2013
Isang Kahon ng mga Retrato
Oktubre 2013


Isang Kahon ng mga Retrato

Cindy Heggie, Alberta, Canada

Ilang taon na ang nakararaan nang magtapon kaming mag-asawa ng basura sa tambakan ng basura sa aming lugar, napansin ko na dinampot ng isa sa mga babaeng nagtatrabaho roon ang isang kahon para ipasok sa dapugan [incinerator]. Biglang nabuksan ang mga kahon, at nalaglag ang ilang retrato.

Habang nakamasid ako, may nagtulak sa aking puntahan at kunin ang kahon ng mga retrato. Mabilis akong bumaba ng kotse para tumulong sa pagdampot ng mga retrato. Kapwa namin nadama ng babae na hindi sadya ang pagkatapon sa mga retrato, at kinumbinsi ko siyang ibigay sa akin ang mga retrato para makahanap ako ng isang taong gugustuhing kunin ang mga ito.

Habang sinusuri ko ang daan-daang retrato sa kahon, nakita ko ang isang sobreng nakaukol sa isang tao sa Warburg, Alberta, Canada. Nang sumunod na ilang taon, sumulat ako ng ilang liham sa mga taong gayon din ang apelyido, pero wala ni isang sumagot.

Nang magkaroon ng access ang pamilya ko sa Internet, natuklasan ko na may isang historical society sa Warburg. Itinanong ko kung may nagtatrabaho doon na pamilyar sa mga pangalang nakita ko sa likod ng mga retrato.

Pagkaraan ng isang buwan nakatanggap kami ng tawag mula sa isang lalaking nakontak ng historical society. Sinabi niya na nakatira ang kapatid niyang babae malapit sa amin, at itinanong niya kung maaaring makita nito ang mga retrato. Siyempre pumayag kami.

Kinabukasan, dumating sina Floyd at Beth Hawthorn, kapwa mga Banal sa mga Huling Araw, para tingnan ang mga retrato. Nang buksan ko ang kahon, sabi ni Brother Hawthorn, “Hayan siya, o,” habang nakaturo sa retratong nasa ibabaw. Retrato iyon ng lolo ni Sister Hawthorn.

Habang isa-isa nilang dinadampot ang mga retrato, nagkuwento sa amin sina Brother at Sister Hawthorn tungkol sa mga taong nasa bawat retrato. Hindi sigurado ang mga Hawthorn kung may kaugnayan sila sa taong nagtapon ng mga retrato, at hindi nila alam kung bakit napunta ang mga retrato sa tambakan ng basura.

Malakas ang pakiramdam ko na tinulungan ako ng Ama sa Langit na maibalik ang mga retrato sa pamilya Hawthorn. Pinatototohanan ko na ang gawain sa family history ay isa sa pinakamahahalagang gawaing dapat gawin. Kung handa tayong gawin ito, tutulungan tayo ng Panginoon.