2013
Kalusugang Pisikal at Emosyonal
Oktubre 2013


Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Kalusugang Pisikal at Emosyonal

Para sa ilang kabataan, ang hindi pamumuhay ng mga tuntunin ng kalusugan ng katawan ay maaaring maging malaking hadlang sa pagkakaroon ng mga kaibigan at tiwala sa sarili. Bukod pa riyan, ang kalusugang pisikal at emosyonal ay mahalaga ngunit kadalasa’y hindi napagtutuunang mga aspeto ng paghahanda para sa misyon. Sa mga pahina 52–53 ng isyung ito, tinalakay ni Elder Adrián Ochoa ng Pitumpu kung paano mapangangalagaan ng pag-iingat sa ating katawan ang kalusugang pisikal at emosyonal. Pinaalalahanan niya tayong mag-ehersisyo at sundin ang Word of Wisdom (tingnan sa D at T 89) para tayo maging mas malusog at masaya. Kapag tinulungan ninyo ang inyong mga anak na matutuhan at sundin ang mga alituntunin ng kalusugang pisikal at emosyonal, mag-iibayo ang kanilang tiwala sa sarili at makapaghahanda sa paglilingkod sa hinaharap.

Sabi nga ni Elder Ochoa: “Ang pag-aalaga sa inyong katawan ay nagpapala rin sa inyong isipan at nagpapaalala sa inyo na kayo ay anak ng Diyos at maaaring maging tiwala sa sarili at masaya. Ang ating damdamin, katawan, at espirituwalidad ay pawang magkakaugnay.”

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan

  • Sama-samang basahin ang artikulo ni Elder Ochoa at magplano ng ehersisyo para sa pamilya na may partikular at makatotohanang mithiin sa pagiging malusog.

  • Kasama ang inyong mga anak na tinedyer, basahin ang bahagi tungkol sa kalusugang pisikal at emosyonal sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (mga pahina 25–27). Talakayin ang ibig sabihin ng maging malusog ang emosyon o panatag ang damdamin.

  • Sama-samang kantahin ang “Kayrami Man ng Pagsubok” (Mga Himno, blg. 69) at talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng pagkabuhay na mag-uli tungkol sa kahalagahan ng ating pisikal na katawan.

  • Pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa artikulong ito at talakayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa kalusugang pisikal at emosyonal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata

  • Ipakita sa inyong anak ang larawan ng isang templo. Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng itinuro ni Apostol Pablo na ang ating katawan “ang templo ng Espiritu Santo” (I Mga Taga Corinto 6:19) at kung paano makakatulong iyan sa atin na pangalagaan ang ating katawan at isipan.

  • Gumawa ng listahan ng makabuluhang mga gawaing panlibangan na gustong gawin ng inyong anak bilang pamilya. Pagkatapos ay planuhin kung paano magagawang bahagi ng buhay-pamilya ang mga aktibidad na ito.

  • Talakayin kung paano mauunawaan at mapipigilan ang damdamin, pati na ang galit o kalungkutan. Kantahin ang “Kung Ikaw ay Masaya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 125), “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40), o isa pang awitin tungkol sa damdamin at pagpili ng tama.