2009
Mas Mataas Pa sa A
Agosto 2009


Mas Mataas Pa sa A

Anong klaseng huwaran ang magbabalewala sa isang kagiliw-giliw na pitong-taong-gulang na bata?

Pilitin ko man ay nahirapan akong magtuon sa mga salita sa Inferno ni Dante. Sumulyap ako sa orasan sa sala. Alas-10:00 na ng gabi. May maikling pagsusulit ako kinabukasan sa walong kabanata ng Inferno na hindi ko pa nababasa, kailangan kong sumulat ng outline para sa klase ko sa English, at may miting din ako nang alas-6:00 n.u. sa gusali ng seminary. Kailangan ko nang matulog. Nagbasa ako:

Sa pag-ibig sa lupang tinubuan

Lumuhod tinipon dahong nagkalat

Ito’y aking inialay sa kanya,

Na paos na sa pagsasalita.1

Sa wakas ay nakatuon na ang isip ko rito na siyang kailangan para matiis ang mahabang gabing ito.

… Kami’y nakarating d’on sa hangganang

Nakapagitna sa dalawang bansa

At naroon ang mapagkunwaring katarungang

Tunay na kasuklam-suklam. 

“Hi, Shan,” sambit ng pitong-taong-gulang kong kapatid na si Shallen.

Medyo sumimangot ako at umasang lalayo na siya. Nasaan na nga ba ako? Hmmm … kasuklam-suklamkasuklam-suklam … Aha!

… Ang mga bagay na unang nakita

Mas malinaw na sa mata, …

Hindi ako makapag-isip na mabuti. Dama kong sinusuri ng parang manikang mukha ni Shallen ang bawat kilos ko. Para akong bilanggo sa mapanuring mata ng istorbo kong kapatid. Ang makislap na berde niyang mga mata ay puno ng kasabikan nang makita niyang tumingin ako sa kanya.

“Sabi sa amin ng titser ko kanina sa eskuwela lahat ng nasa ikalawang grado ay magkakaroon ng araw para sa aming tutularan o idolo, at magdadamit kami tulad ng aming idolo, at magrereport, at masaya iyon, at maghapon naming isusuot ang damit ng aming idolo kahit sa recess, at kami’y …”

Alam kong kapag hindi tumigil sa kadadaldal ang bata kong kapatid, hindi ko matatapos ang binabasa ko, ang mahalagang outline ko, ni hindi ako makakakuha ng puro A na marka.

Kailangan kong kumilos. Kailangang umalis na siya. Sana mainip siya kapag hindi ko pinansin, at sa ibang miyembro na lang ng pamilya niya ikuwento ang “araw ng idolo.”

Gamit ang hintuturo ko hinanap ko kung saan ako tumigil sa Inferno:

… Sa banda roon

Isang kapataga’y narating …

“At idodrowing namin ang aming idolo at …”

Bakit ba hindi niya maintindihan na magdamag kong pagpupuyatan ang homework ko? Medyo galit na ako, parang bulkan na sasabog, nang sa wakas ay tumigil siya sa kadadaldal. Nagulat ako. Ipinako ko ang mga mata ko sa aklat ko, sa pag-asang alam na niya na hindi ako interesado.

“Shan,” bulong ng kanyang inosente at malambing na boses.

Nakatingin pa rin ako sa mga salita ni Dante. Tumigil siya sandali. Nasulyapan kong malungkot siyang nakatungo dahil hindi ko siya pinapansin. Nakonsiyensiya ako, pero mas itinuon ko pa ang aking tingin sa nakasulat sa malabong mga pahina.

“Shan, ikaw ang gusto kong idolo. Puwede ko bang isuot ang uniporme mong lifeguard sa araw ng idolo?”

Mula sa aklat ay nabaling ang tingin ko sa ginintuang buhok na nakatakip sa malungkot na mukha ng kapatid ko. Hindi ko akalaing ako ang idolo ni Shallen—isang idolong ni hindi binigyan ng oras ang isang kagiliw-giliw na pitong-taong-gulang na bata. Nahiya ako sa sarili ko nang matanto kong naging makasarili ako.

Binitawan ko ang bolpen ko at itinabi ko ang aklat. Hinawakan ko ang kamay ng malambing kong munting tagahanga at dinala siya sa kuwarto ko. Dinamitan ko siya ng kamiseta kong kupas, isinuot sa kanya ang foam visor ko, at isinabit sa leeg niya ang lumang pito ko na may nakasulat na “Shanda.” Tiningnan niya ako at nakita ko ang pinakamagandang ngiti sa kanyang mukha. Nakumbinsi ako ng pagmamahal niya na ang batang kapatid ko ay mas mahalaga kaysa anumang markang matatanggap ko.

Tala

  1. Tingnan sa Dante, Inferno, canto 14.

Paglalarawan ni Doug Fakkel

Kapag hindi tumigil sa kadadaldal ang bata kong kapatid, hindi ko matatapos ang binabasa ko, ang mahalagang outline ko, ni hindi ako makakakuha ng puro A na marka. Kailangan kong kumilos. Kailangang umalis na siya.