2013
Mga Ideya sa Pangkalahatang Kumperensya
Oktubre 2013


Notebook ng Kumperensya ng Oktubre

Mga Ideya sa Pangkalahatang Kumperensya

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

“Hulaan Ninyo Kung Sino ang Darating sa Hapunan?”

Labinlimang araw bago magsimula ang bawat pangkalahatang kumperensya, isinasabit ng aming pamilya ang aming karatula na ibinabalita ang simula ng “Hulaan Ninyo Kung Sino ang Darating sa Hapunan?” Pagkatapos ay idinaragdag namin ang mga pinakahuling larawan ng ating mga propeta, tagakita, at tagapaghayag mula sa edisyon ng mga magasin ng Simbahan tungkol sa nakaraang kumperensya.

Naghahanda ako sa pamamagitan ng pagsasaliksik tungkol sa propetang darating sa gabing iyon. Kung minsan ay nakakakita ako ng mga bagay sa paligid ng bahay na kakatawan sa ilang bagay na nalaman ko, at inilalagay ko ang mga ito sa isang plato. Sa hapunan, habang nagkukuwento ako tungkol sa bawat bagay na iyon, sinusubukang hulaan ng lahat kung sino iyon. Sa ibang mga pagkakataon, may isa o dalawang kuwento ako na ibinahagi ng propetang iyon sa nakaraang pangkalahatang kumperensya.

Namamangha ako sa mga bagay na naaalala ng mga anak ko tungkol sa ating pinakamamahal na mga propeta at apostol, at alam ko na ang simpleng larong ito ay nagpaibayo rin sa pagmamahal at kaalaman ko tungkol sa mga dakilang lalaking ito.

Sarili Kong Kopya ng Kumperensya

Nang bumisita si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang kanyang asawang si Kathy sa stake conference namin, may ikinuwento sa amin si Sister Andersen. Noong nakatira daw sila sa France, gumawa siya ng mga photocopy ng mga mensahe sa kumperensya para sa bawat isa sa kanilang mga anak—pati na sa mga batang-bata pa. Nagulat siya nang malaman niya ang presyo ng mga photocopy, na napakamahal. Pagkatapos ay naisip niya: “Gaano kahalaga sa inyo na magkaroon ang pamilya ninyo ng mga salita ng mga propeta?”

Talagang naantig ako sa kuwentong ito, at tiniyak ko na may sariling kopya ng mga mensahe sa kumperensya ang bawat isa sa aming pamilya. Tuwang-tuwang ang mga anak naming babae. Ginamit namin ang mga ito sa family home evening at sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gustung-gusto kong nakikita ang isa kong anak na babae na binabasa ang mga mensahe at minamarkahan ang mga ito gamit ang kanyang highlighter. Nakiusap sa akin ang isa ko pang anak, na nabinyagan kamakailan, na basahin naming dalawa ang mga mensahe.

Hamon sa Kumperensya

Bilang bahagi ng itinuro ko sa Relief Society, hinamon ko ang bawat babae na basahin ang mga mensahe mula sa nakaraang kumperensya; muling binasa ng ilan ang mga mensahe, ang iba naman ay pinanood ito sa Internet. Ipinahayag ng ilang kababaihan kung paano nila nadama na mas handa sila para sa susunod na kumperensya.

Paglalarawan ng Carlos Israel Gutiérrez Robles