2013
Mga Tanong at mga Sagot
Oktubre 2013


Mga Tanong at mga Sagot

“Ano ang sasabihin ko sa mga hindi miyembro na nagtatanong kung bakit hindi ipinamumuhay ng ilang miyembro ng Simbahan ang ating mga pamantayan?”

Napakaganda kung lubos na ipinamumuhay ng bawat miyembro ng Simbahan ang ebanghelyo. Hindi lamang nila matatamasa ang iba pang mga pagpapala sa kanilang buhay kundi magiging magandang halimbawa pa sila sa mga nasa paligid nila. Ngunit tayo’y mortal, kaya nagkakamali tayo kahit paano. Ang pangunahing dahilan kaya mas lubos na naipamumuhay ng ilan ang ebanghelyo kaysa sa iba ay dahil magkakaiba ang lalim ng pagbabalik-loob at lakas ng ating patotoo. Magkakaiba ang ating mga pagsubok at pinagkukunan ng tulong at mga taong tumutulong sa atin.

Maaaring hindi nauunawaan ng mga di-miyembro ang mga katagang tulad ng “pagbabalik-loob” at “patotoo,” pero mauunawaan nila na mapipili ng bawat tao kung paano mamuhay. Maipaliliwanag mo na nilayon ito ng Ama sa Langit na maging gayon. Binigyan Niya tayo ng kalayaan para espirituwal tayong lumago sa pagpili ng tama. Ngunit alam din ng Ama sa Langit na lahat—maliban kay Jesucristo—ay magkakamali, kaya naglaan Siya ng Tagapagligtas para sa atin. Dahil sa Pagbabayad-Sala, maaari tayong magsisi, mapatawad, matuto sa ating mga pagkakamali, at magpatuloy sa buhay.

Maipaliliwanag mo rin na hindi natin hinuhusgahan ang mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Sa halip, sinisikap natin silang tulungan, unawain, at pagpasensyahan. Bagama’t hindi natin kinukunsinti ang kasalanan, hindi natin hinahatulan ang makasalanan (tingnan sa Juan 8:11). Maaari pa rin tayong magsisi, lahat tayo.

Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Ang sagot sa tanong ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Kapag hindi sinusunod ng mga tao ang mga kautusan, huwag natin silang hatulan (tingnan sa Mateo 7:1). Sabi sa Mga Taga Roma 3:23, “Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” Gayunman, dapat talagang sikapin ng mga miyembro ng Simbahan na maging masunurin.

Madison M., edad 13, Texas, USA

Magturo Tungkol sa Pagbabayad-Sala

Kapag nagsasabi ng ganyang mga bagay ang mga tao, sa halip na hanapan ng mali ang miyembrong hindi sumusunod sa mga tuntunin, ginagamit ko itong pagkakataon para magturo tungkol sa Pagbabayad-sala. Sinasabi ko sa kanila na hindi dahil sa Mormon tayo ay perpekto na tayo at may Pagbabayad-sala naman kaya maaari nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at itama ang mga pagkakamaling iyon. Karaniwan ay sinusundan ito ng mas marami pang tanong.

Jayde H., edad 16, Oregon, USA

Itinuturo ng Simbahan na Gumawa Tayo ng Mabuti

Tulad ng iba, dumaranas din ng mga pagsubok at tukso ang mga miyembro ng Simbahan. Lahat tayo ay may mga kahinaan, ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi totoo ang Simbahang ito. Ito ang Simbahan ni Jesucristo, na tumutulong sa mga tao na malaman ang totoong ebanghelyo at matanggap ang kadakilaan. Ang likas na tao ang sumusuway sa mga kautusan (tingnan sa Mosias 3:19), at hindi ito kasalanan ng Simbahan. Itinuturo sa atin ng Simbahan na gumawa ng mabuti. Pero tayo pa ring lahat ang magpapasiya.

Lavinia S., edad 19, Bulacan, Philippines

Ang mga Pamantayan ay para sa Ating Kaligayahan

Talagang pamilyar sa akin ang tanong na ito dahil may mga kilala ako na gumawa ng mga pasiya na naglayo sa kanila sa ebanghelyo. Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga utos para sa ating kaligayahan at upang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Nais ng Panginoon na makabalik tayo sa Kanya; gayunman, nais Niyang tayo ang magpasiya. Kaya nga hindi ipinamumuhay ng ilang tao ang ating mga pamantayan. Ako mismo ay tinutulungan ng mga pamantayan dahil alam ko na ibinigay ito sa akin ng Ama sa Langit para makabalik ako at makapiling Siya at maging maligaya. Patunay ito na mahal Niya ako.

Morgane D., edad 18, Languedoc-Roussillon, France

Ipagdasal at Bisitahin Sila

Ang mga miyembrong hindi ipinamumuhay ang ating mga pamantayan ay maaaring walang patotoong nakasentro kay Jesucristo. Dapat natin silang ipagdasal, upang hangarin nilang magabayan ng Espiritu at magkaroon sila ng sariling patotoo. Dapat nating bisitahin ang mga taong ito at tulungan silang lumapit kay Cristo.

Andrea C., edad 13, Lima, Peru

Maging Isang Halimbawa

Ang Simbahang ito ay mahalaga para tulungan tayo na sundin ang mga utos ng ating Ama sa Langit at makapiling natin Siyang muli. Ngunit hindi dahil miyembro ng Simbahan ang isang tao ay lagi na siyang mabait. Tingnan ninyo ang mundo natin ngayon, puno ng kasamaan at nakasusuklam na mga gawain, bagama’t puno ito ng mga tao na nagpasiyang sundin si Jesucristo sa buhay bago sila isinilang. Palagay ko ang pinakamagandang magagawa natin ay magpakita ng halimbawa sa ating mga kaibigan.

Kaden S., edad 15, Utah, USA

Ipamuhay ang Ating mga Pamantayan

Tulad ng iba pang organisasyon o relihiyon, may ilang tao na mas tapat o hindi gaanong tapat. Kailangan lang nating ipamuhay ang ating mga pamantayan sa abot ng ating makakaya at umasa at manalangin na gagawin din iyon ng iba.

Maren S., edad 16, Arizona, USA