2013
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tagapaglikha
Oktubre 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tagapaglikha

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi sa kababaihan na binibisita ninyo. Paano madaragdagan ng pagkaunawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

“Nilikha [ni Jesucristo] ang kalangitan at ang lupa” (3 Nephi 9:15). Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Moises 1:33).

“Dapat tayong magpasalamat nang husto sa matalinong Tagapaglikha na lumalang ng isang mundo at inilagay tayo rito,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “… para subukan tayo, isang pagkakataon upang patunayan ang ating sarili at maging karapat-dapat sa lahat ng inihanda ng Diyos na tanggapin natin.”1 Kapag ginamit natin ang ating kalayaang sundin ang mga utos ng Diyos at magsisi, nagiging karapat-dapat tayong bumalik sa piling Niya.

Tungkol sa Paglikha, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Tayo ang dahilan kaya Niya nilikha ang sansinukob! …

“Ito ang kabalintunaan ng tao: kung ihahambing sa Diyos, ang tao ay walang-kabuluhan; subalit tayo ang pinakamahalaga sa Diyos.”2 Ang pagkabatid na nilikha ni Jesucristo ang daigdig para sa atin dahil tayo ang lahat sa Ama sa Langit ay magpapaibayo sa ating pagmamahal sa Kanila.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Juan 1:3; Sa mga Hebreo 1:1–2; Mosias 3:8; Moises 1:30–33, 35–39; Abraham 3:24–25

Mula sa Ating Kasaysayan

Tayo ay nilikha sa wangis ng Diyos (tingnan sa Moises 2:26–27), at may banal na potensiyal. Pinayuhan ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan sa Relief Society na “maging marapat sa [kanilang] mga pribilehiyo.”3 Sa panghihikayat na iyan bilang pundasyon, tinuruan ang kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maging marapat sa kanilang banal na potensiyal sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos para sa kanila. “Habang nauunawaan nila kung sino sila talaga—mga anak na babae ng Diyos, na may angking kakayahan na magmahal at mangalaga—naaabot nila ang kanilang potensiyal bilang banal na kababaihan.”4

“Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa puso ninyo,” sabi ni Propetang Joseph Smith. “Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati nito!—kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”5

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Takbo ng Buhay,” Liahona, Mayo 2012, 91.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 20.

  3. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 199.

  4. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 199.

  5. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 197.

Larawan ng Christus ni David Nystul; background ni Hemera/Thinkstock