Mga Tulong sa Pag-aaral
Lehi, Ama ni Nephi


Lehi, Ama ni Nephi

Sa Aklat ni Mormon, isang Hebreong propeta na inakay ang kanyang mag-anak at mga tagasunod mula sa Jerusalem patungo sa isang lupang pangako sa may kanlurang bahagi ng daigdig noong mga 600 B.C. Si Lehi ang unang propeta sa kanyang mga tao sa Aklat ni Mormon.

Nilisan ni Lehi ang Jerusalem kasama ang kanyang mag-anak sa utos ng Panginoon (1 Ne. 2:1–4). Siya ay inapo ni Jose, na ipinagbili sa Egipto (1 Ne. 5:14). Binigyan siya ng Panginoon ng pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay (1 Ne. 8:2–35). Si Lehi at ang kanyang mga anak ay gumawa ng sasakyang-dagat at naglakbay patungong kanlurang bahagi ng daigdig (1 Ne. 17–18). Siya at ang kanyang mga inapo ay natatag sa bagong lupain (1 Ne. 18:23–25). Bago siya namatay, binasbasan ni Lehi ang kanyang mga anak at tinuruan sila ng tungkol kay Cristo at sa paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw (2 Ne. 1:1—4:12).

Ang aklat ni Lehi

Si Joseph Smith ay nagsimula sa aklat ni Lehi nang siya ay nagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ito ay isang talaang pinaikli ni Mormon mula sa mga lamina ni Lehi. Nang matapos niya ang 116 pahina ng manuskrito na kanyang naisalin mula sa aklat na ito, ibinigay ni Joseph ang manuskrito kay Martin Harris, na sandaling naglingkod kay Joseph bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ang mga pahina ay nawala. Hindi na muling isinalin ni Joseph ang aklat ni Lehi upang palitan ang nawalang manuskrito sa halip ay nagsalin ng ibang ulat na may kaugnayan dito mula sa mga laminang ginto (tingnan ang mga pambungad ng D at T 3, 10). Ang ibang mga ulat na ito ngayon ang unang anim na aklat sa Aklat ni Mormon.