2013
Paano Ako Magiging Matagumpay na Missionary?
Oktubre 2013


Paano Ako Magiging Matagumpay na Missionary?

Ang awtor ay naninirahan sa Maine, USA.

Kahit gaano kasigasig kaming nagtrabaho ng kompanyon ko, tinanggihan pa rin ng lahat ang aming mensahe. Ano ang magagawa namin para maging matagumpay na missionary?

Mahigit isang taon na ako sa misyon nang makaranas ako ng mahirap na pagsubok. Nasa kalagitnaan kami ng isang malungkot at mapanglaw na panahon—katatapos lang ng taglamig at paparating na ang tagsibol. At kahit gaano kasigasig kaming nagtrabaho ng kompanyon ko, lahat ng nakausap namin ay tinatanggihan kaagad ang aming mensahe. Nang makausap namin ang iba pang mga missionary, nalaman namin na tuluy-tuloy ang pagtuturo nila. Wala akong maisip na dahilan kung bakit hindi kami nagtatagumpay. Matagal na ako sa misyon at bihasa na sa wika, maganda ang samahan namin ng kompanyon ko, tiwala na sa amin ang mga miyembro, at sinikap naming sundin ang Espiritu at lubos na sumunod sa mga patakaran sa misyon.

Pero anuman ang gawin namin, tinatanggihan nila kami palagi. Makalipas ang mga linggo na palaging ganito, nadama kong masama na ang loob ko. Minsan habang nagpaplano kami ay nasabi kong, “Bakit pa? Wala namang makikinig sa atin.” Ang kompanyon ko, na mas maganda ang pananaw kaysa akin, ay ganito lang ang sinabi, “Nagtatakda tayo ng mga mithiin para ipakita ang pananampalataya natin. Inaalam natin kung nakakamit natin ang ating mga mithiin para mabilang natin ang mga pagpapalang nasa atin.”

Nang pag-isipan kong mabuti ang sinabi niya, natanto ko na mali ang paraan ko ng paghusga sa tagumpay ko bilang missionary. Nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero ang mga pag-uugali ng matatagumpay na missionary,1 at natanto ko na maaaring taglayin ng missionary ang lahat ng pag-uugaling iyon kung gusto niya. Hindi ko mapipilit ang mga tao kung gusto o ayaw nilang tanggapin ang mensahe ng ebanghelyo, ngunit maaari kong piliin kung anong klaseng missionary ang gusto kong maging. Ipinakita sa akin ng kompanyon ko na ang mas malaking pananampalataya kay Jesucristo at pasasalamat sa Kanyang mga pagpapala ay magpapaalam sa akin na matagumpay akong missionary.

Ang Pananampalataya ay Tumutulong para Makita Natin ang mga Himala

Nakadama ako ng pagpapakumbaba nang matanto ko na kulang ang aking pananampalataya. Hinanap ko kung saan ko mapapalakas ang aking pananampalataya at nalaman ko na kapag hindi umayon sa plano ang mga pangyayari, hinahayaan kong manghina ang loob ko. Sabi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Ang panghihina ng kalooban ay makapagpapahina sa iyong pananampalataya. Kung bababaan mo ang ekspektasyon mo, mababawasan ang pagiging epektibo mo, hindi ka na masyadong maghahangad, at mas mahihirapan kang sumunod sa Espiritu.”2 Natanto ko na hinayaan kong pahinain ng mga problema namin ang aking pananampalataya.

Sinimulan kong ipagdasal na magbago ang puso ko at maragdagan ang aking pananampalataya. Nagtiwala rin ako sa pangakong ibinigay sa Mormon 9:21: “Sinumang naniniwala kay Cristo, nang walang pag-aalinlangan, anuman ang kanyang hingin sa Ama sa pangalan ni Cristo ay ipagkakaloob sa kanya; at ang pangakong ito ay para sa lahat, maging hanggang sa mga nasa dulo ng mundo.” Ang pangakong ito ay naghikayat sa akin na mas taimtim na manalangin para sa mga pagpapala at himalang sa pakiramdam namin ng kompanyon ko ay kailangan namin, na laging idinaragdag na, “Mangyari nawa ang Inyong kalooban.” Ang mga panalanging ito ay nakatulong sa akin na tanggapin ang binagong mga plano at problema nang may mas malakas na pananampalataya, batid na laging sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalanging may pananampalataya—kahit dumating pa ang mga sagot sa mga paraang hindi namin inaasahan. Mas naunawaan ko na ginagabayan kami ng mga paraan ng Panginoon sa buong maghapon.

Nang sikapin kong palakasin ang aking pananampalataya, nakita ko na totoo ang magandang pahayag sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: kung tataasan mo ang iyong ekspektasyon, madaragdagan ang pagiging epektibo mo, lalo kang maghahangad, at mas masusunod mo ang Espiritu. Bukod pa rito, naging mas maganda ang pananaw ko tungkol sa gawaing misyonero at sa paglilingkod ko bilang missionary nang maunawaan at mapahalagahan ko na ang mga himalang nangyari sa araw-araw.

Dinaraig ng Pasasalamat ang Inggit

Sinimulan ng Panginoon na ipakita sa akin na naghihimala Siya para sa atin araw-araw—pero nakita ko lamang ito nang sikapin kong tunay na magpasalamat. Ang pagpapasalamat ay higit pa sa isang mabuting gawi o magandang asal. Nang magpasalamat ako sa Panginoon at sa iba, nagkaroon ako ng lakas. Nadama ko na masaya ako para sa iba pang mga missionary kapag nagtatagumpay sila sa halip na mainggit ako sa kanila (tingnan sa Alma 29:14, 16). Mas nakapagtuon ako sa kung ano ang mayroon ako at kung ano ang tamang nangyari kaysa sa kakulangan ko at kung ano ang maling nangyari.

Nalaman ko na pasasalamat ang lunas para maiwasan nating ihambing ang ating sarili sa iba. Ang mga panahong iyon na hindi ko nadama na matagumpay akong missionary ay dumating kadalasan dahil sinabi ko sa aking sarili na, “Hindi ako kasinggaling nila,” o, “Mas magaling sila sa ganito kaysa sa akin.” Nalaman ko rin na bagama’t pamamaraan ng Panginoon na bigyan tayo ng mabubuting halimbawang tutularan at susundan, tinutukso naman tayo ni Satanas na ihambing ang ating sarili sa kanila para malaman ang ating kahalagahan o tagumpay. Pero malinaw na nagpahayag tungkol dito ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Iwasang ihambing ang iyong sarili sa ibang mga missionary at sukatin o bilangin ang bunga ng iyong pagsisikap kung ihahambing sa nagawa nila.”3 Sa huli, nakatulong sa akin ang pasasalamat na iwasan ang kapalaluan at napaalalahanan ako na ang Panginoon ang namamahala sa Kanyang gawain. Hindi ko kailangang mainggit kapag mukhang mas matagumpay ang kapwa ko mga missionary.4

Ang Tunay na Sukatan ng Tagumpay

Bago ko naunawaan ang pagbabagong ito, masyado akong natuon sa isang uri ng pagpapala kaya nalimutan kong pansinin ang iba pang mga paraan ng pagsagot ng Panginoon sa aming mga panalangin at pagpapala sa aming gawaing misyonero. Sa huli, sinimulang pagpalain ng Panginoon ang gawaing misyonero sa aming lugar sa maganda at di-inaasahang mga paraan. Nakahanap nga kami ng mga taong handang tanggapin ang aming mensahe, pero natutuhan ko na noon na huwag sukatin ang aking tagumpay batay sa mga pagpapasiya ng iba.

Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang payo ng isang mission president tungkol sa gawaing misyonero: “Gawin ang lahat ng makakaya mo, ang pinakamahusay na magagawa mo. Manalangin ka at magpakasipag at ipaubaya mo ang pag-ani sa Panginoon.”5 Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay may itinuturo ding katulad niyan tungkol sa matatagumpay na missionary: “[Gawin mo] ang lahat para magdala ng mga kaluluwa kay Cristo, at taimtim na [maghangad] na matuto at lalo pang bumuti.”6

Basta’t handa akong magsisi, basta’t tapat kong nasasabi sa Panginoon na ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko, makapagtitiwala ako na matagumpay akong missionary—tanggapin man ng mga tao ang aming mensahe o hindi. Sa maraming paraan, masusukat ang tagumpay ko bilang missionary batay sa kahandaan kong magsisi at sa determinasyon kong patuloy na magsikap.

Marami akong naitalang himala sa journal ko sa panahong ito ng aking misyon. Nang sikapin kong maging mas tapat at mapagpasalamat, nagkaroon ako ng mas magandang pananaw, naiwasan kong panghinaan ako ng loob, at higit kong nadama ang Espiritu sa gawain. Nalaman ko na ang itinuturo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay totoo: “Kapag nagawa mo na ang lahat sa abot ng iyong makakaya, maaaring dumanas ka pa rin ng kabiguan, pero hindi ka makadarama ng kabiguan sa iyong sarili. Madarama mong natutuwa ang Panginoon sa iyo kapag nadama mong kumikilos ang Espiritu sa pamamagitan mo.”7 At nang madama kong nasiyahan ang Panginoon sa akin, nakayanan ko ang anumang pagsubok.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 12–13.

  2. Mangaral ng Aking Ebanghelyo 12.

  3. Mangaral ng Aking Ebanghelyo 12.

  4. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 31.

  5. Gordon B. Hinckley, “Find the Lambs, Feed the Sheep,” Liahona, Hulyo 1999, 120.

  6. Mangaral ng Aking Ebanghelyo, (2004), 12.

  7. Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 12.

Sa maraming paraan, masusukat ang tagumpay ko bilang missionary batay sa kahandaan kong magsisi at sa determinasyon kong patuloy na magsikap.

Mga paglalarawan ni Del Benson