2013
Pagiging Isang Missionary na Nagtuturo nang Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Oktubre 2013


Pagiging Isang Missionary na Nagtuturo nang Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Provo Missionary Training Center noong Hunyo 24, 2011.

Larawan
Elder David A. Bednar

Magagawa ninyo ito! Alam ng Panginoon na kinakatawan at pinaglilingkuran ninyo na magagawa ninyo ito. Alam kong magagawa ninyo ito.

Una, higit sa lahat, at sa tuwina, ang isang Apostol ay isang missionary. Dahil diyan, ikinalulugod kong magsalita sa inyo bilang kapwa ninyo tagapaglingkod sa dakilang gawaing ito sa mga huling araw.

Larawan
Elder missionaries teaching people outdoors.

Ano ang Isang Missionary na Nagtuturo Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo?

Ang isang missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay isang tagapaglingkod ng Panginoon, tinawag sa pamamagitan ng propesiya at binigyan ng awtoridad sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, na nagpapahayag ng walang hanggan at ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas sa Kanyang pamamaraan (tingnan sa D at T 50:13–14, 17–24; D at T 68:1).

Ang malawak na layunin ng isang missionary na inilarawan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay “imbitahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”1

Ang sagradong responsibilidad na ipahayag ang ebanghelyo nang may awtoridad at pangasiwaan ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay ginagampanan na simula pa noong itaboy si Adan mula sa Halamanan ng Eden at magpapatuloy hanggang sa “ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”2

Mga Kailangang Gawin para Maging mga Missionary na Nagtuturo Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Gusto kong talakayin ang limang pangunahing kailangan para maging mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Kailangan #1: Nauunawaan ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na sila ay naglilingkod at kumakatawan kay Jesucristo.

Larawan
Jesus Christ with His arm around the shoulder of the Apostle Peter. Christ points to a large number of fish lying on the beach as He speaks to Peter. Two other men and a ship sit on the beach in the background.

Nalalaman at nauunawaan ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo kung sino ang kanilang kinakatawan, bakit sila naglilingkod, at ano ang dapat nilang gawin. Ang mga full-time missionary ay tinawag na maglingkod at angkop na itinalaga bilang mga tagapaglingkod at kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Pinatototohanan natin ang Kanyang pangalan at ang katotohanan, kabanalan, at misyon ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao (tingnan sa D at T 133:37).

Mahal natin ang Panginoon. Naglilingkod tayo sa Kanya. Sinusunod natin Siya. Kinakatawan natin Siya.

Ang Kanyang mga layunin ay dapat maging mga layunin natin. Ang mga hangarin Niya ay dapat maging mga hangarin natin. Ang Kanyang gawain ay dapat maging gawain natin. Ang Kanyang mga pamamaraan ay dapat maging mga pamamaraan natin. Ang Kanyang kalooban ay lalong dapat maging kalooban natin.

Bilang mga kinatawan ng Manunubos, ipinangangaral natin ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa simple at malinaw na paraan. Hindi tayo nagsasabi ng personal na mga opinyon o haka-haka. Ipinapahayag at pinatototohanan natin ang simpleng ipinanumbalik na katotohanan sa pamamaraan ng Panginoon at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu.

Nauunawaan ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na ang responsibilidad na kumatawan sa Tagapagligtas at magpatotoo tungkol sa Kanya ay walang katapusan. Alalahanin Siya sa lahat ng inyong iniisip, sa lahat ng inyong ginagawa, at sa lahat ng sinisikap ninyong kahinatnan, at angkop na kumatawan sa Kanya sa lahat ng anak ng Ama sa Langit na nakakasalamuha ninyo ngayon at sa tuwina.

Kailangan #2: Ang mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay karapat-dapat.

Larawan
A young man in Fiji praying.

Ang mahalagang kailangan para maging mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay maging karapat-dapat sa harapan ng Tagapagligtas.

Babanggit ako ng ilang simpleng katotohanan hangga’t kaya kong ipahayag ito nang malinaw.

  • Tayo ay awtorisadong mga kinatawan ng Manunubos at Tagapagligtas ng mundo.

  • Tinawag tayo upang ipahayag ang Kanyang ipinanumbalik at walang-hanggang ebanghelyo.

  • Hindi tayo madudungisan ng mundo at awtorisado tayong katawanin Siya at kumilos nang may kapangyarihan sa Kanyang banal na pangalan.

  • Hindi natin matutulungan ang iba na makalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan kung tayo mismo ay makasalanan (tingnan sa D at T 88:86).

  • Hindi natin matutulungan ang iba na matutong magsisi kung tayo mismo ay hindi pa natututong magsisi nang wasto at lubusan.

  • Maipapahayag at maipapangaral lang natin nang may kapangyarihan ang bagay na pinagsisikapan nating kahinatnan.

  • Tayo ay pananagutin sa harapan ng Diyos sa ating mabubuting hangarin at pagkamarapat na kumilos bilang Kanyang mga kinatawan.

Hindi tayo kinakailangang maging perpekto ngayon. Ngunit inuutusan tayong maging malinis at lumakad nang matwid sa harapan ng Manunubos ng Israel. “Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon” (D at T 38:42).

Ang pagsisisi ay isang alituntunin ng pag-asa at paggaling—hindi ng panghihina ng loob at kalungkutan. Ang pagsisisi ay tunay na nagpapababa ng kalooban—ngunit hindi naninindak. Ang pagsisisi ay kapwa mahirap at nakapapanatag, matindi at nakagiginhawa. Ang pagsisisi ay isang walang-katumbas na kaloob na naging posible dahil sa Pagbabayad-Sala Niya na ating minamahal, pinaglilingkuran, at sinusunod.

Kahit nakagawa kayo ng mabibigat na kasalanan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at taos-pusong pagsisisi, muli kayong nalinis o magiging malinis at karapat-dapat.

May mga kabataan na kailangan pang lubusang magsisi. Ngayon na ang panahon. Nakikiusap akong huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.

May mga kabataan na nagsisi na at patuloy na nagsisisi at nag-iisip kung nagawa na nila ang lahat ng kailangan para tanggapin sila ng Panginoon (tingnan sa D at T 97:8). Alahahanin ninyo, na inaasahan ng Panginoon na maging malinis kayo ngunit hindi perpekto. Matitiyak ninyo na napatawad na kayo ng Panginoon kapag nadama na ninyong muli ang patnubay ng Espiritu Santo dahil “ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo” (Helaman 4:24). At unawain na kabilang sa utos na “magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:10) ang patawarin ang inyong sarili.

Ang mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay mga disipulo ng Panginoong Jesucristo na tumutupad sa tipan at sumusunod sa mga utos. Lagi Siyang alalahanin at maging dalisay at karapat-dapat na maging kinatawan Niya.

Kailangan #3: Ang mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay pinahahalagahan ang mga salita ng buhay na walang hanggan.

Larawan
Young man reading the scriptures.

Inaanyayahan ko kayo na “papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay” (D at T 84: 85). Ang pagpapahalaga sa mga salita ng buhay na walang hanggan ay hindi lamang pag-aaral o pagsasaulo, tulad rin na ang “[p]agpapakabusog sa [mga]salita ni Cristo” (2 Nephi 31:20; tingnan din sa 2 Nephi 32:3) ay hindi lamang pagtikim o pagkain ng kaunti. Ang pagpapahalaga para sa akin ay pagtutuon at pagsusumigasig, pagsasaliksik at pag-unawa, pagbubulay-bulay at pagdarasal, pagsasagawa at pagkatuto, pagpapahalaga at pasasalamat, at pagtatamasa at pagnamnam.

Gunitain kung paanong ang mga anak na lalaki ni Mosias—apat na tunay na kahanga-hangang missionary na sina Ammon, Aaron, Omner, at Himni—“ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan” (Alma 17:2).

Talagang patuloy na pinahalagahan ng magigiting na missionary na ito ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Hindi nila kinaligtaan o hindi lang sila basta nag-aral ng banal na kasulatan nang mag-isa o kasama ang kanilang kompanyon. Ang espirituwal na kaalaman at pagkaunawa ay tumagos sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, at ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ay pinagtibay na totoo sa kanilang mga puso ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Bilang mga kinatawan ng Tagapagligtas, tayo ay may patuloy na responsibilidad na masigasig na kumilos at ikintal sa ating puso’t isipan ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, lalo na ang mula sa Aklat ni Mormon. Kapag ginawa natin ito, may ipinangakong pagpapala na ang Espiritu Santo ay “magpapaalaala ng lahat” [sa atin] (Juan 14:26) at bibigyan tayo ng kakayahan kapag nagturo at nagpatotoo tayo. Ngunit mapapatnubayan at magagabayan lamang tayo ng Espiritu kung bibigyan natin Siya ng pagbabatayan. Hindi Niya tayo matutulungang alalahanin ang mga bagay na hindi pa natin natutuhan (tingnan sa Alma 31:5).

Ang mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay patuloy na pinahahalagahan ang mga salita ng buhay na walang hanggan, umaasa sa bisa ng salita, at taglay ang kapangyarihan ng salita. Lagi Siyang alalahanin, laging maging karapat-dapat na maging kinatawan Niya, at pahalagahan at asahan ang bisa ng salita.

Kailangan #4: Nauunawaan ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na ang Espiritu Santo ang dakila at tunay na guro.

Larawan
Sister missionaries reading scriptures.

Ang Espiritu Santo ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, at Siya ang saksi sa lahat ng katotohanan at ang pinakadakila at tunay na guro. Ang mga araling itinuturo natin at ang mga patotoong ibinabahagi natin ay naghahanda sa isang investigator na kumilos at matuto para sa kanyang sarili.

Bilang mga missionary, ang isa sa pinakamahahalagang tungkulin natin ay anyayahan ang mga investigator na gamitin ang kanilang kalayaang moral at kumilos ayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Ang paggawa at pagtupad ng mga espirituwal na pangako, tulad ng pagdarasal na magkaroon ng patotoo sa katotohanan, pag-aaral at pagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon, pagdalo sa mga pulong ng Simbahan, at pagsunod sa mga utos, ay nangangailangan ng pananampalataya, pagkilos, at pagbabago ng isang investigator.

Gaano man tayo kasigasig sa ating paglilingkod, hindi natin maipipilit ang katotohanan sa puso ng mga investigator. Ang pinakamatitindi lamang nating pagsisikap ang makapagdadala ng mensahe ng katotohanan sa puso (tingnan sa 2 Nephi 33:1). Sa huli, kailangang kumilos ang investigator nang may kabutihan nang sa gayon ay tumimo ang katotohanan sa kanyang sariling puso. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng espirituwal na kakayahan ang mga bagong miyembro at matatapat na naghahanap ng katotohanan na mahanap ang mga sagot para sa kanilang sarili.

Yamang responsibilidad nating tulungan ang mga investigator na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang gawaing ito ay hindi kailanman tungkol sa akin ni sa inyo. Kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya na gampanan ang ating responsibilidad bilang missionary at kasabay nito ay “huwag humadlang” upang magawa ng Espiritu Santo ang Kanyang sagradong layunin at gawain. Katunayan, anumang gawin natin bilang mga kinatawan ng Tagapagligtas na alam at sinadya natin para mapuri tayo—sa mga mensaheng inilalahad natin, sa mga pamamaraang ginagamit natin, o sa ating kilos at anyo—ay isang uri ng huwad na pagkasaserdote na humahadlang sa epektibong pagtuturo ng Espiritu Santo.

“Ipinangangaral ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan? At kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos” (D at T 50:17–18).

Lagi Siyang alalahanin, maging karapat-dapat na kinatawan Niya, pahalagahan ang Kanyang salita, at tulutan ang pinakadakila at tunay na guro, ang Espiritu Santo, na magpatotoo sa lahat ng katotohanan.

Kailangan #5: Nauunawaan ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na ang pagtuturo ay higit pa sa pagsasalita at pagsasabi.

Larawan
Two elder missionaries visiting with a man in his home.

Habang nakaupo ang Tagapagligtas sa Bundok ng Olibo, ipinahayag Niya: “Huwag kayong mangabalisa kung ano ang inyong sasabihin: datapuwa’t ang ipagkaloob sa inyo sa oras na yaon, ay siya ninyong sabihin; sapagka’t hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo” (Marcos 13:11).

Tinagubilinan ng Tagapagligtas ang mga missionary sa pagsisimula ng dispensasyong ito na “ibuka ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno” (D at T 33:8, 10) at “itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao; sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin” (D at T 100:5–6).

Binibigyang-diin ng mga banal na kasulatang ito ang pinakamatindi at pinakatumpak na huwaran sa pangangaral at pagtulong sa mga investigator na malaman ang katotohanan. Alam ng mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na hindi tayo nagtuturo ng mga aralin; nagtuturo tayo ng mga tao. Hindi lamang tayo bumibigkas o naglalahad ng kabisadong mga mensahe tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo. Inaanyayahan natin ang mga naghahanap ng katotohanan na maranasan ang malaking pagbabago ng puso. Nauunawaan natin na ang pagsasalita at pagsasabi lamang ay hindi pagtuturo.

Kasama sa pangangaral ng ebanghelyo sa pamamaraan ng Panginoon ang pagmamasid at pakikinig at paghiwatig bago ang pagsasalita. Ang pagkakasunud-sunod ng apat na magkakaugnay na prosesong ito ay mahalaga. Pansinin na kailangan munang masusing magmasid at makinig bago makahiwatig at kailangan munang magmasid, makinig, at makahiwatig bago magsalita. Ang paggamit ng huwarang ito ay magbibigay-kakayahan sa mga missionary na matukoy ang mga pangangailangan ng mga investigator at magturo ayon dito.

Kapag tayo ay nagmasid, nakinig, at nakahiwatig maibibigay sa atin “sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao” (D at T 84:85)—ang mga katotohanang bibigyang-diin at mga sagot na ibibigay na tutugon sa tiyak na mga pangangailangan ng isang investigator. Tanging sa pagmamasid, pakikinig, at paghiwatig tayo magagabayan ng Espiritu na sabihin at gawin ang mga bagay na lubos na makatutulong sa mga taong pinaglilingkuran natin.

Ang pagmamasid ay isang mahalagang paghahanda upang matanggap ang espirituwal na kaloob na makahiwatig. Ang makahiwatig ay ang makakita gamit ang espirituwal na mga mata at makadama gamit ang puso—makita at madama ang kabulaanan ng isang ideya, ang kabutihan sa ibang tao, o ang susunod na alituntuning kailangan para matulungan ang isang investigator. Ang paghiwatig ay pakikinig gamit ang espirituwal na mga tainga at pagdama gamit ang puso—pagdinig at pagdama sa di-masambit na alalahanin sa isang puna o tanong, sa katotohanan ng isang patotoo o doktrina, o sa kapanatagan at kapayapaang nagmumula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang mga missionary na nagtuturo ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay kumikilos nang may pananampalataya at ginagabayan ng Espiritu para tulungan ang mga investigator na malaman ang katotohanan. Lagi Siyang alalahanin; maging karapat-dapat na katawanin Siya; pahalagahan ang Kanyang salita; tulutang magpatotoo ang Espiritu Santo sa lahat ng katotohanan; at magmasid, makinig, at makahiwatig kapag nagpatotoo kayo tungkol kay Jesucristo sa matatapat na naghahanap ng katotohanan.

Magagawa Ninyo Ito!

Larawan
Two elder missionaries walking along a dirt road.

Maaari ninyong basahin ang aking mensahe at maniwala na lahat ng iba pang kabataan ay magagawa at gagawin ang sinasabi ko. Ngunit iniisip ninyo marahil kung magagawa ba ninyo ito. Nakikiusap ako na makinig kayo. Magagawa ninyo ito!

Kung matatamo ko lang ang mithiin ng aking puso, mag-uukol ako ng ilang sandali sa bawat isa sa inyo. Kakamayan ko kayo, yayakapin ko kayo, tititigan ko ang inyong mga mata, at sasabihin kong, “Magagawa ninyo ito! Alam ng Panginoon na kinakatawan at pinaglilingkuran ninyo na magagawa ninyo ito. Alam kong magagawa ninyo ito. At bilang Kanyang lingkod, ipinapangako ko na tutulungan Niya kayo. Mangyaring lagi ninyong tandaan na sa tulong at lakas Niya, magagawa ninyo ito!”

Mahal ko kayo at dalangin ko na habang sinisikap ninyong marating ang nararapat ninyong kahinatnan, makilala at matugunan ninyo nang may pananampalataya ang tinig at patnubay ng Panginoon. Sa gayon kayo ay tunay na magiging makapangyarihan at mahuhusay na kinatawan ng Panginoong Jesucristo.

Mga larawang kuha ng Publishing Services Department; HIGIT MO BA AKONG MAHAL KAYSA SA MGA ITO? NI DAVID LINDSLEY

Mga Tala

  1. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 13.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 165.