2013
Handa sa Araw ng Digmaan
Oktubre 2013


Handa sa Araw ng Digmaan

Larawan
Elder Eduardo Gavarret

Tayo nawa, sa pagtitiwala natin sa Tagapagligtas, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay maging handa at hindi matisod sa larangan ng digmaan.

Noong 1485, si Richard III ang nakaluklok sa trono ng England. Panahon iyon ng kawalan ng katatagan, at hindi lang minsan kinailangang ipagtanggol ni Richard ang kanyang korona. Ngunit isa siyang bihasang sundalong beterano, isang matapang at matalas ang isip na mandirigma na may hukbong kinabibilangan ng 8,000 hanggang 10,000 kalalakihan.

Sa taon ding iyon, isang tao na hangad maluklok sa trono ng England, si Henry Tudor, Earl ng Richmond, ang humamon at humarap kay Richard sa isang lugar na pinaghanguan ng itinawag sa digmaan: Bosworth Field. Si Henry, di-tulad ni Richard, ay kakaunti ang karanasan sa pakikipaglaban, at ang kanyang hukbo ay 5,000 lamang. Ngunit magagaling ang kanyang mga tagapayo—mga taong maharlika na nakasama na sa mga gayong digmaan, kabilang na ang ilang pakikidigma laban kay Richard. Sumapit ang umaga ng digmaan, at lahat ay nagpahiwatig na si Richard ang magtatagumpay.

Ibinuod sa isang bantog na dula ang mga pangyayari noong Agosto 22, 1485. Nang umagang iyon, naghanda si Haring Richard at ang kanyang mga tauhan na harapin ang hukbo ni Henry. Ang mananalo sa digmaan ang magiging pinuno ng England. Bago nagsimula ang digmaan, nagsugo ng isang alipin si Richard para tingnan kung handa na ang paborito niyang kabayo.

“Sapatusan mo agad,” pag-utos ng alipin sa panday. “Gustong manguna ng hari sa kanyang mga sundalo.”

Sumagot ang panday na kailangan niyang maghintay. “Nasapatusan ko na ang buong hukbo ng hari nitong nakaraang ilang araw,” sabi niya, “at kailangan kong kumuha pa ng bakal.”

Sinabi ng naiinip na alipin na hindi siya makapaghihintay. “Sumusugod na ang mga kaaway ng hari, at kailangan namin silang harapin,” sabi niya. “Gamitin mo na lang kung ano ang nariyan.”

Tulad ng ipinag-utos, ginawa ng panday ang lahat ng makakaya niya, at gumawa ng apat na sapatos ng kabayo mula sa isang baretang bakal. Matapos gawin ang mga sapatos, ipinako niya sa kabayo ang tatlo rito. Gayunman, nang tangkain niyang ikabit ang ikaapat na sapatos, natanto niya na kulang ang pako.

“Kailangan ko ng isa o dalawa pang pako, at ipapako ko pa ang mga ito,” sabi niya sa alipin.

Gayunman, hindi na makapaghintay ang alipin. “Naririnig ko na ang mga trumpeta,” sabi nito. “Puwede bang gamitin mo na lang kung ano ang nariyan?”

Sumagot ang panday na gagawin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, ngunit hindi niya magagarantiyahan na kakapit na mabuti ang ikaapat na sapatos.

“Ipako mo na lang,” pag-utos ng alipin. “At bilisan mo, at baka magalit si Haring Richard sa ating dalawa.”

Hindi nagtagal nagsimula na ang digmaan. Para magkaisa ang kanyang mga tauhan, pabalik-balik na nangabayo si Richard sa pinagdarausan ng digmaan, na nakikipaglaban at nananawagan sa kanila na, “Sugod! Sugod!”

Gayunman, nang tumingin si Richard sa paligid, nakita niyang umaatras ang ilan sa kanyang mga tauhan. Sa takot na magsimulang umatras ang iba pa niyang mga sundalo, pinapaspasan niya ang takbo ng kabayo papunta sa mga tauhan niyang umaatras para hikayatin silang lumaban. Ngunit bago pa nakarating sa kanila si Richard, natisod ang kanyang kabayo at natumba, kaya tumilapon ang hari sa lupa. Natanggal ang isa sa mga sapatos ng kabayo, tulad ng pinangambahan ng panday, nang desperadong paspasan ng hari ang takbo ng kabayo.

Tumindig si Richard mula sa pagkatumba nang tumayo ang kanyang kabayo at kumaripas ng takbo. Habang papalapit ang hukbo ni Henry, ikinaway ni Richard ang kanyang espada, na sumisigaw, “Isang kabayo! Isang kabayo! Ang aking kaharian kapalit ng isang kabayo!”

Ngunit huli na ang lahat. Sa sandaling iyon, nagsisitakas na ang mga tauhan ni Richard dahil sa takot sa pasugod na hukbo ni Henry, at natalo sila sa digmaan. Magmula noon binigkas na ng mga tao ang kasabihang:

Dahil walang pako, natanggal ang sapatos,

Dahil walang sapatos, nawala ang kabayo,

Dahil walang kabayo, natalo sila sa digmaan,

Dahil natalo sa digmaan, nawala ang kaharian,

At lahat ng ito’y dahil walang pako ang sapatos ng kabayo.1

Pagkapit nang Mahigpit sa Ating mga Alituntunin

Habang iniisip ko ang kuwentong ito, naiisip ko kung paano nagbago ang mga pangyayari dahil sa isang bagay na kasingsimple ng sapatos ng kabayo na hindi naipakong mabuti. Maihahambing natin ang nawawalang pako sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Dahil sa kawalan ng mga alituntunin ng ebanghelyo at ng kaugnay na mga pinahahalagahan at kaugalian nito ay maaari tayong mawalan ng pag-asa sa larangan ng digmaan laban sa tukso at kasamaan.

Anong mga kaugalian ang hindi natin nagagawa sa ating buhay at pamilya? Kinaliligtaan ba natin ang ating personal na panalangin o panalangin ng pamilya? Ang masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Ang regular na family home evening? Ang pagbabayad ng buong ikapu? Paglilingkod sa ating mga kapatid? Paggalang sa araw ng Sabbath? Pagsamba sa templo? Pagmamahal sa ating kapwa?

Maaaring suriin ng bawat isa sa atin ang ating buhay at tingnan kung saan tayo nagkukulang—kung aling alituntunin o kaugalian ang kailangan nating mas ikapit nang mahigpit sa buhay natin at sa ating pamilya. Pagkatapos, kapag natukoy natin ang alituntunin o kaugaliang iyon, maaari tayong kumilos nang may kasigasigan at determinasyong pukpukin na maigi ang pako—na ipamuhay ang alituntuning iyon nang mas lubusan at mas ihanda ang ating sarili at ating pamilya na manindigan sa tama.

Sa Doktrina at mga Tipan, ipinayo ng Panginoon, “Taglayin ninyo ang turbante ng kaligtasan, at ang espada ng aking Espiritu, na aking ibubuhos sa inyo, at [a]ng aking salita, na aking ihahayag sa inyo, at … maging matapat hanggang sa ako ay pumarito” (27:18).

Sa Kanyang matatapat na tagapaglingkod, nangako ang Tagapagligtas, “Ang kanilang bisig ay magiging aking bisig, at ako ang kanilang magiging pananggalang at kanilang kalasag; at aking bibigkisan ang kanilang balakang, at sila ay matapang na makikipaglaban para sa akin; … at sa pamamagitan ng apoy ng aking kapootan sila ay aking pangangalagaan” (D at T 35:14).

Nawa’y matandaan natin na kung “ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka,” sabi sa Mga Kawikaan, “ang pagtatagumpay ay sa Panginoon” (21:31). Nawa’y sundin natin ang paanyaya ni Moroni na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32). At tayo nawa, sa pagtitiwala natin sa Tagapagligtas, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay maging handa at hindi matisod sa larangan ng digmaan laban sa kasamaan.

Tala

  1. Tingnan sa “For Want of a Horseshoe Nail,” sa William J. Bennett, ed., The Book of Virtues: A Treasury of Great Moral Stories (1993), 198–200.

Mga paglalarawan ni Greg Newbold