2013
Pag-anyaya sa Tagapagligtas na Pumasok
Oktubre 2013


Pag-anyaya sa Tagapagligtas na Pumasok

Larawan
Elder O. Vincent Haleck

“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya” (Apocalipsis 3:20).

Noong bata pa ako, naglabas ang nanay ko noong Kapaskuhan ng larawan ng Tagapagligtas na kumakatok sa isang pintuan. Hindi pa kami miyembro ng Simbahan noon, at lagi kong itinatanong, “Bakit kumakatok si Jesus sa pintuan? Sino ang nasa kabila ng pintuan?”

Makaraan ang ilang taon natuklasan ko na walang hawakan sa labas ang pintuang kinakatok ng Tagapagligtas. Kailangang buksan ng taong nasa loob ang pintuan. Alam ko na ngayon kung sino ang nasa kabila ng pintuan. Tayo! Kumakatok ang Tagapagligtas, at kailangang buksan nating lahat ang pintuan at anyayahan Siyang pumasok sa ating buhay.

Noong tinedyer ako, nagpasiya akong anyayahan ang Tagapagligtas sa buhay ko sa pagpapabinyag at pagiging miyembro ng Simbahan. Mabubuting halimbawa sa akin ang mga kaibigan ko. Gayundin ang lola ko. Temple worker siya noon sa Los Angeles California Temple. Umaalis siya ng bahay namin nang alas-4:00 ng umaga para paglingkuran ang Panginoon sa templo.

Dalawang taon lang matapos akong binyagan, nagpasiya akong maglingkod sa Panginoon bilang full-time missionary. Sa aking misyon, marami akong tinuruang tao tungkol sa Tagapagligtas para maanyayahan nila Siya sa kanilang buhay.

Kalaunan, naglingkod ako bilang mission president sa Samoa. Palagi kong itinatanong sa mga bagong missionary kung kailan sila nagpasiyang magmisyon. Maraming nagsabi na nasa Primary pa sila nang magpasiya silang maglingkod!

Tutulungan kayo ng Primary na maghandang maglingkod bilang missionary. Pag-aralan ang lahat ng makakaya ninyong pag-aralan. Magtakda ng mithiin na magmisyon. Sa gayon ay matutulungan mo rin ang mga tao na anyayahan ang Tagapagligtas sa kanilang buhay. Ang pagiging missionary ay magpapabago ng buhay mo—binago nito ang buhay ko.

Paglalarawan ni Jennifer tolman