2013
Pagtulong Kay Violet
Oktubre 2013


Pagtulong kay Violet

“Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Marcos 12:31).

Paano magiging mabait si Emma samantalang napakasalbahe ni Violet?

Hinigpitan ni Emma ang paghawak sa kanyang backpack habang naglalakad papunta sa bago niyang silid-aralan. Iyon ang unang araw ng klase. Suot niya ang paborito niyang damit, at nagbalot si Inay ng espesyal na tanghalian—biskwit [na may hugis ng mga hayop].

“Magiging masaya ang araw na ito,” naisip ni Emma sa sarili. “Basta’t—”

tumigil si Emma at tumitig sa kabilang dulo ng silid-aralan. Naroon siya. Si Violet.

Noong nakaraang taon, sinosolo ni Violet ang mga baras sa palaruan tuwing recess. Ang dami niyang ibinansag kay Emma. Inagaw pa nito ang matalik na kaibigan ni Emma!

Nakita ni Violet si Emma at dumila ito. Pinandilatan ito ni Emma, at lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kanyang backpack. Noong nakaraang taon buong taon na masungit si Violet, at mukhang gayon pa rin siya sa taong ito.

“Welcome sa panibagong taon, mga bata!” sabi ni Miss Caldwell na nasa harapan ng silid. “Sasabihin ko na kung saan kayo uupo.”

Dala-dalawa ang hilera ng mga desk sa buong silid-aralan. Pinasadahan ng tingin ni Miss Caldwell ang attendance roll; at saka itinuro ang dalawang magkatabing desk sa likuran. “Emma. Doon ka uupo sa likuran.”

Naupo si Emma sa isa sa mga desk sa likuran. Inisip niya na sana ay si Liselle ang makatabi niya. O si Jaime. O si—

“Violet.”

Biglang napaangat ang ulo ni Emma. Tama ba ang narinig niya?

Oo. Nakaturo pa rin si Miss Caldwell sa desk sa tabi niya. “Tabi kayo ni Emma, Violet,” sabi nito.

Mabagal at nakasimangot na naglakad si Violet papunta kay Emma. Inihilig ni Emma ang kanyang ulo sa desk at tumitig sa dingding. Magiging mahaba ang taon na ito.

Sa oras ng math, isinulat Miss Caldwell sa pisara ang mga sasagutan ng klase. “Maaari ninyong lutasin itong mag-isa o magtulong kayo ng katabi ninyo,” sabi niya.

Dali-daling binalingan ni Emma ang kanyang papel, at nagkunwaring abala. Madali lang ang mga tanong. Gusto lang niyang iwasan si Violet. Hindi niya ito sinulyapan kahit minsan sa buong umagang iyon.

May sumundot sa balikat niya. Parang lapis. Hindi ito pinansin ni Emma.

Isa pang sundot. Sinusundot siya ni Violet! Tuloy pa rin sa pagsagot si Emma.

Masakit na ang pangatlong sundot ni Violet. Nadarama ni Emma na nagagalit na siya. Ganito ba ang mangyayari sa buong taon? Inisip niyang magtaas ng kamay para magsumbong kay Miss Caldwell. O siguro pandidilatan na lang niya ulit si Violet.

Pagkatapos ay nakarinig ng pagsinghot si Emma. May umiiyak ba? Muli siyang sinundot ng lapis. Lumingon siya at nakita niyang nakatitig sa kanya si Violet. May hawak itong lapis, at may luha sa mga mata. Punung-puno ng bura ang papel nito.

Pinili-pilipit ni Violet ang lapis sa mga kamay niya. “Puwede mo ba akong tulungan?” mahina nitong tanong.

Saglit itong tiningnan ni Emma, na gulat na gulat. Nagpapatulong sa kanya si Violet? Matapos itong maging salbahe sa kanya? Bumaling ulit si Emma sa sarili niyang papel. Kayang sumagot ni Violet nang mag-isa. Hindi ito karapat-dapat sa tulong ni Emma, kahit …

… magkatabi pa sila?

Tahimik na tumingin sa harapan si Emma. Naririnig niya si Violet na tahimik na umiiyak sa tabi niya. Laging sinasabi sa mga banal na kasulatan na mahalin ang kapwa—pero iba si Violet! Katabi lang siya ni Emma sa klase!

Itinuloy ni Emma ang kanyang ginagawa. Pagkatapos ay tumigil siya. Hindi naman siguro naiiba si Violet. Siguro nang sabihin sa mga banal na kasulatan na mahalin ang iyong kapwa, ibig sabihin ay lahat ng tao. Kasama rito ang mga salbahe. Kahit mahirap gawin iyon.

Bumuntung-hininga si Emma at dahan-dahang ibinaba ang kanyang lapis. Bumaling siya kay Violet at pinilit na ngumiti. “May maitutulong ba ako?” tanong niya.

Tumango si Violet, na pinapahid ng kamay ang mga luha.

Tiningnan ni Emma ang papel ni Violet at tinulungan itong sagutin ang unang tanong. Naging maganda ang kanyang pakiramdam. Naisip niya na baka gusto ni Violet ng biskwit.

Paglalarawan ni Brad Teare; Ang Panginoong Jesucristo, ni Del Parson © IRI