2013
Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?
Oktubre 2013


Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?

Larawan
Elder C. Scott Grow

Ang tulungan kang magsisi ay espesyal na tungkulin ng bishop. Sasabihin sa iyo ng konsiyensya mo kung kailangan mo siyang kausapin.

Maaari kang magtaka kung bakit ka tinuturuang magtapat sa bishop o branch president mo kapag nakagawa ka ng mabibigat na kasalanan. Maaari mong sabihin sa iyong sarili, “Hindi ba’t ang pagsisisi ay isang personal na bagay sa pagitan ko at ng Panginoon? Kung itinigil ko na ang maling pag-uugali ko at ipinagtapat ko na ito sa Diyos, bakit ko pa kailangang kausapin ang bishop ko?”

Larawan
A young woman seated across the desk from her bishop.

Mga paglalarawan ni Christina Smith

Bakit ang Bishop at Hindi Ibang Tao?

Maraming kabataan na mas komportableng ipagtapat ang kanilang mga kamalian sa kanilang mga magulang o mga lider ng kabataan. Bagama’t makapagbibigay ang mga magulang at lider mo ng kailangang suporta at payo, sinabi ng Panginoon na ang bishop ang pangkalahatang hukom sa Israel (tingnan sa D at T 107:72, 74). Responsibilidad niyang alamin ang pagkamarapat ng mga miyembro ng kanyang ward. Sa pamamagitan ng ordinasyon at matwid na pamumuhay, ang bishop ay may karapatan sa paghahayag mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga miyembro ng kanyang ward, pati na sa iyo.

Matutulungan ka ng bishop na magsisi sa paraang hindi kayang ibigay ng iyong mga magulang o iba pang mga lider. Kung mabigat ang kasalanan, maaari niyang ipasiya na dapat limitahan ang mga pribilehiyo mo sa Simbahan. Halimbawa, bilang bahagi ng iyong pagsisisi, maaari ka niyang sabihan na huwag kang makibahagi sa sakramento o huwag gamitin ang priesthood sa loob ng ilang panahon. Tutulungan ka niya at siya ang magpapasiya kapag karapat-dapat ka nang muling gawin ang mga sagradong aktibidad na iyon.

Papayuhan ka ng bishop mo sa mga gagawin mo upang lumakas ang kakayahan mong labanan ang tukso. Maaari ka niyang hikayating pag-aralan ang isang paksa sa doktrina, tulad ng pagsisisi, at pagkatapos ay ibahagi sa kanya ang natutuhan mo. Maaari niyang hilingin sa iyo na mag-usap kayo linggu-linggo para maireport mo kung nagagawa mong lumayo sa mga nakatutuksong sitwasyon.

Kailan Ko Siya Dapat Kausapin?

Maaaring iniisip mo, “Magandang pakinggan ang lahat ng iyan, pero paano ko malalaman kung sapat ang bigat ng pagkakamaling nagawa ko para kailanganin kong kausapin ang bishop?” Ang maikling sagot: “Sasabihin sa iyo ng konsiyensya mo.” Kapag binagabag ka ng konsiyensya mo, kumilos kaagad (tingnan sa Alma 34:31–34).

Hinggil sa pagsisisi, itinuro ni Haring Benjamin, “Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin” (Mosias 4:29). Kaya sa halip na magbigay ng detalyadong listahan ng mga bagay na kailangan mong ipagtapat sa bishop mo, ibabahagi ko ang ilang alituntuning tutulong sa iyo na magawa ang desisyong iyan.

Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat?

Alam ko na sinikap mo nang maging masunurin, pero siguro’y nakagawa ka ng ilang pagkakamali—ilang mabibigat na pagkakamali. Karamihan sa mga pagkakamaling nagagawa ng mga tao ay malulutas sa pamamagitan ng personal na panalangin at taos-pusong pagsisisi. Ang ilang pagkakamali, lalo na ang may kinalaman sa imoralidad, ay kailangang ipagtapat sa bishop bago ka mapatawad ng Panginoon.

Habang iniisip mo ang mga pagkakamaling nagawa mo, maaari kang makonsiyensya, maasiwa, malungkot, o maging miserable pa nga. Kung nararamdaman mo ang alinman sa mga ito, siguro kailangan mo nang kausapin ang bishop mo tungkol sa mga pagkakamaling iyon.

Huwag mong subukang bigyang-dahilan o pangatwiranan ang pagkakamali mo. Maaaring iniisip mo, “Nakakahiyang sabihin sa bishop ang ginawa ko. Iniisip niyang mabuti akong tao. Magugulat siya kapag sinabi ko sa kanya ang ginawa ko. Hindi na niya ako magugustuhan.”

Ipinapangako ko sa iyo na hindi ka niya huhusgahan. Bilang lingkod ng Panginoon, magiging mabait siya at maunawain habang nakikinig sa iyo. Pagkatapos ay tutulungan ka niya sa proseso ng pagsisisi. Siya ang sugo ng awa ng Panginoon para tulungan kang maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sinabi ng Panginoon: “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.

“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:42–43).

Kapag ipinagtapat at tinalikdan mo ang iyong mga kasalanan, patatawarin ka ng Panginoon. Hindi mo na kailangang panagutan pa sa Kanya ang mga kasalanang iyon pagdating ng panahong ikaw ay hahatulan.

Paano Kung Hindi Ako Magtapat?

Kung minsan ay titigil ang isang tao sa paggawa ng mali pero hinding-hindi magtatapat sa bishop niya, kapag kailangan. Dahil dito, patuloy na pinapasang mag-isa ng taong iyon ang bigat ng kasalanan, sa halip na hayaang alisin ng Tagapagligtas ang pasanin.

Bibigyan kita ng isang halimbawa. Isang gabi ilang taon na ang nakararaan, nag-iinterbyu ako ng mga adult na kumukuha ng panibagong temple recommend. Isang babaeng nasa katamtamang edad ang dumating para magpainterbyu. Ikinasal siya sa templo at aktibo sa Simbahan sa buong buhay niya.

Nadama ko ang matinding kalungkutan sa kanyang kaluluwa. Habang lumalaon ang interbyu, tumanggap ako ng espirituwal na pahiwatig. Sinabi ko sa kanya, “Sister, palagay ko may nagawa kang mabigat na pagkakamali noong tinedyer ka na hindi mo ipinagtapat sa isang priesthood leader. Handa ka na bang sabihin ito sa akin?”

Napaiyak siya kaagad. Sinabi niya sa akin na totoo iyon, pero lagi siyang nahihiyang ipagtapat ito sa bishop. Nang ipagtapat niya ang kanyang ginawa, sapat ang detalyeng inilahad niya para malaman ko kung karapat-dapat siya.

Ang pagtatapat ng kanyang kasalanan sa isang priesthood leader ang naging katapusan ng proseso ng kanyang pagsisisi sa halip na simula. Mahigit 30 taon niyang dinala nang walang-saysay ang bigat at kalungkutang dulot ng kasalanang iyon.

Dahil natapos na niya ang huling hakbang ng pagsisisi, malinis na ang kanyang konsiyensya. Nakikita ko siya paminsan-minsan pagkatapos ng interbyung iyon. Umaliwalas ang kanyang mukha, at masaya siya.

Nais kong malaman ninyo na hindi ko na maalala ang pangalan niya. Kayang alisin ng Panginoon sa mga bishop ang gayong mga alaala. Ang naaalala ko ay na sa pagtatapat sa kanyang priesthood leader, naalis sa isang babaeng nasa katamtamang edad ang bigat ng kasalanang pinasan niya nang maraming taon.

Huwag sana ninyong gawin ang pagkakamaling iyan. Kung binabagabag ka ng iyong konsiyensya pero hindi mo tiyak kung kailangan mong magtapat sa bishop mo, kausapin siya. Magpatulong ka sa kanya. Huwag mong tangkaing dalhin habambuhay ang walang-saysay na pasanin, na labis na magpapalungkot sa iyo. Sa pamamagitan ng pagtatapat mo sa bishop at pagsisisi, aalisin ng Panginoon ang pasaning iyan sa iyong kaluluwa (tingnan sa Isaias 1:18).

Bakit Kailangan Akong Magsisi?

Larawan
A young woman seated across the desk from her bishop.

Si Jesucristo ay nagdusa para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Inaanyayahan ka Niyang magsisi at iwasang maragdagan pa ang iyong pighati at pagdurusa. “Magsisi, upang … ang iyong mga pagdurusa ay [hindi] maging masakit—kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko. …

“Dahil dito, iniuutos kong muli sa iyo na magsisi, … at iyong ipagtapat ang iyong mga kasalanan, kung hindi ay daranasin mo ang mga kaparusahang aking sinabi” (D at T 19:15–17, 20).

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, napagbayaran na ni Jesucristo ang iyong mga kasalanan. Maaari kang mapatawad kung ikaw ay magsisisi. Huwag mong subukang pagbayaran ang iyong mga kasalanan. Gaano mang pagdurusa ang danasin mo ay hindi ka matutubos nito; ikaw ay makatatanggap ng kapatawaran sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala.

Nawa’y manalig ka kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-Sala. Pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo na sa pamamagitan ng pagsisisi, kabilang na ang pagtatapat sa bishop mo kung kailangan, ikaw ay malilinis. Bukod pa rito, sa tulong ng biyaya ng Tagapagligtas—ang Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan—mapapalakas ka sa kakayahan mong labanan ang tukso sa hinaharap. Dahil dito, magkakaroon ka ng kapayapaan ng isipan at kaligayahan sa buhay na ito, at magmamana ka ng buhay na walang hanggan sa mundong darating.