2013
Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin
Oktubre 2013


Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin

Mula sa isang Church Educational System fireside para sa mga young adult na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Marso 4, 2012. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa lds.org/broadcasts/archive/ces-devotionals/2012/01?lang=eng.

Larawan
Elder Quentin L. Cook

Maging matwid. Bumuo ng isang pamilya. Maghanap ng angkop na paraan para matustusan ang pamilya. Maglingkod kapag tinawag. Maghandang humarap sa Diyos.

Madalas ikuwento ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) ang isang pangyayaring naganap nang magmisyon siya sa Scotland. Nangulila siya pagkaraan lamang ng maikling panahon sa misyon at nag-ikut-ikot nang ilang oras sa kalapit na Stirling Castle. Pagbalik nila ng kanyang kompanyon mula sa pagbisita sa kastilyo, may nadaanan silang gusali na may nakaukit na sipi sa batong nasa ibabaw ng pintuan, na karaniwang sinasabing kay Shakespeare, na mababasang, “Maging Ano Ka Man, Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin.”

Sa paggunita sa karanasang ito, ipinaliwanag ni Pangulong McKay: “Sinabi ko sa sarili ko, o ng Espiritung sumaakin, ‘Ikaw ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Higit pa riyan, narito ka bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Tinanggap mo ang responsibilidad bilang kinatawan ng Simbahan.’ Pagkatapos ay naisip ko ang [tungkol sa] ginawa namin noon bago sumapit ang tanghali. Nag-ikut-ikot kami; tinuruan kami at nagtamo ng kaalaman tungkol sa kasaysayan, iyon ay totoo, at tuwang-tuwa ako roon. … Gayunman, hindi iyon gawaing misyonero. … Tinanggap ko ang mensaheng ibinigay sa akin sa batong iyon, mula noon ay sinikap na naming gawin ang aming tungkulin bilang mga missionary sa Scotland.”1

Napakahalaga ng mensaheng ito at napakalaki ng epekto nito sa kanya kaya habambuhay itong naging inspirasyon ni Pangulong McKay. Nagpasiya siya na anuman ang kanyang responsibilidad, gagawin niya ang lahat.

Iwasang Kumilos nang Wala sa Ayos

Dahil sa malaking potensiyal ninyo na nakababatang henerasyon ng Simbahan na makagawa ng kabutihan, ano ang ipinag-aalala ko sa kinabukasan ninyo? Ano ang maipapayo ko sa inyo? Una, mahaharap kayo sa matinding pamumuwersang kumilos nang wala sa ayos—magbalatkayo—at maging isang taong kaiba sa inyong pagkatao o sa taong gusto ninyong kahinatnan.

Sa kasaysayan ng Simbahan noong araw, sina Propetang Joseph, Emma, at ang kambal nilang sina Joseph at Julia na 11 buwan ay nasa Hiram, Ohio, sa tahanan nina John at Alice Johnson. May tigdas ang dalawang bata. Natutulog si Joseph at ang kanyang musmos na anak sa isang tiheras malapit sa pintuan sa harapan.

Sa gabi pumasok sa pintuan ang isang grupo ng kalalakihang may pinturang itim sa mukha at kinaladkad ang Propeta palabas, kung saan nila binugbog at binuhusan ng alkitran ito at si Sidney Rigdon.

Ang lubhang nakalulunos na bahagi ng pandurumog na ito ay ang pagkalantad ng munting si Joseph sa malamig na hangin sa gabi at sinipon nang malubha nang kaladkarin ang kanyang ama palabas. Dahil dito, namatay siya makalipas ang ilang araw.2

Pininturahan din ng mga nakilahok sa Pagpaslang sa Propeta at sa kanyang kapatid na si Hyrum ang kanilang mukha para itago ang tunay nilang pagkatao.3

Sa ating panahon, na mas madali nang hindi magpakilala, may mahahalagang tuntunin sa hindi pagbabalatkayo at sa “katapatan [sa] pananampalataya[ng] ipaglalaban.”4

Ang isa sa pinakamalalakas na proteksyon ninyo laban sa pagpili ng masama ay ang huwag itago ang tunay ninyong pagkatao. Kung nasumpungan ninyo na gusto ninyong gawin ito, dapat ninyong malaman na ito ay tanda ng panganib at isa ito sa mga kasangkapan ng kaaway para mahikayat kayong gawin ang isang bagay na hindi ninyo dapat gawin.

Karaniwan na ngayon ang pagtatago ng tunay na pagkatao kapag sumusulat ng kasuklam-suklam, malupit, at panatikong mga pakikipag-usap online nang hindi nagpapakilala. Ang tawag dito ng ilan ay flaming o pagpo-post ng masasakit na salita sa Internet.

Isinulat ni Apostol Pablo:

“Huwag kayong padaya: Ang masasamang [pag-uusap] ay sumisira ng magagandang ugali.

“Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka’t may mga ibang walang pagkakilala sa Dios” (I Mga Taga Corinto 15:33–34).

Malinaw na ang masasamang pag-uusap ay hindi lamang masamang pag-uugali. Kapag ginawa ito ng mga Banal sa mga Huling Araw, masama ang magiging epekto nila sa mga taong walang alam tungkol sa Diyos o walang patotoo sa Tagapagligtas.

Ang anumang paggamit ng Internet para mang-inis, manira ng reputasyon, o magpahiya ng tao ay maling-mali. Nakikita natin sa lipunan na kapag nagbabalatkayo at hindi nagpapakilala ang mga tao, mas nakakagawa sila ng ganitong klaseng paninira, na lubhang nakakasira sa magandang pag-uusap. Nilalabag din nito ang mga pangunahing alituntuning itinuro ng Tagapagligtas.

Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na hindi Siya naparito upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ang sanlibutan. At inilarawan niya ang ibig sabihin ng kahatulan:

“At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.

“Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.

“Datapuwa’t ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios” (Juan 3:19–21; tingnan din sa mga talata 17–18).

Hindi kailangang magbalatkayo ang mabubuti para itago ang kanilang tunay na pagkatao.

Kumilos Ayon sa Inyong mga Tunay na Pinaniniwalaan

Kumilos kayo ayon sa inyong mga tunay na pinaniniwalaan sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras ninyo sa mga bagay na magpapatatag at magpapaunlad sa inyong pagkatao at tutulong sa inyo na maging higit na katulad ni Cristo. Sana’y hindi isipin ng sinuman sa inyo na ang buhay ay puro saya at laro lamang kundi isang panahon para “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34: 32).

Isang napakagandang halimbawa ng pagganap sa inyong tungkulin at angkop na paggamit ng oras ang makikita sa buhay ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang siya, bilang isang marino, ay naging bahagi ng sumasakop na puwersa ng Estados Unidos sa Japan sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ikinuwento ito ni Elder Perry nang itala niya ang kanyang natatanging pagsaksi sa Tagapagligtas.

“Kasama ako sa unang bugso ng mga Marino sa dalampasigan ng Japan kasunod ng paglagda sa kasunduang pangkapayapaan nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagpasok namin sa nawasak na lungsod ng Nagasaki, isa iyon sa pinakamalulungkot na karanasan ko sa buhay. Malaking bahagi ng lungsod ang tuluyang nasira. Ang ilan sa mga namatay ay hindi pa nailibing. Bilang mga sundalo, nagtayo kami ng headquarters at nagsimula nang kumilos.

“Napakahirap ng sitwasyon, at gusto pang makatulong ng ilan sa amin. Nagpunta kami sa aming division chaplain at humingi ng pahintulot na muling itayo ang mga simbahang Kristiyano. Dahil sa paghihigpit ng gobyerno noong panahon ng digmaan, halos hindi na [nagamit] ang mga simbahang ito. Ang ilang gusali ay lubhang nasira. Isang grupo namin ang nagboluntaryong kumpunihin at palitadahang muli ang mga kapilyang ito kapag wala kaming trabaho para muling makapagdaos ng serbisyo doon ang mga Kristiyano.

“… Nakita namin ang mga pastor na hindi nakapagsilbi noong panahon ng digmaan at hinikayat namin silang mangaral muli sa kanilang pulpito. Nagkaroon kami ng matinding karanasan sa mga taong ito nang muli silang magkaroon ng kalayaang ipamuhay ang kanilang mga paniniwala bilang Kristiyano.

“May nangyari noong pauwi na kami mula sa Nagasaki na hinding-hindi ko malilimutan. Habang pasakay kami ng tren na magdadala sa amin sa aming mga barko para umuwi, tinukso kami ng maraming iba pang marino. Kasama nila ang kanilang mga kasintahan at nagpapaalam na sila sa mga ito. Pinagtawanan nila kami at sinabihan na pinalagpas namin ang kasiyahan sa Japan. Nagsayang lang daw kami ng oras sa pagtatrabaho at pagpapalitada ng mga pader.

“Sa kasukdulan ng kanilang panunukso, sa isang maliit na burol malapit sa istasyon ng tren ay nagdatingan ang mga 200 sa mababait na Kristiyanong Hapones na ito mula sa mga simbahang kinumpuni namin, na kumakanta ng ‘O mga Sundalong Sakop ni Cristo.’ Bumaba sila at binigyan kami ng napakaraming regalo. Pagkatapos ay humanay silang lahat sa gilid ng riles. At nang umandar na ang tren sa riles, inabot namin ang aming mga kamay at hinipo ang kanilang mga daliri habang papaalis kami. Hindi kami makapagsalita; napakatindi ng aming kalungkutan. Ngunit nagpasalamat kami na nakatulong kami sa ilang maliliit na paraan sa muling pagtatatag ng Kristiyanismo sa isang bansa pagkaraan ng digmaan.”5

Mag-isip sana kayong mabuti at maging maagap sa pagpili kung paano ninyo gagamitin ang oras ninyo. Tulad ng nakikita ninyo sa halimbawa ni Elder Perry, hindi ko sinasabing ipaalam ninyo sa lahat ang inyong relihiyon o ipakitang tapat kayo kahit hindi. Maaaring mapahiya ka at ang Simbahan dahil diyan. Ang sinasabi ko ay maging katulad kayo ng dapat ninyong kahinatnan.

Magtakda ng Tamang mga Mithiin

Ang ikatlong payo ko ay may kaugnayan sa ilan sa mga mithiing dapat ninyong isaalang-alang. Halos kasabay ng pananatili ni Elder Perry sa Japan bilang marino, naglingkod si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa Japan sa air force sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 2004, sinamahan ko si Pangulong Packer at ang iba pa sa Japan. Nagkaroon siya ng pagkakataong balikan ang ilan sa mga lugar na kanyang napuntahan at balikan ng tanaw ang ilan sa mga karanasan at desisyong ginawa niya noong panahong iyon. Sa kanyang pahintulot, ibabahagi ko ang ilan sa kanyang mga naiisip at nadarama.

Inilarawan ni Pangulong Packer ang mga naranasan niya sa isang pulo sa baybayin ng Okinawa. Itinuturing niya ito na kanyang bundok sa ilang. Pinalalim ng kanyang personal na paghahanda at pakikipag-usap sa iba pang mga miyembro ang kanyang paniniwala sa mga turo ng ebanghelyo. Ang kulang pa sa kanya ay katibayan—tiyak na kaalaman tungkol sa mga bagay na nadama na niyang totoo.

Inilarawan ng sumulat ng talambuhay ni Pangulong Packer ang nangyari: “Salungat sa kapayapaan ng katibayang hinangad niya, naharap siya sa impiyerno ng digmaan laban sa mga walang-muwang. Sa paghahanap ng oras na mapag-isa at makapag-isip, umakyat siya, isang araw, sa isang burol na mas mataas sa karagatan. Doo’y nakita niya ang mga labi ng natupok na kubo ng isang magbubukid, ang nakaligtaang bukid ng kamote na kalapit nito. At sa gitna ng lantang mga pananim nakita niya ang mga bangkay ng isang pinaslang na ina at dalawang anak nito. Ang tanawin ay pumuspos sa kanya ng kalungkutan na may halong pagmamahal sa sarili niyang pamilya at sa lahat ng pamilya.”6

Pagkaraa’y pumasok siya sa loob ng isang pansamantalang hukay, kung saan siya nagmuni-muni, nagnilay-nilay, at nanalangin. Nang gunitain ni Pangulong Packer ang pangyayaring ito, inilarawan niya ang tatawagin kong nagpapatibay na espirituwal na karanasan. Nakadama siya ng inspirasyon tungkol sa nararapat niyang gawin sa kanyang buhay. Mangyari pa, wala siyang kamalay-malay na tatawagin siya sa mataas at banal na tungkuling hawak niya ngayon. Ang pangarap niya noon ay maging isang guro, na nagbibigay-diin sa mga turo ng Tagapagligtas. Nagpasiya siya na mamumuhay siya nang matwid.

Nakintal sa isip niya na kailangang makahanap siya ng mabuting asawa at magkasama nilang bubuuin ang isang malaking pamilya. Natanto ng binatang sundalong ito na ang pinili niyang trabaho ay maglalaan ng sapat na kita at na kailangan silang magkaisa ng kanyang mahal na kabiyak sa mga prayoridad na iyon at maging handang mamuhay nang walang ilang materyal na bagay. Para kay Pangulong Packer, si Sister Donna Packer ang perpektong kabiyak na iyon. Hindi sila nagkaroon ng sobrang pera kailanman, ngunit hindi nila nadama na napagkaitan sila sa anumang paraan. Nagkaroon sila ng 10 anak, at nagsakripisyo sila. Ngayon ay mayroon na silang 60 apo at mahigit 80 apo-sa-tuhod.

Ikinuwento ko ang totoong salaysay na ito dahil ang ating mga mithiin kadalasan ay batay sa mga pinahahalagahan ng mundo. Talaga namang simple lang ang mahahalagang bagay na kailangang gawin ng mga miyembrong nakatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa. Maging matwid. Bumuo ng isang pamilya. Maghanap ng angkop na paraan para matustusan ang pamilya. Maglingkod kapag tinawag. Maghandang humarap sa Diyos.

Itinuro ng Tagapagligtas na “ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya” (Lucas 12:15).

Patatagin ang Inyong Bansa at Komunidad

Bukod sa personal na mga katangian, kahusayan, at pagpapasiya, para kayo maging henerasyon na kailangan ninyong kahinatnan, patatagin ninyo ang bansa at komunidad na inyong tinitirhan. Kailangan ng inyong henerasyon na protektahan ang kabutihan at kalayaan sa relihiyon. Ang pamana ng mga Judio at Kristiyano sa atin ay hindi lamang katangi-tangi kundi mahalaga rin sa plano ng ating Ama sa Langit. Kailangan natin itong ingatan para sa darating na mga henerasyon. Kailangan tayong makisama sa mabubuting tao, pati na sa mga miyembro ng lahat ng relihiyon—lalo na sa mga taong nakadarama na pananagutan nila sa Diyos ang kanilang ginagawa. Sila ang mga taong makauunawa sa payo na “maging ano ka man, gampanang mabuti ang iyong tungkulin.” Ang matagumpay na pagdaragdag ng mga pinahahalagahan ng mga Judio at Kristiyano at kalayaan sa relihiyon ay magiging tanda na ang inyong henerasyon ang dakilang henerasyong nararapat nitong kahinatnan.

Sa mga hamon sa mundo ngayon, partikular na ipinapayo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na makilahok kayo sa pulitika at iboto ang karapat-dapat sa bansang inyong tinitirhan. Ang Simbahan ay walang kinikilingan sa eleksyon at hindi sumusuporta sa mga kandidato o partido. Gayunman, inaasahan namin na ang ating mga miyembro ay magiging lubos na abala sa pagsuporta sa mga kandidato at partidong pinili nila batay sa mga tuntuning magtataguyod sa mabuting pamamahala. Malinaw ang ating doktrina: ang “matatapat at marurunong … ay nararapat na matiyagang hanapin” (D at T 98:10).

Malaki ang tiwala namin sa inyo. Ang pamunuan ng Simbahan ay taos-pusong naniniwala na maitatayo ninyo ang kaharian nang higit pa sa nagdaang henerasyon. Hindi lamang nasa inyo ang aming pagmamahal at tiwala [kundi] pati [na] rin ang aming mga panalangin at basbas. Alam namin na ang tagumpay ng inyong henerasyon ay mahalaga para patuloy na mapatatag ang Simbahan at mapaunlad ang kaharian. Dalangin namin na gampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin habang umiiwas kayo sa pagsusuot ng balatkayo, kumilos kayo ayon sa inyong tunay na pagkatao, magtakda kayo ng angkop na mga mithiin, at patatagin ninyo ang inyong bansa at komunidad.

Mga Tala

  1. David O. McKay, sa Francis M. Gibbons, David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God (1986), 45.

  2. Tingnan sa Mark L. Staker, “Remembering Hiram, Ohio,” Ensign, Okt. 2002, 32, 35.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 26.

  4. “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156.

  5. L. Tom Perry, sa “Joy—for Us and Others—Comes by Following the Savior,” http://lds.org/prophets-and-apostles/what-are-prophets-testimonies?lang=eng.

  6. Lucile C. Tate, Boyd K. Packer: A Watchman on the Tower (1995), 58–59.

Larawan ni Elder Quentin L. Cook na kuha ni Craig Dimond; mga paglalarawan ni Scott Davis

Ginampanang mabuti ni Elder L. Tom Perry ang kanyang tungkulin habang nasa Japan siya.

Larawan ni Elder L. Tom Perry © IRI

Napagpala si Pangulong Boyd K. Packer sa pagtatakda ng mabubuting mithiin.

Larawan ni Pangulong Boyd K. Packer, hindi maaaring kopyahin