Mga Tulong sa Pag-aaral
Mga Hari


Mga Hari

Dalawang aklat sa Lumang Tipan. Isinasalaysay ng mga ito ang kasaysayan ng Israel mula sa paghihimagsik ni Adonia, ang ikaapat na anak ni Haring David (mga 1015 B.C.) hanggang sa huling pagkabihag ng Juda (mga 586 B.C.). Sakop ng mga ito ang buong kasaysayan ng timog kaharian (ang sampung lipi ni Israel) mula sa paghihiwalay hanggang sa dalhin silang bihag ng mga taga-Asiria sa mga bayan sa timog.

Unang Aklat ng mga Hari

Inilalarawan sa kabanata 1 ang mga huling araw ng buhay ni Haring David. Natatala sa mga kabanata 2–11 ang buhay ni Solomon. Nasasaad sa mga kabanata 12–16 ang tungkol sa mga humalili kay Solomon, sina Rehoboam at Jeroboam. Si Jeroboam ang naging dahilan ng paghihiwalay ng kaharian ng Israel. May iba ring binanggit na mga hari. Natatala sa mga kabanata 17–21 ang ilang bahagi ng ministeryo ni Elijah nang pagsabihan niya si Acab, hari ng Israel. Natatala sa kabanata 22 ang digmaan laban sa Asiria na kung saan sina Acab at Josaphat, hari ng Juda, ay nagsanib ng lakas. Ang propetang si Micheas ay nagpropesiya laban sa mga hari.

Ikalawang Aklat ng mga Hari

Ipinagpapatuloy sa kabanata 1 hanggang sa 2:11 ang buhay ni Elijah, kabilang na ang pag-akyat sa langit ni Elijah sa isang karuwaheng apoy. Isinasalaysay sa mga kabanata 2–9 ang ministeryo ni Eliseo na puno ng pananampalataya at dakilang kapangyarihan. Nasasaad sa kabanata 10 ang tungkol kay Jehu, ang hari, at kung paano niya sinira ang tahanan ni Acab at ang mga saserdote ni Baal. Natatala sa mga kabanata 11–13 ang matwid na paghahari ni Joas at ang kamatayan ni Eliseo. Nasasaad sa mga kabanata 14–17 ang tungkol sa iba’t ibang hari na naghari sa Israel at Juda, kadalasan sa kasamaan. Natatala sa kabanata 15 ang pagbihag ng Asiria sa sampung lipi ni Israel. Natatala sa mga kabanata 18–20 ang matwid na buhay ni Ezechias, ang hari ng Juda, at ng propetang si Isaias. Nasasaad sa mga kabanata 21–23 ang tungkol sa mga haring sina Manases at Josias. Ayon sa kaugalian, si Manases ang may pananagutan sa pagkamatay ni Isaias. Si Josias ay isang matwid na hari na siyang nagtatag muli ng batas sa mga Judio. Natatala sa mga kabanata 24–25 ang pagbihag ng mga taga-Babilonia.