2013
Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan
Oktubre 2013


Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan

Kapag nag-aanyaya, nagmamahal, at naglilingkod tayo sa iba, nagiging tunay tayong mga disipulo ni Jesucristo at tumutulong tayong mapabilis ang gawain ng kaligtasan.

Larawan
Two families interacting together.

Bagama’t kinasasabikan ang tungkol sa paggamit ng Internet ng mga full-time missionary sa gawaing misyonero at pagsama sa paglibot sa mga tao sa mga meetinghouse, ang mga pagbabagong iyan ay maliit na bahagi lamang ng malaking plano sa gawain ng kaligtasan. Ang mas mahalaga ay kung paano tayo naaakma bilang mga miyembro sa malaking plano ng pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan. Hindi tayo inuutusang makibahagi sa isang bagong programa. Hinihikayat lamang tayong maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang ating tungkulin ay mahalin at paglingkuran ang mga nakapaligid sa atin—tulungan ang isang katrabahong nangangailangan, anyayahan ang ating mga kaibigan sa binyag, tulungan ang isang matandang kapitbahay na linisin ang kanyang bakuran, anyayahan ang isang di-gaanong aktibong miyembro na kumain, o tulungan ang isang kapitbahay na gawin ang kanyang family history. Ang mga ito ay pawang natural at masasayang paraan ng pag-anyaya sa mga di-gaanong aktibong miyembro at di-miyembro sa ating buhay at kalaunan ay sa liwanag ng ebanghelyo. Ang isama sila sa masasayang oras at mga sagradong oras ng ating buhay ay maaaring siyang pinakamabisang paraan na “[magagawa ng sinuman sa atin sa] ubasan [ni Jesucristo] para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng [mga lalaki at babae]” (D at T 138:56).

Ano ang Gawain ng Kaligtasan?

Ang gawain ng kaligtasan ay gawain ng Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang mahalagang gawaing ito ay kinabibilangan ng gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatili sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.1 Kadalasan, iniisip natin na hindi magkakaugnay ang mga aspetong ito ng ebanghelyo. Ngunit sa Ang Gawain ng Kaligtasan: Pandaigdigang Brodkast sa Pamumuno noong Hunyo 23, 2013, itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “magkakaugnay lahat iyan. Hindi magkakabukod ang mga pagsisikap na ito; lahat ng ito ay bahagi ng gawain ng kaligtasan.”2

Ang mga katagang “Pagpapabilis ng Gawain ng Kaligtasan”—ang titulo ng website ng brodkast (hasteningthework.lds.org)—ay tumutukoy sa pangako ng Panginoon: “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D at T 88:73).

Ang kailangang mga ordenansa ng priesthood—binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa priesthood para sa kalalakihan, at mga ordenansa sa templo—ay mahahalagang pangyayari sa landas ng ating buhay para makabalik sa ating Ama sa Langit. Kapag nakibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan, tinatahak at hinihikayat natin ang iba na sundan ang landas na ito ng tipan.

Ang mga Miyembro at Missionary ay Nagtutulungan sa Ilalim ng mga Susi ng Priesthood

Dumating na ang panahon upang muli tayong magtuon sa pangunahing alituntunin na ang ibig sabihin ng pagiging miyembro sa Simbahan ng Panginoon ay ang maglingkod nang lubos sa Kanyang gawain ng kaligtasan. Hawak ng mga stake president at bishop ang mga susi ng priesthood ng gawaing misyonero sa kanilang unit ng Simbahan3 at tinutulungan nila ang mga miyembro na gawin ang gagawin ng mga tunay na disipulo ni Cristo—ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo. Hawak ng mga mission president ang mga susi ng priesthood na nagbibigay-kakayahan sa kanila na pamahalaan ang gawain ng mga missionary na pinamumunuan nila.4 Ang mga full-time missionary ay sinasanay na magturo sa mga taong naihanda nang tanggapin ang ebanghelyo. Tinutulungan nila ang mga miyembro sa paggawa ng gawaing misyonero, hindi ang kabaligtaran nito. Kung gayon ay magkatuwang ang mga full-time missionary at mga member missionary sa paghahatid ng ebanghelyo sa buhay ng mga taong naihanda ng Panginoon na tanggapin ito.

Sa brodkast, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain.”5

Larawan
Elder missionaries teaching and contacting in Atlanta, Georgia.

Binanggit ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagmamahal. Sabi niya, “Sama-sama tayong kumikilos nang may pananampalataya at pagkakaisa—nananalig na gagabayan ng Panginoon ang ating mga hakbang at pakikipagkaisa sa isa’t isa at sa mga missionary, na laging pinasisigla ng pagmamahal natin [kay Jesucristo], sa isa’t isa, at sa ating mga pinaglilingkuran.”6

Mga Ward Council ang Namumuno, mga Ward Mission Leader ang Nag-uugnay

Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, pinadadali, sinusuportahan, at pinag-uugnay ng ward council ang mga ginagawa ng mga miyembro ng ward sa pamamagitan ng pagpaplano at pamumuno sa gawain ng kaligtasan para sa ward.7

Bilang miyembro ng ward council, ang ward mission leader ang “nag-uugnay ng gawain ng ward na maghanap, magturo, at magbinyag ng mga investigator. Iniuugnay niya ang gawaing ito sa gawain ng mga full-time missionary.”8

Larawan
Bishopric and ward leaders meeting together in a ward council meeting.

Nang magsalita siya sa mga ward mission leader, sinabi ni Elder Nelson: “Tulungan [ang mga missionary na] punuin ang kanilang appointment book ng mga makabuluhang oportunidad at nakatakdang pagtuturo upang hindi na sila magbahay-bahay sa paghahanap ng mga taong tuturuan. … [Kayo] ang nag-uugnay sa mga missionary, sa ward council, at sa mga miyembro ng ward.”9

Ang Tunay na Tanda ng Tagumpay

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw mapalad tayong mabuhay sa panahong ito na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Dahil may layunin ang Diyos sa pagsilang natin sa mundo sa panahong ito, may kakayahan tayong gumawa ng higit pa kaysa inaakala natin. Basta’t tumutulong tayo nang may kabaitan at pagmamahal sa mga nangangailangan ng ating pakikipagkaibigan at tulong, hindi tayo mabibigo. Ang tagumpay ng missionary ay dumarating sa pagsunod sa inspirasyong dumadaloy sa ating puso’t isipan at sa pag-anyaya lamang sa iba sa ating buhay na nakasentro sa ebanghelyo. Ang pag-anyaya ang tanda ng tagumpay, hindi kung magpapabinyag ang mga tao o magiging aktibo sila sa Simbahan. Tulad ng sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa malaking hukbo ng mga missionary na nagpupunta ngayon sa misyon: “Panahon na para sabihin nating, ‘Narito na sila.’ Dapat nating pagplanuhan at gamitin ang tulong na ito ng langit sa pinakamahusay na paraan.”10

Larawan
An elder missionary talking to a male passenger on a bus.

Panahon na para maunawaan nating lahat nang mas malinaw ang ating tungkulin sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan. Kapag ginawa nating likas na bahagi ng ating buhay ang gawaing misyonero ng miyembro, pagpapanatili ng mga miyembro, pagpapaaktibo ng di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo, lubos tayong magagalak at pagkakalooban tayo ng espirituwal na mga kaloob na kailangan natin para mapalakas ang Simbahan sa ika-21 siglo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), kabanata 5.

  2. Russell M. Nelson, Ang Gawain ng Kaligtasan: Pandaigdigang Brodkast sa Pamumuno, Hunyo 23, 2013, hasteningthework.lds.org.

  3. Tingnan sa Handbook 2, 5.1.6; 5.1.9.

  4. Tingnan sa Handbook 2, 5.1.6.

  5. Thomas S. Monson, Ang Gawain ng Kaligtasan, hasteningthework.lds.org.

  6. Neil L. Andersen, Ang Gawain ng Kaligtasan, hasteningthework.lds.org.

  7. Tingnan sa Handbook 2, 5.1.2.

  8. Handbook 2, 5.1.3.

  9. Russell M. Nelson, Ang Gawain ng Kaligtasan, hasteningthework.lds.org.

  10. Jeffrey R. Holland, Ang Gawain ng Kaligtasan, hasteningthework.lds.org.

Paglalarawan ni David Stoker

Mga paglalarawan nina John Luke at Cody Bell