2013
Ang Dakilang Pamana ng mga Misyonero sa Atin
Oktubre 2013


Ang Dakilang Pamana ng mga Misyonero sa Atin

Lahat ng missionary, noon o ngayon, ay naglilingkod sa pag-asang mas mapabuti ang buhay ng ibang tao.

Ipinagpapatuloy ng mga missionary ngayon ang dakilang pamana na punuin ang mundo ng kaalaman tungkol sa Panginoon (tingnan sa Isaias 11:9). Mula kay Abraham hanggang kay Pablo at kay Ammon at kay Wilford Woodruff, ang mga missionary sa mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan ay naglalaan ng magagandang huwaran sa mga makabagong missionary.

Tayo man ay mga member missionary, naghahandang maglingkod bilang full-time missionary, naglilingkod sa mission, o pauwi na mula sa mission, makakahugot tayo ng tapang at inspirasyon sa mga halimbawang ito.

Ang Pamana sa Atin ng mga Misyonero sa Biblia at Mahalagang Perlas

Ang mga misyonero sa Lumang Tipan, tulad ni Jonas, ay tinawag upang maghatid ng babala sa mga tao (tingnan sa Ezekiel 3:17–19). Mula sa halimbawa ni Jonas nakikita natin ang kahalagahan ng pagsisisi at pagsunod. Itinuturo sa atin ng kuwento ni Abraham ang angkan at kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood.

Ang mga misyonero sa Bagong Tipan, tulad nina Pedro at Pablo, ay nagsikap na pangalagaan ang mga turo ni Jesucristo. Gayunman, sa paglipas ng panahon ay nag-apostasiya ang mundo. Ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ngayon ay sinisikap natin, tulad ng ginawa ng mga misyonerong iyon, na pangalagaan at ibahagi ang mga turo ni Jesucristo.

Larawan

Si Jonas sa Dalampasigan ng Ninive, ni Daniel A. Lewis. Nagsisi si Jonas at naglibot na nangangaral at nagpapatibay na naghahari si Jehova sa lahat ng dako at hindi lamang isang bansa o isang lahi ang Kanyang minamahal (tingnan sa Jonas 1–4).

© 2002 Daniel A. Lewis

Larawan

Sina Pedro at Juan sa Harap ng mga Pinuno sa Jerusalem, ni Simon Vedder. Iniharap sina Pedro at Juan sa kapulungan, at tinanong sila ng mataas na saserdote, “[Hindi ba ibinabala] naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito? at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral. … Datapuwa’t [sumagot] si Pedro … at [nagsabi], Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao (Mga Gawa 5: 28–29).

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Si Apostol Pablo, ni Karel Skreta. Sa kanyang mga paglalakbay at liham, nagbahagi si Pablo ng malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa buong Asia Minor at sa malaking bahagi ng mundong ginagalawan nila noong panahong iyon.

BPK, Berlin / Gemaeldegalerie Alte Meister, Staatliche Kunstsammlungen, Dres / Elke Estel / Hans-Peter Klut / Art Resource, NY

Larawan

Binasbasan ni Melchizedek si Abram [Abraham], ni Walter Rane. Binasbasan ni Melchizedek si Abram (tingnan sa Genesis 14:18–20) at ibinigay rin nito sa kanya ang priesthood (tingnan sa D at T 84:14). Sa isa pang pagkakataon, nagpakita ang Panginoon kay Abram, na nagsasabing, “Hangad kong … gawin kang isang mangangaral upang dalhin ang aking pangalan sa isang di kilalang lupain. … At ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa” (Abraham 2:6, 9).

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Ang Pamana sa Atin ng mga Misyonero sa Aklat ni Mormon

Sina Alma, Amulek, mga anak ni Mosias, at Samuel na Lamanita ay ilan lamang sa mga dakilang huwaran ng mga misyonero na matatagpuan natin sa Aklat ni Mormon. Mula sa kanila ay nakikita natin ang mga halimbawa ng pagsisisi, pananampalataya, pagsunod, at katapangan. Gaya nila, makakaasa tayo sa inspirasyon at paghahayag mula sa Diyos upang gabayan ang ating paglilingkod bilang missionary.

Larawan

Si Ammon sa Harapan ni Haring Lamoni, ni Gary L. Kapp. Iniligtas ni Ammon, isa sa mga anak ni Mosias, ang mga kawan ni Haring Lamoni. Nang tanungin ng hari si Ammon kung isinugo siya ng Diyos, sinabi ni Ammon na siya ay isang taong tinawag ng Banal na Espiritu upang ituro ang ebanghelyo “sa mga tao [ni Lamoni], upang sila ay madala sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo” (Alma 18:34).

© Gary L. Kapp, hindi maaaring kopyahin

Larawan

Naghatid nga Siya ng Masayang Balita sa Aking Kaluluwa, ni Walter Rane. Binisita ng isang anghel si Samuel na Lamanita at naghatid ito ng “masayang balita sa [kaluluwa ni Samuel]” hinggil sa pagparito ng Tagapagligtas (Helaman 13:6–7). Bilang bahagi ng kanyang tungkuling mangaral sa mga Nephita, inakyat ni Samuel ang pader ng lungsod ng Zarahemla at ibinahagi ang masayang balitang ito sa mga tao.

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Ang Pamana sa Atin ng mga Misyonero sa Doktrina at mga Tipan

Pagkatapos ng Panunumbalik ng ebanghelyo, lubhang kinailangan ang mga misyonero. Ibinahagi ng mga misyonerong tulad nina Dan Jones, Orson Hyde, at Parley P. Pratt ang Aklat ni Mormon at ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilan, gaya ng kapatid ni Propetang Joseph na si Samuel, ay naglingkod malapit sa kanilang tahanan. Ang iba naman ay naglakbay nang malayo para ibahagi ang ebanghelyo sa mga lugar na tulad ng Thailand, Sandwich Islands (Hawaii), Denmark, at England.

Ang mga unang misyonerong ito ay naglingkod nang matagal at sa maraming mission. Iniwan nila ang kanilang mga magulang, kasintahan, asawa, anak, at apo tulad ng ginagawa natin. Sila ay nagsisilbing mga halimbawa sa atin ngayon ng pananampalataya, katapangan, pagsunod, pagtitiis, at kasigasigan.

Larawan

Mga Mangangaral na Mormon, ni Arnold Friberg, batay sa orihinal na gawa ni Christen Dalsgaard. Ang tagpong ito ng isang sinaunang Latter-day Saint missionary na nagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa isang pamilyang Danish na nakatipon sa bahay nila sa lalawigan ay karaniwang halimbawa ng pagtuturo ng ebanghelyo noong ika-19 na siglo. Nagturo din ang mga misyonero sa mga kanto ng kalsada o sa mga pasilyo ng pamahalaang bayan.

© IRI, sa kagandahang-loob ni Arnold Friberg

Larawan

Naghahanda si Wilford Woodruff para sa mga Pagbibinyag sa Benbow Farm, ni Richard A. Murray. Inakay ng Panginoon si Wilford Woodruff noong 1840s sa bukirin ni John Benbow sa Herefordshire, England. “May isang lahi roon na matagal nang ipinagdarasal ang sinaunang kaayusan ng mga bagay-bagay,” pagsulat ni Wilford. “Ang naging bunga nito ay, sa unang tatlumpung araw pagdating ko roon ay nakapagbinyag ako ng anim na raan. … Sa walong buwan kong pagsisikap sa bansang iyon nakapagdala ako ng isang libo’t walong daang kaluluwa sa Simbahan. Bakit? Dahil may isang lahing handa nang tumanggap sa Ebanghelyo” (“Discourse,” Deseret Weekly, Nob. 7, 1896, 643).

Pagsandig sa Pamana sa Atin ng mga Misyonero

Simula nang ipaalam ni Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2012 na maaari nang magmisyon ang mga kabataang lalaki at babae sa mas batang edad, libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang nagmisyon.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013, idinagdag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang patotoo tungkol sa gawaing misyonero at hinikayat ang bawat isa sa atin na maging mahalagang bahagi ng lumalaganap na himalang ito sa pagtulong sa paghahanap sa mga taong handang makinig sa ebanghelyo: “Yamang binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mas maraming missionary na maglingkod, ginigising din Niya ang isipan at pinalalambot ang puso ng mas maraming mabubuti at tapat na tao upang tanggapin ang Kanyang mga missionary. Kilala na ninyo sila o makikilala pa lang ninyo sila. Sila ay nasa inyong pamilya at nakatira sa inyong paligid. Nadaraanan nila kayo sa kalye, nakakatabi kayo sa eskuwela, at nakakausap kayo sa Internet” (“Ito ay Isang Himala,” Liahona, Mayo 2013, 78).

Larawan

Bininyagan ng kadarating na mga missionary ang mga katutubo sa Sandwich Islands (Hawaii) noon pa mang 1851. Kailan lang kinunan ang retratong ito.

Hindi maaaring kopyahin

Larawan

Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Kalsada, ni Ken Spencer. Ang dalawang missionary na ito ay nagbabahagi ng ebanghelyo sa isang lalaki sa harapan ng isang bookstore sa New Brunswick, New Jersey, USA.

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Larawan

Walang Kupas na mga Missionary, ni Juei Ing Chen. Ang mga miyembro ng Simbahan sa Taiwan, gaya ng mga member missionary sa lahat ng dako, ay hangad ibahagi ang kanilang kagalakan sa ebanghelyo at sa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay nasa ibabaw ng mesa; at ang mataas na asul ay lalagyan ng mga scroll na may larawan ng Taipei Taiwan Temple.

© IRI, sa kagandahang-loob ni Juei Ing Chen

Larawan

Ang mga Lamanita ay Mamumukadkad na Tulad ng Rosas, ni Joselito Jesus Acevedo Garcia. Naipakita ng larawang ito ang diwa ng gawaing misyonero sa mga taong nagsasalita ng Espanyol. Dalawang missionary ang naghahandang magturo ng ebanghelyo habang patuloy na ginagawa ng mga tao ang kanilang pang-araw-araw na trabaho. Ang Lima Peru Temple, na nasa gitna ng maliliit na bahay at mga hayop sa lugar na iyon ay kumakatawan sa pag-unlad ng Simbahan.

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Larawan

Mga Latter-day Saint Missionary sa Sierra Leone, ni Emile Wilson. Ang unang mission sa Sierra Leone ay inorganisa sa Freetown noong Hulyo 1, 2007. Ang Freetown ang naging ika-3,000 stake sa Simbahan noong Disyembre 2, 2012.

Sa kagandahang-loob ng Church History Museum