2013
Sundan ang Kanyang mga Yapak
Oktubre 2013


Sundan ang Kanyang mga Yapak

Ang pagtulad sa Tagapagligtas ay unti-unti at habambuhay na gawain, at makapagsisimula ka sa maliliit na paghakbang araw-araw.

Larawan
Christ walking with sheep in the background.

Hinihikayat tayo sa mga banal na kasulatan na tularan si Jesucristo at “lumakad na gaya ng inilakad niya” (I Ni Juan 2:6). Ngunit ang unang paghakbang na iyan ay maaaring mahirap—lalo na kapag hindi mo alam kung paano magsimula.

Matutulungan ka ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero. Maaaring iniisip mo na hanbuk lang ito para sa mga full-time missionary, ngunit ang totoo ay malaki ang maitutulong nito sa pagsisimula mong kamtin ang mithiing tularan ang Tagapagligtas. Layon ng kabanata 6 na tulungan kang maunawaan at maipamuhay ang siyam na katangian ni Cristo.

Narito ang ilang mungkahi kung paano gamitin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ang mga banal na kasulatan sa paghahangad mong taglayin ang mga katangian ni Cristo:

  • Para makapagsimula, pumunta sa Aktibiti Patungkol sa Katangian sa dulo ng kabanata 6 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 144). Matutulungan ka ng aktibidad na ito na malaman kung aling mga katangian ang espirituwal na kalakasan mo ngayon at kung alin ang kailangan mong sikaping taglayin.

  • Matapos gawin ang aktibidad, mapanalanging pumili ng isang katangiang pagtutuunan ng pansin. Isiping basahin ang bahagi sa kabanata 6 tungkol sa katangiang iyon.

  • Magtakda ng partikular na mga mithiing maaaring kamtin na makatutulong sa iyo na magkaroon ng ganitong katangian. Bigyan ng takdang panahon ang iyong sarili para gawin ang iyong mithiin. Pagkatapos ay suriin ang iyong pag-unlad. Halimbawa, kung gusto mong maging mas mapagbigay, maaari kang magtakda ng mithiing magsabi ng magagandang bagay tungkol sa kapatid mong lalaki o babae nang tatlong beses sa isang araw sa loob ng isang linggo. Sa katapusan ng linggo, susuriin mo kung nagawa mo ang iyong mithiin at gagawa ka ng mga pagbabagong makatutulong sa iyo na patuloy na bumuti.

  • Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay naglalaan ng mga talata sa banal na kasulatan na pag-aaralan sa bawat katangian. Maaaring mapanalangin mong pag-aralan ang mga banal na kasulatan na nakalista at isulat ang mga impresyong natanggap mo habang nagbabasa.

  • Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang magkaroon ng isang katangian ni Cristo. Hingin ang kailangan mong tulong tulad ng, “Bigyan po Ninyo ako ng lakas na huwag magalit kapag kinukuha ng mga kapatid ko ang mga gamit ko.” Kapag mas partikular ang iyong mga dalangin, mas madali mong madarama ang mga sagot ng Panginoon.

Ang pagtulad sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay unti-unting proseso at panghabambuhay na hangarin. Kung minsan ay parang napakahirap nito. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa. Nangako sa atin ang Panginoon: “Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24). Sa pagtanggap, pag-aaral, at pamumuhay natin ng liwanag at katotohanan at patuloy nating pagsunod sa Diyos sa bawat araw, makatitiyak tayo na magiging mas katulad tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Paghahanap sa Nawawala, ni Liz Lemon Swindle, hindi maaaring kopyahin; paglalarawan © Shayla Marie Fursov; background © iStock/Thinkstock; filigrees © Hemera/Thinkstock

Mga Araling Pang-Linggo

Ang Paksa sa Buwang ito: Pagiging Higit na Katulad ni Cristo