2013
Bakit Kayo Naparito sa Rexburg?
Oktubre 2013


Bakit Kayo Naparito sa Rexburg?

Sandra Rush, Idaho, USA

Pagkaraan ng maraming taon ng pamumuhay sa isang lugar na kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan, lumipat kaming mag-asawa sa isang lugar sa Rexburg, Idaho, USA, na dalawang pamilya lamang ang hindi miyembro. Mapalad kaming maging kapitbahay ang isa sa kanila.

Tinatabas ng ama ang kanyang damuhan nang una kaming pumasok sa aming garahe. Tumawid kaming mag-asawa sa aming damuhan para makipagkilala. Nang kamayan ko siya, itinanong ko, “Bakit naparito ang pamilya mo sa Rexburg?”

Sagot niya, “Dahil sa trabaho ko—at naghanap talaga kami ng isang bayan na kailangang ipakilala kay Cristo.”

Para akong binuhusan ng isang timba ng malamig na tubig, pero ngumiti ako. Ipinasiya ko sa sandaling iyon na anuman ang sinabi o ginawa ng bago naming kapitbahay, kami ang magiging pinakamabait sa lahat ng naging kapitbahay ng pamilya. Sisikapin naming tumugon sa bawat pakikipag-ugnayan sa kanila sa mabait, mapagmahal, at makatwirang paraan, tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.

Sa sumunod na walong taon ay nagkasama ang aming mga pamilya sa maraming aktibidad. Inanyayahan at dumalo ang ina sa mga aktibidad ng Relief Society. Inanyayahan niya ako at ang marami sa mga kapitbahay naming Banal sa mga Huling Araw sa isang retreat ng kababaihan na inisponsor ng kanyang simbahan. Inanyayahan nila kaming mag-asawa sa mga dance at piano recital ng kanilang mga anak. Kasama ang pamilya nila sa mga cookout at party ng magkakapitbahay. At tinatawagan kami ng kanilang nakatatandang mga anak kapag kailangan nila ng sundo pauwi mula sa trabaho at hindi nila makontak ang kanilang mga magulang.

Nag-alala ang mga magulang na baka masyado nang magustuhan ng kanilang mga anak ang mga Banal sa mga Huling Araw, kaya hindi nila pinayagan ang kanilang mga anak na sumapi sa aming ward Scouting program. Ngunit itinuring nilang ligtas na lugar ang aming tahanan, kung saan pinayagan nilang maglaro ang kanilang mga anak kapag bumibisita ang aming mga apo.

Tuwing susubukan ng aming mga kapitbahay na ipakita sa amin “ang aming mga kamalian,” ipinapaalala namin sa kanila na lubos ang paggalang namin sa kanilang mga paniniwala at sa kanilang pamumuhay at pag-aaruga sa kanilang mga anak. Idinagdag pa namin na inaasahan namin na igagalang din nila ang aming mga paniniwala, na nakatuon din sa mga turo ng Tagapagligtas.

Nang subukang gamitin ng ina ang mga pagkakaiba ng aming paniniwala para ilayo ang kanilang sarili sa amin magpakailanman sa pagsasabing “ibang Jesus” ang pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinaalala ko sa kanya na pareho kaming naniniwala na Siya ay banal at Siya ang pinakamamahal na Anak ng Diyos. Kalaunan ay naging magiliw na ang aming pagkakaibigan.

Lumipat ng tirahan ang pamilya nila nang hindi sumasapi sa Simbahan. Ngunit kung masasabi nilang, “Nakasama namin ang mga Mormon; mababait sila at magagalang at tapat makisama,” palagay ko ay nagtagumpay kami sa pagiging pinakamabait na kapitbahay at sa pagtulong sa kanila na maging mas bukas at patas sa kanilang pagkakilala sa mga Banal sa mga Huling Araw.