2013
Ang Pananagutan Nating Sumagip
Oktubre 2013


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Pananagutan Nating Sumagip

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang pangangailangang sagipin ang ating mga kapatid na sa anumang dahilan ay nalihis ng landas at hindi na aktibo sa Simbahan ay walang hanggan ang kahalagahan. May kilala ba tayong ganitong tao na minsan ay tinanggap ang ebanghelyo? Kung gayon, ano ang pananagutan nating sagipin sila?

Isipin ang naliligaw na matatanda, balo, at maysakit. Kadalasan ay matatagpuan sila sa tuyot at mapanglaw na kasukalan ng pag-iisa na tinatawag na kalungkutan. Kapag naglaho na ang kabataan, kapag unti-unti nang bumagsak ang kalusugan, kapag nabawasan ang lakas, kapag umandap-andap ang liwanag ng pag-asa, matutulungan at masusuportahan sila ng kamay na tumutulong at ng pusong mahabagin.

Mangyari pa, may iba pang kailangang sagipin. Ang ilan ay nagkakasala samantalang ang iba naman ay natatakot o walang pakialam o walang alam. Anuman ang dahilan, inilayo nila ang kanilang sarili sa Simbahan. At halos tiyak na mananatili silang naliligaw maliban kung hangarin natin—na aktibong mga miyembro ng Simbahan—na sagipin o iligtas sila.

Isang Taong Magtuturo ng Daan

Ilang taon na ang nakararaan nakatanggap ako ng liham mula sa isang lalaking napalayo sa Simbahan. Inilalarawan nito ang napakarami sa ating mga miyembro. Matapos ilarawan kung paano siya naging di-aktibo, isinulat niya:

“Mayaman ako dati at napakahirap ko na ngayon. Hindi ako masaya at pakiramdam ko’y bigo ako sa lahat ng bagay. Hindi nawala ang patotoo ko sa ebanghelyo kailanman, kahit hindi ko ito lubusang naipamuhay. Ipagdasal sana ninyo ako.

“Huwag sana ninyo kaming kalilimutan na naririto sa labas—ang naliligaw na mga Banal sa mga Huling Araw. Alam ko kung nasaan ang Simbahan, pero kung minsan ay iniisip ko na kailangan ko ng ibang taong magtuturo sa akin ng daan, hihikayatin ako, papawiin ang takot ko, at magpapatotoo sa akin.”

Habang binabasa ko ang sulat na ito, nabaling ang isipan ko sa pagbisita ko sa isa sa magagandang art gallery sa mundo—ang bantog na Victoria and Albert Museum sa London, England. Doon, nakalagay sa napakagandang kuwadro ang isang obra-maestrang ipininta ni Joseph Mallord William Turner noong 1831. Tampok sa painting ang makakapal at maiitim na ulap at ang pagngangalit ng maalong dagat na nagbababala ng panganib at kamatayan. Isang liwanag mula sa isang barkong naipit sa karagatan ang mababanaag sa malayo. Sa gawing harapan, isang malaking lifeboat ang sinisiklot nang mataas ng dumarating na mabulang mga alon ng karagatan. Panay ang sagwan ng mga lalaki habang sinisiklut-siklot ang lifeboat sa gitna ng unos. Nakatayo sa dalampasigan ang isang babae at dalawa niyang anak, basa sa ulan at hinahagupit ng hangin. Balisa silang nakatingin sa karagatan. Pinaikli ko sa aking isipan ang pangalan ng painting. Para sa akin ito ay naging Pagsagip.1

Sa gitna ng mga unos ng buhay ay nakaamba ang panganib. Nalalagay sa kagipitan ang mga lalaki at babae, kapwa bata at matanda, sa kanilang kinaroroonan at nahaharap sa kapahamakan. Sino ang gagabay sa mga lifeboat, iiwanan ang kaginhawahan ng tahanan at pamilya, at hahayo para sumagip?

Hindi mabigat ang ating tungkulin. Naglilingkod tayo sa Panginoon; may karapatan tayo sa Kanyang tulong.

Noong narito ang Panginoon, nanawagan Siya sa mga mangingisda sa Galilea na iwanan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya, na nagsasabing, “Gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”2 Nawa’y makabilang tayo sa mga mamamalakaya ng kalalakihan at kababaihan, upang makatulong tayo sa anumang paraan.

Tungkulin nating tulungan ang mga taong lumayo sa kaligtasan ng pagiging aktibo, upang madala natin sila sa hapag ng Panginoon at magpakabusog sa Kanyang salita, mapatnubayan ng Kanyang Espiritu, at “hindi na … maging mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi … mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.”3

Ang Alituntunin ng Pagmamahal

Nalaman ko na dalawang pangunahing bagay ang dahilan para bumalik sa pagkaaktibo at magbago ang mga ugali, gawi, at kilos. Una, nagbabalik ang mga tao dahil may nagpakita sa kanila ng kanilang mga walang-hanggang potensiyal at natulungan silang magpasiya na kamtin ang mga ito. Hindi makukuntento ang mga di-gaanong aktibo na manatiling pangkaraniwan kapag nakita nila na kaya naman nilang magpakahusay.

Ikalawa, nagbabalik ang iba dahil sinunod ng kanilang mga mahal sa buhay o “mga kababayan na kasama ng mga banal” ang payo ng Tagapagligtas, inibig nila ang kanilang kapwa tulad sa kanilang sarili,4 at tinulungan nila ang iba na makamit ang kanilang mga pangarap at ambisyon.

Ang nagtutulak—at patuloy na magtutulak—sa prosesong ito ay ang alituntunin ng pagmamahal.

Sa tunay na kahulugan, ang mga taong nalagay sa kagipitan sa maunos na karagatang ipininta ni Turner ay katulad ng marami sa ating di-gaanong aktibong mga miyembro na naghihintay na masagip ng mga taong gumagabay sa mga lifeboat. Umaasam sila na matulungan. Ipinagdarasal ng ina at ama ang kanilang mga anak. Sumasamo sa langit ang mga babae na masagip ang kanilang asawa. Kung minsan ay ipinagdarasal ng mga bata ang kanilang mga magulang.

Dalangin ko na magkaroon tayo ng hangaring sagipin ang mga di-gaanong aktibo at ibalik sila sa kagalakan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang makasama natin sila sa pakikibahagi sa lahat ng maipagkakaloob ng pagkakapatirang iyan.

Nawa’y tumulong tayo sa pagsagip sa mga naliligaw na nakapaligid sa atin: matanda, balo, maysakit, may kapansanan, di-gaanong aktibo, at mga taong sumusuway sa mga kautusan. Nawa’y iunat natin ang ating kamay para tulungan sila at kahabagan. Sa paggawa nito, magdudulot tayo ng galak sa kanilang puso, at makadarama tayo ng lubos na kasiyahan kapag tinulungan natin ang iba sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Mga Tala

  1. Ang buong pamagat ng painting ay Life-Boat at Manby Apparatus Papunta sa Naipit na Barkong Humihingi ng Tulong (Gamit ang Signal ng Asul na Ilaw).

  2. Mateo 4:19.

  3. Mga Taga Efeso 2:19.

  4. Tingnan sa Mateo 22:39.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Isiping tanungin ang mga taong binibisita ninyo kung mayroon silang kakilala na nahihirapang magsimba. Makakapili kayo ng isang tao at talakayin ninyo ang mga paraan para magpakita ng pagmamahal, tulad ng pag-anyaya sa kanya na makilahok sa family home evening o kumain sa inyong tahanan.

Life-Boat at Manby Apparatus Papunta sa Naipit na Barkong Humihingi ng Tulong (Gamit ang Asul na Ilaw), ni Joseph Mallord William Turner © Victoria and Albert Museum, London, www.vandaimages.com