2013
Ibabahagi Ko ang Ebanghelyo sa Lahat ng Anak ng Diyos
Oktubre 2013


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Ibabahagi Ko ang Ebanghelyo sa Lahat ng Anak ng Diyos

Nakakain na ba kayo ng isang bagay na napakasarap para naisin ninyong ibahagi ito sa iba? Minsan ay napanaginipan ng propetang si Lehi na kumakain siya ng isang masarap na bunga. Napakasarap nito kaya “pinuspos nito ang [kanyang] kaluluwa ng labis na kagalakan” (1 Nephi 8:12). Gusto ni Lehi na matikman din ng kanyang pamilya ang masarap na bungang iyon.

Ang bunga sa panaginip ni Lehi ay katulad ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Gusto ni Lehi na madama ng kanyang pamilya ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Gusto niyang ibahagi ang ebanghelyo sa kanila dahil alam niyang magpapaligaya iyon sa kanila.

Ang mga bata ay kadalasang napakahusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

Nakita ng walong-taong-gulang na si Maria ang mga missionary na naglalakad sa mga lansangan ng Ecuador. Tinanong niya sila kung puwedeng ituro nila sa kanya ang ebanghelyo. Pumunta ang mga missionary sa tahanan ni Maria para turuan ang kanyang pamilya. Si Maria ang unang nabinyagan sa kanyang pamilya. Masayang-masaya siya nang sumapi rin sa Simbahan ang kanyang buong pamilya kalaunan.

Tuwang-tuwa ang siyam-na-taong-gulang na si Eric sa Primary sacrament meeting presentation kaya inimbita niyang dumalo ang mga kapitbahay niya. Dumalo nga sila.

Parehong nagbahagi ang mga batang ito ng mahalagang bagay sa mga taong mahal nila. Kapag ibinahagi ninyo ang ebanghelyo, lalakas ang inyong patotoo. Tulad ni Lehi, madarama ninyo ang “labis na kagalakan.”

Kaliwa: paglalarawan ni Mark Jarman; kanan, pakanan mula itaas sa kaliwa: mga paglalarawan nina Jim Madsen, Jared Beckstrand, Eric Barclay, at Celeste Smith