2013
Maging Matatag, Maging Malusog, Maging Matalino
Oktubre 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Maging Matatag, Maging Malusog, Maging Matalino

Larawan
Elder Adrián Ochoa

Gusto mo bang gumanda ang pakiramdam mo at lumaki ang tiwala mo sa sarili sa pisikal at emosyonal? Makatutulong ang regular na ehersisyo.

Nabasa ko kamakailan ang isang nakatutuwang konsepto tungkol sa pag-eehersisyo. Nabasa ko na kung gigising ka nang maaga, magsusuot ka ng damit pang-ehersisyo, at iisipin mo, “Isusuot ko lang ito, maglalakad-lakad ako sa labas, at kung maganda ang pakiramdam ko, sisimulan kong mag-jogging,” malamang na makapag-ehersiyo ka nang maayos bago mo pa man ito malaman. Ang simpleng pagplanong ito ay makatutulong sa iyo na ugaliing mag-ehersisyo at pangalagaan ang iyong katawan. Para sa marami, pagsisimula at pagpapatuloy na mag-ehersisyo ang pinakamahirap gawin. Kung tatandaan mo na hindi lamang katawan mo ang pinalulusog ng pag-eehersisyo kundi pati na ang isipan at talino mo, tutulungan ka nitong gustuhin pang maging mas malusog. Kapag nag-ehersisyo ka, magiging masigla ka at madarama mong ikaw ay malakas, may tiwala sa sarili, alerto, at panatag.

Larawan
A stick of wood balancing on a rock. The stick has worms on one end and feathers on the other.

Huwag tumulad sa tamad na ibon na ipinagpalit ang mga balahibo para sa mga bulate.

Paglalarawan ni Greg Newbold

Naaalala ko ang kuwento tungkol sa isang ibon na nagsimulang ibigay ang kanyang mga balahibo kapalit ng mga bulate. Madaling makakuha ng pagkain sa gayong paraan, at iniisip naman ng ibon na marami siyang balahibo. Habang patuloy nitong ipinagpapalit ang kanyang mga balahibo, masaya ang ibon dahil hindi na niya kailangang gumising nang maaga para manghuli ng mga bulate. Makakaupo na lang siya sa pugad maghapon at hindi na niya kailangang kumilos pa kahit kailan. Sa huli, gayunman, masyadong nahirati ang ibon dito at natanto na lamang niya na hindi na siya makalipad dahil naubos na ang mahahalaga niyang balahibo.

Nangyayari ito sa sinumang nagkakaroon ng masamang pag-uugali, nagiging tamad, o gumagamit ng nakalululong na mga bagay. Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan mababasa natin na ang mga bagay na ito ay “pumipinsala sa inyong pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na kapakanan. Sinisira nito ang pakikipag-ugnayan sa inyong pamilya at mga kaibigan at nakababawas ito sa pagpapahalaga ninyo sa sarili. Nililimitahan nito ang inyong kakayahang pumili para sa inyong sarili.”1 Ang pagiging aktibo at pagkain nang tama ay tumutulong sa atin na iwasan ang masasamang ugaling ito. Kung nagpatuloy lang ang ibon sa paglipad at paghuli, hindi sana naubos ang mga balahibo nito. Gayundin, kung tayo ay “kikilos” at mag-eehersisyo nang regular, makakaya nating iwasan ang anumang hilig ng katawan na nakapipinsala at nakapagpapababa sa ating pagkatao.

May mga tao na may problema sa pisikal na kalusugan, ang iba naman ay sa emosyonal na kalusugan. Maaaring mahirap ang buhay, at kung minsan ay nababalisa tayo, nalulungkot, o nawawalan ng pagpapahalaga sa sarili. Ngunit tandaan na para sa pisikal at emosyonal na kalusugan, nakatutulong ang ehersisyo at kasipagan para manatiling maganda ang pananaw. Ang pag-aalaga ng inyong katawan ay pumapayapa rin sa inyong isipan at tinutulungan kayong maalaala na kayo ay anak ng Diyos at maaaring magkaroon ng tiwala sa sarili at maging masaya. Ang ating emosyon, katawan, at espiritu ay magkakaugnay. Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Ang inyong emosyonal na kalusugan ay mahalaga rin at maaaring makaapekto sa inyong espirituwal at pisikal na kapakanan. Ang kabiguan at paminsan-minsang kalungkutan ay bahagi ng buhay na ito. Gayunpaman, kung matagal na kayong nakadarama ng lungkot, kawalang-pag-asa, pag-aalala, o depresyon, kausapin ang inyong mga magulang at bishop at magpatulong.”2

Bakit may mga tao sa ating paligid na tila mas masigla at masaya? Ang isang pangunahing dahilan ay ang pag-uugali. Kung titingnan natin ang ating katawan mula sa espirituwal na pananaw at mauunawaan na ito ay “templo, isang kaloob mula sa Diyos,” mamahalin natin ito at pananatilihing sagrado.3

Para sa akin, ang ibig sabihin ng sagrado ay malinis, napapangalagaan, at malakas. Ang isa sa mga paraan na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na panatilihing sagrado ang ating katawan ay sa pagbibigay sa atin ng Word of Wisdom. Ipinaliwanag sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Kapag sinunod ninyo ang batas na ito, mananatili kayong ligtas sa mga nakapipinsalang pagkalulong at makokontrol ninyo ang inyong buhay. Mabibiyayaan kayo ng malusog na katawan, listong isipan, at ng patnubay ng Espiritu Santo. Magiging handa kayong paglingkuran ang Panginoon. Huwag ninyong hayaang malinlang kayo ni Satanas o ng sinuman sa pag-iisip na kapag hindi ninyo sinunod ang Word of Wisdom ay higit kayong liligaya, mas magiging popular, o mas kaakit-akit.”4 Sa pagsunod ninyo sa Word of Wisdom, alalahanin na pinangangalagaan ninyo kapwa ang inyong katawan at isipan at tinutulutan kayo nitong “[makatagpo] ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman” (D at T 89:19).

Sa halip na maging tamad na ibon na ipinagpapalit ang mga balahibo, simulan ang pag-eehersisyo. Palaging mag-ehersisyo. Sumali sa paborito ninyong sport o makipagkaibigan sa maaari ninyong makasamang tumakbo o maglibang. Kapag gumagawa kayo ng mga pisikal na bagay, sinasanay ninyo hindi lamang ang inyong katawan kundi pati na ang inyong isipan. Pinalalakas din ng pag-eehersisyo ang emosyonal na kalusugan. Tandaan na ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi kung gaano kayo kaliksi o kalakas—ang pinakamahalaga ay kung palagi kayong maliksi o malakas. Kapag nag-ehersiyo kayo nang regular, hindi lamang kayo magiging mas masaya kundi magiging mas malakas, mas malusog, at mas matalino rin kayo.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 26.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 27.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 25.

  4. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 25.