2013
Nakauwi Na Ako
Oktubre 2013


Nakauwi Na Ako

Steven Sainsbury, California, USA

Bilang bahagi ng isang proyektong paglilingkod, naglakbay ako sa Rwanda kasama ang iba pang manggagamot para tumulong sa mga pangangailangang medikal. Pagkaraan ng dalawang linggo, nang matatapos na ang aking paglalakbay, na-homesick na ako. Nangulila ako sa pamilya ko, sa komportableng kama ko, at sa aming tahanan.

Sa huling Linggo ko sa Africa, naisaayos ko ang iskedyul ko para makasimba ako. Bagama’t hindi pa pormal na kinikilala noon ang Simbahan sa Rwanda, nakakita ako ng oras ng mga pulong at direksyon sa website ng Simbahan.

At ang direksyon ay: “Lumakad sa batu-batong daan sa tapat ng gusali ng Ministry. Hanapin ang nakabukas na tarangkahan. Pagkatapos ay bumaba ng hagdan.”

Nang sundan ko ang direksyong ito, nakarinig ako ng malinaw na koro ng isang pamilyar na himno. Bumaba ako sa hagdan, at narinig kong kinakanta ang “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47). Humantong ang mga baitang sa isang maliit na gusali, kung saan napakaraming nakangiting mga tao na nakatayo sa may pasukan. Sa kabila ng katotohanan na estranghero ako sa kongregasyon, nadama ko kaagad na kabilang ako sa kanila. Napakaraming miyembrong Rwandan ang lumapit para kamayan ako, at nang gawin nila ito, naglaho ang matinding pangungulila—nakauwi na ako!

Pagpasok sa gusali, dumalo ako sa isang karaniwang tatlong-oras na pulong na hindi naiiba sa home ward ko sa California. Ipinasa ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang sakramento, nakatuon sa Tagapagligtas ang mga mensahe, at maging ang Sunday School lesson ay ang itinuro din sa home ward ko nang linggong iyon.

Ang pinakamahalaga, pinuspos ng Espiritu ng Panginoon ang mga serbisyo. Malinaw na nalugod ang Panginoon sa mabubuting taong ito na ginagawa ang lahat para mapaglingkuran Siya. Nalaman ko na sa nakalipas na taon, iilan lang sa mga Rwandan ang nagsisimba rito. Pero mahigit 100 ang bilang ko sa mga dumalo, at kalahati sa kanila ay nakangiting mga bata.

Ngayong nabuksan na ang Rwanda sa gawaing misyonero, palagay ko malaking tagumpay ang naghihintay sa mga missionary dahil nagpapatotoo ang Espiritu sa dumaraming investigator na Rwandan na ang ipinanumbalik na Simbahan ang kaharian ng Diyos para sa buong mundo—sa bawat kontinente, bawat lahi, at bawat anak ng Diyos. Labis akong nagpapasalamat para sa Simbahan, kahit sa gitnang baybayin man ng California ito matagpuan o sa ibaba ng batu-batong daan sa gitnang Africa.