2013
Pagiging Isang Tao ng Kapayapaan
Oktubre 2013


Pagiging Isang Tao ng Kapayapaan

Ang templo, mission, at paglilingkod ay nakatulong kay Roger at sa kanyang pamilya na maging isang walang-hanggang pamilya.

Alam ni Roger Randrianarison na may kulang sa buhay ng kanyang pamilya.

“Nagdasal ako sa Diyos na tulungan akong makahanap ng isang bagay na aakay sa aking pamilya,” sabi niya. “Hinangad kong akayin ang pamilya ko sa isang mabuting bagay, isang bagay na aakay sa amin sa tamang landas.”

Nag-alala siya kung paano palalakihin ang kanyang tatlong anak—sina Randrianandry at Sedinirina na mga lalaki, at ang anak niyang babaeng si Nirina. Malungkot siya na nagkaroon ng mga hamon sa pamilya dahil madali siyang magalit. Gusto niyang maging mas mabait na magulang.

“Ipinasiya ko na ako ang kailangang magbago dahil nakita ko ang naging pagkatao ko,” sabi niya.

Nawala kay Roger ang kanyang construction business ilang taon na ang nakararaan at nagtrabaho siya bilang drayber ng taksi sa Antananarivo, Madagascar. Isang araw dalawang sister missionary ang naisakay niya.

“Pagsakay nila sa kotse, itinanong nila ang pangalan ko at kung may pamilya ako,” sabi niya. “Itinanong nila kung kilala ko ang Diyos at kung nagdarasal ako sa Kanya.”

Kinantahan ng mga missionary si Roger habang nagbibiyahe at inanyayahan siya sa simbahan. Sinikap niyang magpunta nang ilang beses pero hindi niya ito maiakma sa iskedyul niya, at nawalan siya ng kontak sa mga missionary.

Makaraan ang mga limang buwan, nagtatrabaho si Roger sa bahay isang araw nang makarinig siya ng dalawang missionary na may kausap sa labas ng kanyang bakod. Alam ni Roger na pupunta sila para kausapin siya. Nadama niya na dapat niyang sagutin ng oo ang anumang itanong nila sa kanya.

Matapos magpakilala, tinanong siya ng mga missionary kung may alam siya tungkol sa Diyos. Oo. Gusto ba niyang manalangin sa Diyos? Oo. Gusto ba niyang kausapin ang mga missionary? Oo. Kailan? Ngayon na. Sinabi ng mga missionary na babalik sila pagkaraan ng 20 minuto. Nang bumalik sila, may kasama na silang miyembro na nakatira sa malapit.

Tinuruan ng mga missionary si Roger nang maraming beses sa loob ng isang buwan sa bahay niya. Dahil sa mga narinig nilang laban sa Simbahan, ayaw magpaturo ng iba pa niyang mga kapamilya sa mga missionary. Pagkaraan ng isang buwan ng pag-aaral tungkol sa ebanghelyo, nagsimba si Roger na kasama ng mga missionary. Hinangaan niya ang malugod na pagtanggap sa kanya roon. “Tinanggap ako ng mga miyembro na para bang napakatagal na nila akong kilala,” sabi niya.

Umuwi si Roger mula sa simbahan at sinabi sa kanyang pamilya na bibinyagan na siya sa susunod na buwan at malaya silang piliin kung sasapi sa Simbahan o hindi. Hiniling nila na maghintay siya para makasama niya sila. Nagsimula silang dumalo sa mga pulong at nasiyahan din sila sa kanilang naranasan.

Hindi malimutan ng panganay ni Roger na si Randrianandry ang una niyang pagdalo sa mga pulong ng Simbahan. “Sa unang pagsisimba ko nagulat ako dahil napakababa ng kalooban ng mga tao,” sabi niya. “Una, angkop ang pananamit nila sa simbahan. Pagkatapos niyon natanto ko na naroon sila talaga para sa isang layunin, hindi lang para magyabang sa ibang tao.”

Nabinyagan ang buong pamilya ng mga Randrianarison noong Pebrero 20, 2003. Noon ay 8 anyos si Nirina, 17 si Sedinirina, at si Randrianandry ay 19. Tumigil sa pagtatrabaho ang pamilya tuwing Linggo at ginawa nilang prayoridad ang pamumuhay ng ebanghelyo.

Mga Pagbabago

“Matapos akong mabinyagan, nakakita ako ng maraming pagbabago sa aming tahanan,” sabi ni Arelina, na asawa ni Roger. “Naging espirituwal na tahanan ito, at napakaraming biyaya, kapwa temporal at espirituwal, na nagmula sa pamumuhay ng ebanghelyo.”

Sa temporal na pananaw, pinasasalamatan ni Roger ang Ama sa Langit sa pagtulong sa kanya na muling maitayo ang kanyang negosyo. Pagkaraan ng dalawang taon ng pagmamaneho ng taksi at paggawa ng anumang makakaya niya para matustusan ang kanyang pamilya, nagsimula siyang makatanggap ng mga kontrata sa konstruksyon. “Naniniwala ako na lagi akong pinagpapala ng Diyos kapag nagpapasiya akong sundin Siya,” sabi niya.

Ngunit sabi ng mga anak niya, ang pinakamalaking pagbabago raw na nakita nila ay sa ugali ng kanilang ama. Inilalarawan siya ngayon ng mga ito bilang halimbawa ng pagpapakumbaba at kabaitan. Sabi ni Roger, nakumbinsi siya ng ebanghelyo na kailangan niyang magbago. Simula nang pag-aralan niya ito, sinikap na ni Roger na punuin ang buhay niya ng mabubuting bagay.

“Dahil sa mga turo ng ebanghelyo, hinding-hindi na ako nagagalit,” sabi niya. “Kung minsan ay may mga nag-uudyok sa aking magalit, pero ang ebanghelyo ay nasa aking kalooban, isipan, at kaluluwa. Tinutulungan ako nitong manatiling mahinahon.”

Kapag may mga nakakagalit na sitwasyon, si Roger ang nagpapahinahon sa mga kapamilya niya at ipinapaalala sa kanila na tularan ang gagawin ng Tagapagligtas.

“Ang aking ama ay naging mapagpakumbaba at mapagmahal na nagmamalasakit na ngayon sa aming pamilya,” sabi ni Sedinirina. “Kapag tinitingnan ko ang pagbabago niya, nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit, sa ebanghelyo, at sa pagiging miyembro namin sa Simbahan.”

Isang Walang-Hanggang Pamilya

Noong 2006, sa tulong ng General Temple Patron Assistance Fund, nakapunta sina Roger at Arelina sa Johannesburg, South Africa, para mabuklod sa templo.

Mula 2009 hanggang 2011, nagmisyon sina Sedinirina at Randrianandry sa South Africa—si Sedinirina sa Cape Town at si Randrianandry sa Johannesburg. Bahagi ng nakahikayat sa kanila na maglingkod ang tulungan ang iba pang mga pamilya na magbago, tulad ng nangyari sa kanilang pamilya.

“Maaaring mangyari ang ganitong himala, at nangyari ito dahil sa mga missionary na pumunta sa bahay namin,” sabi ni Randrianandry. “Kaya hinangad kong gawin din iyon mismo para sa isang pamilya sa ibang dako.”

Ang desisyong iyon ay naghatid ng isa pang pagpapala sa pamilya Randrianarison. Siyam na araw na nagkasama sina Sedinirina at Randrianandry sa Johannesburg Missionary Training Center. Isinaayos ni Roger ang paglipad nila ni Arelina at ng anak nilang si Nirina papuntang South Africa para mabuklod ang buong pamilya sa templo. Sabi ni Nirina na 14 anyos noon, mahirap daw ipaliwanag ang karanasan at nadama niya.

“Napalakas nito ang aking pananampalataya at natulungan ako nitong mapalapit sa Diyos,” sabi niya.

Ngayon ay pinatatatag at pinalalakas ng mga miyembro ng pamilya ang mga nasa paligid nila. Si Roger ang bishop sa kanyang ward. Si Arelina ay tumutulong sa Primary sa programang Pananampalataya sa Diyos. Si Sedinirina ang assistant stake clerk. Si Randrianandry ang assistant ward clerk. Si Nirina ang ward music director.

Ang ebanghelyo ang naging sagot sa mga panalangin sa tahanan ng mga Randrianarison. Pinaghilom nito ang mga pagdaramdam sa nakaraan, lalo silang pinaglapit nito sa isa’t isa, at binigyan sila nito ng pagkakataong magkasama-sama magpakailanman. Tinuruan nito si Roger na magmahal. “Ang buhay-pamilya,” sabi niya, “ay buhay na puno ng pagmamahalan.”

Ang pagpapasakay niya sa mga missionary sa taksi ang naging simula ng pagtahak ni Roger Randrianarison sa landas tungo sa pagiging disipulo.

Mga larawan ng pamilya Randrianarison na kuha ni Matthew D. Flitton

Ang pag-aaral ng ebanghelyo bilang pamilya ay nakatulong sa pamilya Randrianarison na maging mas malapit sa isa’t isa.

Ang paglalakbay papuntang South Africa para mabuklod sa Johannesburg Temple ay nagpalakas sa pamilya Randrianarison.

Itaas: larawang kuha ni David William Newman © IRI; ibaba: larawan © Laura Parker