2013
Nagmumura Ako …
Oktubre 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Nagmura Ako …

Ang pagmumura ay nakakabit na sa pananalita ko na kasingtindi ng pagdikit ng halamang tinik na burdock sa balahibo ng aso.

Nalungkot ako sa nakita kong ekspresyon sa mukha ng nanay ko. Pagkabigla. Pagkadismaya. Pagkalungkot. Sunud-sunod kong nakita ang lahat ng iyon sa kanyang mga mata pagkatapos ay nauwi ito sa iisang damdamin—pagkasira ng tiwala.

Sa kabila ng pagtuturo niya sa akin sa buong 15 taon ng buhay ko na igalang ang Ama sa Langit sa salita at gawa, naroon ako’t nakatayo, nagkasala dahil hinayaan kong lumabas sa mga labi ko ang isang napakasamang salita.

Hindi ko sinadyang magmura. Bago sumapit ang taong iyon, hinding-hindi ako gumagamit ng masamang pananalita. Ngunit nang tag-init na iyon nagtrabaho ako sa Fish and Game Department ng Utah at nahawa ako sa ugali ng mga binatilyong katrabaho ko.

Ang talagang trabaho namin ay hawanin ang burdock sa gilid ng mga kalsada. Agad naming ipinasiya na ang Arctium minus ay talagang masamang damo. Mabilis itong tumubo kahit saan, at pinapatay nito ang halos lahat ng iba pang halaman. Dumidikit ito sa anumang bagay na mapalapit dito.

Hawak ang mga pala, buong tag-init naming hinawan ang perhuwisyong damo hanggang sa mapagod kami—at makapagmura. Noong una hindi ko gusto ang pananalita ng mga katrabaho ko. Pagkatapos ay hinayaan ko na ito. Sa huli, ginaya ko na rin ito. Pagkatapos ng tag-init, ang pagmumura ay nakakabit na sa pananalita ko na kasingtindi ng pagdikit ng halamang tinik na burdock sa balahibo ng aso.

Gayunman, ang reaksyon ng nanay ko sa hindi ko sadyang pagmumura ay nakakumbinsi sa akin na kailangan kong magbago.

Hindi iyon naging madali. Ang pagmumura ay hindi lang pagpili ng mga salita. Ito ay daloy din ng pag-iisip. Ang mga pag-uusap na tinutulutan natin sa ating buhay, mga salitang binabasa natin, at mga larawang tinitingnan natin ay humuhubog sa ating pag-iisip. Di-nagtagal nalaman ko na kailangan kong baguhin ang pinapasok ko sa aking isipan kung nais kong mabago ang mga salitang sinasabi ko.

Salamat na lang at aktibo ako sa pagdalo sa simbahan at seminary. Pinapawi ng pagmumura ang mabubuting kaisipan, ngunit ang aking kapaligiran kung saan lantad ako sa mabubuting kaisipang iyon ang tumulong upang muling mangingibabaw ito sa akin. Nagtuon ako sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw at sa pagdarasal. Iniwasan ko ang mga pelikula at palabas sa telebisyon na nagbabalik ng masasamang kaisipan sa akin.

Unti-unti, napansin kong nagbabago ang aking pananalita. Pagkatapos ng taon, tuluyan nang nawala ang pagmumura ko.

Mula noon, marami na akong natutuhan tungkol sa impluwensya ng mga salita. Ang mga salita ay maaaring makalikha o makasira. Ang mga ito ay maaaring makasakit, o makapagpagaling. Ang mga ito ay maaaring makapagpahina sa mga tao, o maaaring makapagtanim ng mga binhi ng pag-asa at pagmamahal.

Natutuwa ako na ang Tagapagligtas mismo, ang Lumikha ng langit at lupa, ang tinutukoy bilang ang Salita (tingnan sa Juan 1:1–4; D at T 93:6–11).

Bilang pagwawakas: Lalo tayong nagiging katulad ng Salita kapag ang ating mga salita ay nagbibigay-dangal sa Kanya at nagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian.

Larawang kuha ni Anna Laurent