2013
Mga Tinedyer at mga Tipan sa Templo
Oktubre 2013


Mga Tinedyer at mga Tipan sa Templo

Dahil ibinaba ang edad na kailangan para sa mga full-time missionary, libu-libo pang tinedyer ang gumagawa ngayon ng mga tipan sa templo.

Bilang mga temple worker, napagpala na kaming makausap ang mga young adult na pumapasok sa templo upang tanggapin ang sarili nilang endowment. Nakita namin na nakatulong sa kanila ang temple preparation seminar, pero mas malaki ang naging impluwensya ng mabubuting magulang at lider sa pagtulong sa kanila na maghandang gumawa ng mga tipan sa templo. Bilang mga magulang at lider, kailangan nating tulungan ang mga kabataan hindi lamang sa paghahandang maglingkod bilang full-time missionary, na tumatagal lamang nang ilang buwan, kundi maging sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo, na tumatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Ang mga unang hakbang ay maaaring magsimula sa pagkabata.

Paghahanda sa mga Bata

Maipapakita ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng templo sa pagsamba sa loob ng templo at pagbabahagi ng kanilang patotoo tungkol sa gawain sa templo. Maging sa mga lugar kung saan hindi posibleng makapunta sa templo nang madalas, maaaring itanim ng mga magulang sa isipan ng kanilang mga anak ang hangaring makapasok sa templo.

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) sa mga magulang: “Ibahagi natin sa ating mga anak ang espirituwal na damdamin natin sa templo. At mas masigasig nating ituro sa kanila sa mas komportableng paraan ang mga bagay na nararapat nating sabihin tungkol sa mga layunin ng bahay ng Panginoon.”1 Kailangang malaman ng ating mga anak na ang templo ay isang lugar kung saan natin natanggap ang mga sagot sa ating mga dalangin at nadarama natin ang pagmamahal ng Diyos.

Maaari ding ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak na asaming makakuha ng sarili nilang limited-use recommend at mamuhay nang karapat-dapat para dito upang magkaroon sila ng pagkakataong maging karapat-dapat pagsapit nila ng 12 taong gulang. Kapag panahon na para pumasok na sa templo ang mga kabataang ito, nakikita namin ang kanilang galak at pagmamalaki kapag ipinakita nila ang mga recommend na ito sa templo.

Paghahanda sa mga Kabataan

Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makibahagi sa family history research para kapag 12 taong gulang na sila ay madala nila ang pangalan ng kanilang mga kamag-anak sa templo. Sa mga kabataang gumagawa nito, nangako si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway.”2

Marami na kaming nakitang halimbawa ng katuparan ng pangakong ito. Kamakailan sinabi sa amin ng isang dalaga na matapos niyang masaliksik ang pangalan ng kanyang lola, nagpunta na siya sa templo upang gawin ang gawain para sa kanya. Nang binyagan daw siya para dito, nagkaroon siya ng malinaw na impresyon na sasalubungin siya ng kanyang lola sa kabilang-buhay. Ang mga karanasang katulad nito ay nagpapalakas ng patotoo at nagkikintal ng hangaring makibahagi sa iba pang mga ordenansa sa templo.

Marami sa mga kabataan ang natutuksong magsuot ng mahalay na kasuotan. Kapag ang mga magulang at lider ay nagsusuot ng maganda at disenteng damit na masusuutan ng garment sa ilalim, matatanto ng mga kabataan na magagawa rin nila ito. Kailangang maunawaan ng mga kabataan na ang paraan ng kanilang pananamit at pagtrato nila sa kanilang katawan ay nagpapakita ng kanilang pagkadisipulo.

Matutulungan ng mga magulang ang mga kabataan na maghandang makapasok sa templo sa pagtulong sa kanila na maunawaan ang mga tipan na gagawin nila roon. Kabilang sa mga tipan sa templo ang mga pangako na “sundin ang batas ng mahigpit na kabutihan at kalinisang-puri, maging mapagmahal sa kapwa-tao, mapagkawanggawa, mapagparaya at dalisay; ialay kapwa ang talino at yaman sa pagpapalaganap ng katotohanan at pag-aangat ng lahi [ng tao]; panatilihin ang katapatan sa kapakanan ng katotohanan; at hangarin sa bawat paraan na tumulong sa malaking paghahanda upang ang daigdig ay maihanda sa pagtanggap sa kanyang Hari—ang Panginoong Jesucristo.”3 Mapapatotohanan ng mga magulang na ang mga kabataan ay tatanggap ng personal at nakaaantig na mga pagpapala habang sila ay nabubuhay kapag sinunod nila ang mga tipang ito, at ang mga tipang ito ay magiging mas makahulugan sa mga kabataan kapag tinulungan sila ng kanilang mga magulang na maunawaan na ang mga pagpapala at mga tipan ay kapwa ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Maraming paraan para maihanda natin ang ating mga anak at kabataan na matanggap ang mga pagpapala ng templo. Kapag mas handa sila, mas malamang na magkaroon sila ng kapayapaan at madama nila ang Espiritu at sa gayon ay magkaroon sila ng mga dakilang espirituwal na karanasan kapag tinanggap nila ang kanilang endowment. Ang isang nagbibigay-inspirasyong karanasan sa templo ay gagawin silang mas matatapat na disipulo ni Cristo at mahuhusay na missionary—na nahikayat na tulungan ang mga tinuturuan nila na maghandang tanggapin ang sarili nilang sagradong mga ordenansa sa templo.

Mga Tala

  1. Howard W. Hunter, “Follow the Son of God,” Ensign, Nob. 1994, 88.

  2. David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 26–27.

  3. James E. Talmage, sa Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo (2002), 37–38.

Paglalarawan ni Steve Kropp