2013
Ngumiti Lamang at Magsabi ng Hindi
Oktubre 2013


Ngumiti Lamang at Magsabi ng Hindi

Ang awtor ay naninirahan sa Metro Manila, Philippines.

Marami na akong tinanggihang alok na uminom, ngunit ngayon ang presidente ng kumpanya ang nag-aalok sa akin ng isang baso ng alak.

Larawan
A woman being offered alcoholic drinks.

Paglalarawan ni Sudi McCollan

Isang tag-init, sumali ako sa internship sa isang isla sa Bicol, Philippines. Napakaganda ng karagatan, at sabik ako sa pagsapit ng bawat umaga.

Gayunman, kinatakutan ko ang pagsapit ng gabi. Iyon ang oras na nag-iinuman at nagdaraos ng mga party ang mga tao sa kampo. Madalas akong maimbitahan sa mga party na iyon, at kailangan kaming dumalo ng mga kapwa ko intern, dahil kawalang-galang ang hindi pagdalo.

Ang una ay welcome party para sa mga bagong intern. Natakot akong dumalo, dahil siguradong aalukin nila kami ng alak at hindi ako sigurado kung paano ito tanggihan. Tinawagan ko ang isang kaibigan sa ward namin, at binigyan niya ako ng magandang payo na nakaragdag sa tiwala ko sa aking sarili.

Nang magsimula ang party, inalok nila kami ng alak pero, mabuti na lang, hindi nila kami pinilit uminom. Dahil tanggap ng mga kapwa ko intern na hindi ako umiinom, ang pagtanggi sa sumunod na mga alok na uminom ay naging madali na para sa akin—hanggang sa sumapit ang isang gabi. Sa isa sa mga party, dumating ang presidente ng kumpanya. May dala siyang bote ng lambanog (isang lokal na alak na gawa mula sa niyog). Hindi nagtagal pagdating niya, nakita ko siyang nagsasalin ng alak. Pagkatapos ay sinabi niya, “Dapat kayong matutong uminom ng alak” at iniabot niya ang baso sa isa sa mga intern. Mabilis niya itong ininom.

Nagsimulang kumabog ang dibdib ko. Hindi magtatagal at ako na ang susunod. Ibinulong ko sa aking sarili, “Hindi ko iinumin iyan. Hindi ko iinumin iyan.” Pagkatapos ay nakita kong iniaabot sa akin ng presidente ang baso ng alak. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nakatingin sa akin ang mga kapwa ko intern, at inaabangan ang gagawin ko. Nginitian ko ang presidente at mapagpakumbaba kong sinabi, “Sori po, sir, pero hindi ako umiinom.”

Alam kong nadismaya siya. Itinanong niya kung bakit hindi ako umiinom. Sabi ko, “Mormon po ako.”

Sabi niya, “Ngayon ko lang narinig ang relihiyong iyan. Parang pagkain ang tunog.” Nagtawanan ang lahat.

Napangiti rin ako, hindi dahil sa biro niya kundi dahil alam kong tama ang ginawa ko.

Wala nang nag-alok sa aking uminom mula noon. Pero hindi pa rin tumigil ang pangungutya, kahit ng sarili kong mga kaibigan. May nagsabi pa na sinungaling ako at mahirap isipin na hindi umiinom ng alak ang mga miyembro ng Simbahan. Sa sandaling iyon nadama ko ang tensyong nararanasan ng mga miyembro ng Simbahan.

Marami akong natutuhan sa paglagi ko sa islang iyon, hindi lamang sa akademya kundi sa espirituwal. Nalaman ko na maaaring hindi tumigil ang pangungutya kailanman, ngunit lagi kang gagabayan ng Espiritu ng Panginoon na gawin ang tama.