2013
Si Camille na Taga-New York City
Oktubre 2013


Si Camille na Taga-New York City

Ang siyam na taong gulang na si Camille ay maraming kaibigan. “Ang talagang gusto ko sa mga kaibigan ko ay ang pagkakaiba-iba nila,” sabi niya. “Nagmula sila sa iba’t ibang lugar, at iba’t iba ang paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay.” Gustung-gustong matuto ni Camille ng mabubuting bagay mula sa kanyang mga kaibigan, at gusto niyang bahaginan sila ng mga bagay-bagay. Ang pinakamagandang naibahagi niya sa isang kaibigan ay ang ebanghelyo. Matapos ibahagi ang unang saligan ng pananampalataya sa kanyang kaibigang si Yailin, inanyayahan ni Camille ang pamilya ng kanyang kaibigan na makipagkilala sa mga missionary. Tinuruan din ni Camille si Yailin kung paano manalangin. Ngayon si Yailin at ang kanyang ina ay mga miyembro na ng Simbahan.

Ang paborito kong mga awitin ay “Ako ay Anak ng Diyos ” at “Mag-Anak ay Magsasamang Walang Hanggan.” Ang paborito kong banal na kasulatan ay Doktrina at mga Tipan 19:23: “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.” Lagi akong pinasasaya ng talatang ito kapag nalulungkot ako.

Nabinyagan ang kaibigan kong si Yailin noong 2011. Gustung-gusto kong magkasama kami sa pagsisimba. Tinutulungan ko siyang isaulo ang mga Saligan ng Pananampalataya. Nasa ikasiyam na saligan ng pananampalataya na kami.

Ang nanay at tatay ko ay mula sa Dominican Republic. Kaya siguro paborito kong pagkain ang kanin at beans at manok. Ipinapaalala nito sa akin ang pinanggalingan ng aking pamilya.

Lima kami sa pamilya namin. Ang kapatid kong si Emily ay bibinyagan at makukumpirma sa Disyembre. Ang kapatid kong si Victor ay isinunod sa pangalan ng tatay ko. Wala pa akong alagang mga hayop, pero balak kong mag-alaga ng pagong. Gusto ko ang mga pagong dahil nakakatuwa silang tingnan at napakabagal, kaya hindi sila makatatakbo palayo.

Gustung-gusto ko ang kuwento tungkol kay Kapitan Moroni sa Aklat ni Mormon. Binasa ito ng tatay ko sa family home evening, at nahikayat ako nitong gumawa ng sarili kong watawat. Ipinapaalala sa akin ng aking watawat kung sino ako at na lagi kong kasama ang Ama sa Langit.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng Statue of Liberty © Getty Images; Magbangon, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum