2013
Bagong Deacon
Oktubre 2013


Bagong Deacon

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon” (D at T 84:35).

Malaking responsibilidad ang magpasa ng sakramento. Paano kung magkamali siya?

Tumayo si Benji sa harap ng salamin, inaayos ang kurbata niya. Bagay na bagay ang kanyang puting polo at asul na asul na pantalon. Nakasuklay ang kanyang buhok. Mukha naman talagang handa na siyang maorden na deacon. Pero bakit sobra ang kaba niya?

Kinuha ni Benji ang kanyang mga banal na kasulatan at lumabas ng silid. Pinilit niyang huwag isipin ang mangyayaring kakaiba sa simbahan ngayon. At nariyan pa ang bagong tungkulin sa priesthood na nagpapakaba sa kanya tuwing maiisip niya ito: pagpapasa ng sakramento. Paano kung magkamali siya sa una niyang paggawa nito sa susunod na linggo? Pinilit niyang kalimutan na rin iyon nang umalis siya ng bahay.

Idinaos ang sacrament meeting na tulad ng dati. Pero pagkatapos niyon, nagpunta na si Benji kasama ang pamilya niya sa opisina ni Bishop Salazar. Talagang kakaiba ito. Dati ay nasa opening exercises siya ng Primary sa oras na iyon.

Umupo si Benji at ipinatong ni Itay, ng bishop, ng Young Men president, at ng mga tagapayo sa bishopric ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo. Iginawad sa kanya ni Itay ang Aaronic Priesthood. Habang binabasbasan, nawala ang kaba ni Benji. Panatag at masaya na siya.

Tumayo si Benji at nakipagkamay sa lahat. Pagkatapos ay niyakap niya si Inay at ang kapatid niyang si Jay at ang nakababata niyang kapatid na si Mirasol.

Pagkatapos niyon, nagpunta siya sa Sunday School. Kahit hindi katulad ng Primary ang mga bagong klaseng iyon, komportable pa rin siya. Tungkol sa panalangin ang aralin. Marami na siyang natutuhan noon sa Primary tungkol sa panalangin. Nakahinga nang maluwag si Benjie. Siguro hindi naman napakahirap maging deacon.

“Masaya iyon,” sabi ni Jay kay Benji pagkatapos magsimba. “Ako ang magbabasbas ng sakramento, at ikaw ang magpapasa.”

Kinabahan siyang muli. “Oo, masaya nga,” mahina niyang sabi. Pagpapasa ng sakramento ang talagang inaalala ni Benjie!

Kalaunan nang gabing iyon nadatnan ni Benji si Itay na nagbabasa sa sopa. “Paano kung may malampasan ako at hindi sila makabahagi sa sakramento?” tanong niya. “Paano kung matisod ako?” Napakalinaw nito sa isipan niya, na bumagsak ang tray sa sahig at nagliparan ang mga water cup sa lahat ng dako.

Pinisil ni Itay ang balikat ni Benji. “Naaalala ko noong una akong magpasa ng sacrament. Mas kabado pa siguro ako noon kaysa sa iyo ngayon.”

Napakurap si Benji sa gulat. “Kayo po? Wala naman po kayong kinakatakutan!”

Natawa si Itay. “Maraming beses na akong kinabahan. Alam mo ba kung ano ang nakatulong sa akin para huwag kabahan?”

Nag-isip sandali si Benji. “Panalangin?”

Ngumiti si Itay. “Tama. Panalangin. At binasbasan ako ng tatay ko. Gusto mo bang basbasan kita?”

Agad tumango si Benji. “Opo! Gustung-gusto ko po iyan.”

Nagtipon ang pamilya sa sala. Ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo ni Benji. Habang nagsasalita si Itay, nagsimulang maluha si Benji. “Tandaan mo,” sabi ni Itay sa basbas, “natanggap mo ang priesthood sa pamamagitan ng isang sagradong ordenansa. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang priesthood para mapaglingkuran natin ang iba. Kung magagawa mo ito nang may buong layunin ng puso, pagpapalain ka rito at sa lahat ng bagay.”

Buong linggong ipinagdasal ni Benji na tulungan siya. Nang sumunod na Linggo, sumama siya sa mga deacon sa pag-upo sa harapan ng chapel. Nakinig siyang mabuti habang binabasbasan ni Jay ang tinapay.

Bigla siyang muling nag-alala. Kaya ba niya talagang gawin ito? Napakahalaga nito! Pagkatapos ay naalala niya ang mga pangako sa basbas ni Itay. Nawala ang pag-aalala niya nang madama niya ang Espiritu.

Dinampot niya ang trey at tiwalang nagpunta sa mga hanay na itinalaga sa kanya. Maingat niyang iniabot ang trey sa isang babae sa unang hanay.

Nginitian siya nito. Ngumiti rin si Benji, batid na naglilingkod siya sa Panginoon.

Paglalarawan ni Adam Koford