidad. Ang mga taong sinusubukang ipasa ang lahat ng desisyon sa Panginoon at humihingi ng paghahayag sa bawat pagpili ay mararanasan kalaunan na kapag humingi sila ng patnubay ay hindi nila matatanggap ito. Halimbawa, malamang na mangyari ito sa napakaraming sitwasyon na magaan lang naman ang pagpapasiyahan o parehong katanggap-tanggap ang pagpipilian.

“Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhang ibinigay sa atin ng Tagapaglikha. Pagkatapos manalangin tayo na magabayan at kumilos ayon sa natanggap natin. Kung hindi tayo nakatanggap ng gabay, dapat tayong kumilos ayon sa matalino nating pasiya” (Dallin H. Oaks, “Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo ng kahalagahan ng paggamit ng matalinong pagpapasiya at ng patnubay ng Espiritu sa paggawa ng mga desisyon.