Institute
Lesson 27: Doktrina at mga Tipan 76:1–49


Lesson 27

Doktrina at mga Tipan 76:1–49

Pambungad at Timeline

Noong Pebrero 16, 1832, ginawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagbabago o rebisyon sa Biblia (na kilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith). Habang isinasalin ni Joseph Smith ang Juan 5:29, pinagnilayan nila ni Sidney ang kahulugan ng talata at pinakitaan sila ng isang pangitain, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Sa pangitaing ito pinagtibay ng Tagapagligtas ang katotohanan na Siya ay totoong buhay at isang Diyos, itinuro ang tungkol sa pagbagsak ni Satanas at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan, at inihayag ang katangian ng tatlong kaharian ng kaluwalhatian at ang mga taong magmamana ng mga ito.

Ang Doktrina at mga Tipan 76 ay ituturo sa dalawang lesson. Ang lesson na ito ay sumasaklaw sa Doktrina at mga Tipan 76:1–49, na kinapapalooban ng mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon sa matatapat, ang pagkakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Ama at sa Anak, at ang tala tungkol sa pagbagsak ni Lucifer at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan.

Enero 25, 1832Si Joseph Smith ay naorden bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote [High Priesthood] sa kumperensya ng Simbahan sa Amherst, Ohio.

Mga huling araw ng Enero 1832Bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio, para gawin ang inspiradong pagsasalin ng Bagong Tipan.

Pebrero 16, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 76.

Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay kinuha ng mga mandurumog sa gabi at walang-awang binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo sa Hiram, Ohio.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 76:1–10

Nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa mga naglilingkod sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na may nabasa sila o may sinabi sa kanila na akala nila ay tama pero nalaman nila kalaunan na mali pala. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ilarawan ang naranasan nila.

  • Ano ang maaari nating gawin para matutuhan at malaman ang katotohanan?

Ipaliwanag na nagkaroon din si Propetang Joseph Smith ng gayong karanasan dahil sa kanyang pagkaunawa sa mangyayari sa atin matapos ang buhay na ito. Ang Propeta ay nabuhay sa panahon na karamihan sa mga simbahang Kristiyano ay naniniwala na ang kabilang-buhay ay binubuo lamang ng langit o impiyerno: ang mabubuti ay mapupunta sa langit at ang masasama ay mapupunta sa impiyerno. Nang ipagpatuloy muli nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pagsasalin ng Biblia sa Hiram, Ohio, pinagnilayan nila ang paniniwalang ito tungkol sa langit at impiyerno.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 76. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang naghikayat sa Propeta na punahin ang konseptong ito tungkol sa kabilang-buhay, at ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

Ipaliwanag na habang nagninilay-nilay ang Propeta, ipinakita ng Panginoon sa kanila ni Sidney Rigdon ang pangitain na naghahayag ng mga detalye tungkol sa plano ng kaligtasan (tingnan sa D at T 76:11–112). Nang sinimulan ng Panginoon ang maluwalhating pangitaing ito, nangako Siya ng mga dakilang pagpapala sa tunay at matatapat na mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 76:1–10).

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:1–5 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalarawan ng mga katangian ng Panginoon, kabilang na ang Kanyang katalinuhan, kapangyarihan, kawalang-hanggan, awa, at biyaya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang tatanggap ng awa at biyaya ng Panginoon at sino ang ikinagagalak ng Panginoon na parangalan.

  • Ano ang dapat nating gawin para matanggap ang awa at biyaya ng Panginoon? (Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng may takot sa Panginoon ay magkaroon ng pagpipitagan, paggalang, at pagmamahal sa Kanya.)

  • Sino ang sinabi ng Panginoon na nagagalak Siyang parangalan?

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Kapag pinagpitaganan at pinaglingkuran natin ang Panginoon sa kabutihan at sa katotohahan, Siya ay …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 76:7–9, at alamin ang mga pagpapala na ibinigay ng Panginoon sa mga taong pinagpipitaganan at pinaglilingkuran Siya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang nakita nila sa kanilang banal na kasulatan.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong pinagpipitaganan at pinaglilingkuran ang Panginoon? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga salitang mga hiwaga sa talata 7 ay tumutukoy sa mga espirituwal na katotohanan na malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag.)

  • Batay sa mga talatang ito, paano natin makukumpleto ang alituntunin na nasa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para maipahayag nito ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinagpitaganan at pinaglingkuran natin ang Panginoon sa kabutihan at sa katotohahan, Siya ay maghahayag ng katotohanan sa atin.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano naghahayag ng katotohanan ang Panginoon sa mga taong pinagpipitaganan at pinaglilingkuran Siya.

  • Paano naghahayag ng katotohanan ang Panginoon sa mga taong pinagpipitaganan at pinaglilingkuran Siya?

Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagpapasimula ng Panginoon sa dakilang pangitaing ito ng mga kawalang-hanggan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mahalagang ginagampanan ng Espiritu sa pagtanggap ng paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon kung kailan tinuruan at pinaliwanagan sila ng Espiritu. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan sa klase. Maaari mong paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o sagrado.

Doktrina at mga Tipan 76:11–24

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang katuparan ng mga pangakong ibinigay sa mga talata 5–10.

  • Sa paanong paraan naranasan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang katuparan ng mga pangakong binanggit sa mga talata 5–10?

  • Ayon sa talata 12, ano ang epekto sa kanila ng kapangyarihan ng Espiritu?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:15–19. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon para maihanda ang kanilang mga sarili sa pagtanggap ng paghahayag.

  • Ano ang ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na naghanda sa kanila para makatanggap ng pangitain? (Pinagnilayan nila ang inspiradong pagsasalin ng Juan 5:29.)

  • Ano ang ibig sabihin ng pagnilayan ang mga banal na kasulatan? (Maaaring kasama sa mga sagot ang pagninilay o pag-iisip tungkol sa inyong mga binabasa, pagtatanong tungkol sa binabasa ninyo, at pag-iisip kung paano nauugnay sa buhay ninyo ang mga katotohanang inyong natuklasan.)

  • Ano ang alituntuning matututuhan natin mula sa halimbawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa maaari nating gawin para makatanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag pinag-aralan at pinagnilayan natin ang mga banal na kasulatan, maihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

Ipaliwanag na ang pangitain na nakita ng Propeta at ni Sidney Rigdon ay isa sa pinakamahahalagang paghahayag ng Panunumbalik. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–1898), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

“Tutukuyin ko lang ang ‘Pangitain’ [sa bahagi 76], bilang isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 132).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 76:19–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nakita at narinig nina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Ano ang nakita nina Propetang Joseph at Sidney Rigdon sa pangitain? Ano ang narinig nila?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kapartner nila kung anong doktrinal na mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo ang matutukoy nila sa mga talatang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang katotohanang natukoy nila mula sa mga talatang ito. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang sumusunod na doktrinal na mga katotohanan habang tinutukoy ng mga estudyante ang mga ito. Kabilang sa doktrinal na mga katotohanan na dapat matukoy ng mga estudyante ay ang mga sumusunod: Si Jesucristo ay buhay at niluwalhating nilalang. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkahiwalay at magkaibang nilalang. Si Jesucristo ang Tagapaglikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig. Sa pamamagitan ni Jesucristo, tayo ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.

Isulat sa pisara ang sumusunod sa ilalim ng listahan ng doktrinal na mga katotohanan:

Alin sa mga katotohanang ito ang lubos ninyong pinasasalamatan? Bakit?

Ano ang alam ninyong totoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga tanong na ito at ibahagi ang kanilang sagot sa kapartner nila. Matapos makapagbahagi ang mga estudyante ng kanilang mga ideya at patotoo, maaari mong anyayahan ang klase na kantahin ang “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78) para mas maanyayahan ang Espiritu na patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo.

Doktrina at mga Tipan 76:25–29

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang paghihimagsik ni Lucifer sa premortal na buhay

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:25–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung anong pangyayari ang sumunod na nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa pangitain.

  • Ano ang nalaman nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa ginawa ni Lucifer sa premortal na daigdig?

Ipaliwanag na ang pangalang Lucifer ay “nangangahulugang ‘Ang Kumikinang’ o ‘Nagdadala ng Liwanag’” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lucifer,” scriptures.lds.org).

  • Ano ang nangyari kay Lucifer dahil naghimagsik siya laban sa Bugtong na Anak ng Ama sa Langit na si Jesucristo? (Maaaring kinakailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng bansag na Kapahamakan ay pagkawala o pagkawasak.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon matapos nilang makita ang pangitain tungkol sa paghihimagsik ni Lucifer sa premortal na daigdig.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kina Joseph at Sidney?

  • Ayon sa talata 29, ano ang ginagawa ni Satanas sa mundo na katulad ng ginawa niya sa premortal na buhay? 

  • Sa anong mga paraan nakikidigma si Satanas sa mga Banal ng Diyos ngayon?

Doktrina at mga Tipan 76:30–49

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitain tungkol sa paghihirap ng mga anak na lalaki ng kapahamakan

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:30 na ipinapaliwanag na nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mangyayari sa mga malulupig ni Satanas.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 76:31–38. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga nagpapadaig kay Satanas.

  • Sa talata 32, ano ang itinawag ng Panginoon sa mga nagpadaig kay Satanas?

  • Ayon sa mga talata 31 at 35, anong mga pagpapasiya ang humahantong sa pagiging mga anak na lalaki ng kapahamakan?

Ipaliwanag na binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith na para maging anak na lalaki ng kapahamakan, ang isang tao ay “dapat tumanggap ng Espiritu Santo, ang kalangitan ay mabuksan sa kanya, at makilala ang Diyos, at pagkatapos ay magkasala laban sa kanya” (Manuscript History of the Church, vol. E-1, p. 1976, JosephSmithPapers.org).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay nangangailangan ng napakalaking kaalaman kung kaya’t lubos na imposible para sa isang karaniwang miyembro ng Simbahan na magawa ang gayong kasalanan” (Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness [1969], 123).

  • Sa mga talata 32–38, ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa paghihirap na mararanasan ng mga anak na lalaki ng kapahamakan sa kawalang-hanggan? (Ipaliwanag na ang pariralang “sila lamang ang hindi matutubos sa takdang panahon ng Panginoon” [talata 38] ay nangangahulugan na ang mga anak na lalaki ng kapahamakan na nabuhay sa mundo ang tanging mga indibiduwal na hindi makatatanggap ng kaluwalhatian ng Diyos matapos silang mabuhay na muli [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22; D at T 88:27–32].)

Sabihin sa mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 76:45–49, nalaman nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na walang sinuman ang lubos na makauunawa sa mga pagpahihirap ng mga anak na lalaki ng kapahamakan maliban sa mga taong makakaranas nito mismo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:39–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang mangyayari sa iba pang mga anak ng Diyos.

  • Ano ang mangyayari sa iba pang mga anak ng Diyos?

  • Bakit naging posible ang kaligtasan ng sangkatauhan?

  • Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga maliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng anak ng Diyos ay maliligtas maliban lamang sa mga anak na lalaki ng kapahamakan.)

Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang maliligtas ay magiging karapat-dapat at magagawang makapagmana ng isang lugar sa isang kaharian ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Sa inyong palagay, bakit tinawag ang doktrinang ito na “mabubuting balita” (talata 40)?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.