2013
Babalik Kaya si Matthew?
Oktubre 2013


Babalik Kaya si Matthew?

Hindi ibinigay ang pangalan

Matatag ang grupo ng mga kabataang lalaki sa ward namin, pero nabarkada ang anak naming si Matthew sa isang di-miyembro na katulad niyang mahilig sa kotse at anumang bagay na de-makina. Sa kasamaang-palad, ang binatilyong ito ay nagmula sa isang pamilyang walang pagpapahalaga sa relihiyon. Pinapayagan ng mga magulang niya ang inuman at paninigarilyo sa bahay nila at hindi sila naniniwala na mahalaga ang may malinis na pagkatao.

Natamo ni Matthew ang pinakamataas na ranggo sa Scouting, pero hindi siya dumalo sa awards meeting dahil hindi na niya sinusunod ang mga pamantayan ng Scouting. Tinipon ko ang lahat ng Scouting award niya at ginawan ko ito ng display case. Pagkatapos ay itinago ko ito, sa pag-asang balang-araw ay magiging mahalaga ito sa kanya. Nang mag-16 anyos si Matthew, naninigarilyo na siya, umiinom, at nagdodroga. Tumigil siya sa pag-aaral at nagsama sila ng kanyang kasintahan. Sa loob ng dalawang taon, bihira namin siyang makita.

Nanlumo kami. Hindi namin alam kung babalik pa siya sa kanyang pamilya at pananampalataya, pero nagpasiya kaming sundin ang halimbawa ni Alma sa pakikitungo sa kanyang suwail na anak. Patuloy na minahal ni Alma ang kanyang anak at nanalangin siya nang may pananampalataya na “madala [ito] sa kaalaman ng katotohanan” (Mosias 27:14).

Ipinagdasal namin palagi na mamagitan ang Panginoon sa buhay ni Matthew, at sinamantala namin ang lahat ng pagkakataon na ipakita sa salita at sa gawa kung gaano namin siya kamahal. Tuwing uuwi siya, wala kaming sinasabing anuman na maaari niyang ipalagay na pinipintasan namin siya o hinuhusgahan. Ipinakita lang namin na nagagalak kaming makita siya.

Isang araw umuwi si Matthew at sinabi na gusto niyang makipag-usap. Sinabi niya na may nakilala siyang babae sa isang party na may mga tanong tungkol sa Simbahan. Bago pa niya nasabi na hindi na niya alam ang mga sagot, nagsimulang lumabas ang mga salita sa kanyang bibig. Nasumpungan na lang niya ang kanyang sarili na sinasagot niyang mabilis ang mga tanong nito. Sinabi ni Matthew na hindi niya maalala na natutuhan niya ang mga bagay na sinabi niya, pero alam niya na ang mga sinabi niya ay totoo. Inisip niya kung bakit siya nabubuhay nang gayon samantalang naniniwala pa siya sa ebanghelyo.

Pagkaraan ng tatlong araw ng malalim na pag-iisip, nagpasiya siyang talikuran ang kanyang pamumuhay. Umuwi siya para magpatulong na makapagsimulang muli.

Tumawag si Matthew sa isang pinsan niya sa ibang estado na dumanas at nalampasan ang gayon ding mga suliranin at nagtanong kung maaari siyang makitira doon. Pumayag ang pinsan niya, at nagsimulang sumama si Matthew rito sa pagdalo sa mga pulong ng Simbahan at kinausap niya ang bishop para magpatulong sa proseso ng pagsisisi. Nakadama siya ng pagmamahal at suporta at naging aktibo sa Simbahan.

Kalaunan ay nakilala niya ang isang maganda at butihing dalaga. Nagkaibigan sila at ikinasal sa templo.

Nang isilang ang una nilang anak, bumisita ako at dinala ko ang ginawa kong display case ng kanyang mga Scouting award. Tuwang-tuwa siya at nagmamalaking isinabit ito sa isang lantad na lugar sa bahay niya.

Walang nagpakitang anghel sa aming anak, na tulad ng nangyari kay Nakababatang Alma. Ngunit ang pagbalik ni Matthew sa katotohanan ay mahimala ring katulad niyon.