2009
Paglikas ni Jason
Agosto 2009


Paglikas ni Jason

“Kayo’y mangagpuyat at magsipanalangin upang huwag kayong magsipasok sa tukso” (Marcos 14:38).

“ZZZZZ …” Pakunwaring paghilik ng walong-taong-gulang na si Jason, at saka biglang bubungisngis. Habang nakahiga sa kanyang kama, nagtalukbong siya ng kumot at nagkunwaring tulog. Sa kabilang panig ng madilim na silid, nakayakap naman sa kanyang unan ang anim-na-taong-gulang niyang kapatid na lalaki, at saka ito hihikab at pagkatapos ay tatawa. “Shh!” bulong ni Jason, na inalis ang nakatalukbong na kumot sa kanyang ulo. “Dapat kunwari tulog na tayo!”

“Tulog na ako. Tulog na ako!” bulong na sagot ng kanyang kapatid. Muling bumungisngis ang dalawa, at nagkumot hanggang sa leeg nila, pumikit, at nanatiling nakahiga habang naghihintay sila.

Sa kabilang silid, naghihintay rin ang kapatid nilang babae, at nagkukunwaring tulog. Sa dulo ng pasilyo, naghihintay ang kapatid nilang lalaki, at nagkukunwaring tulog. Pati nanay nila, alam nila, ay nakahiga sa kanyang madilim na silid, nakatalukbong ng kumot, at nagkukunwaring tulog.

Lumangitngit ang sahig sa madilim na pasilyo. Malapit lang si Itay. Anumang sandali ay maririnig na nila ang hudyat. Matamang nakinig si Jason, at halos hindi humihinga sa pagsisikap na hulaan kung saan nakatayo si Itay sa sandaling iyon. Tiyak na papalapit na siya. Anumang sandali ngayon …

“BEEEEEP!” Isang matinis na tunog ang narinig sa buong kabahayan. Bumaba si Jason sa sahig at pagapang na pumunta sa pinto.

“Bilis, bilis, bilis!” sigaw ng kanyang kapatid, na nabunggo si Jason sa gilid. “Kailangan tayong makalabas!”

“Sunog!” sigaw ni Jason na gumagapang papunta sa pasilyo. “Labas kayong lahat!”

“Labas kayong lahat!” sigaw ni Inay. “Pagapang lang!”

Sinamahan sila ni Itay sa sahig habang gumagapang sa pasilyo, papunta sa kusina, at palabas ng pintuan sa likod. Nang nasa labas na sila, nagsitayo sila at tumakbo sa puno ng maple.

“Ligtas na ba tayo?” tanong ni Itay. “Narito na ba’ng lahat?”

“Ligtas na tayo,” sabi ni Inay, habang binibilang sila.

Tumingin si Itay sa kanyang relo. “Iyan ang pinakamabilis nating oras sa ngayon,” sabi niya. “Ngayon magsibalik nang lahat sa higaan—totoo na ito ngayon.”

Kinabukasan, habang nag-aalmusal ang pamilya, naisip ni Jason ang fire drill. “Natutuwa po ako’t may plano tayo sa paglikas,” sabi niya. “Pakiramdam ko po mas ligtas ako kasi may fire alarm sa bahay natin.”

“Ako rin,” pagsang-ayon ni Inay. “Ang pagkakaroon ng alarma ay tumutulong para manatili tayong ligtas—basta’t mabilis ang kilos natin kapag narinig nating tumunog ito.”

Tinapos ni Jason ang kanyang almusal. “Puwede po ba akong pumunta sa bahay ni Brett ngayon?” tanong niya. Kapitbahay nina Jason si Brett at isa ito sa matatalik niyang kaibigan.

“Oo,” sabi ni Inay. “Ingat lang at magsaya ka.”

Sa kabilang bahay, nakipaglaro ang mga bata sa aso ni Brett, nagtakbuhan sila sa sprinklers, at nagtirik sa lupa ng mga patpat na muog. Pagkatapos ay iminungkahi ni Brett na pumasok sila sa bahay. “Naiinitan ako,” sabi nito. “Maglaro tayo ng video games.”

“OK,” pagsang-ayon ni Jason. “Siguro matatalo kita ngayon.”

“Sumubok tayo ng ibang laro,” sabi ni Brett habang papasok ang mga bata. “Nalaro mo na ba ito noon?” Iniabot niya kay Jason ang lalagyan ng larong hindi alam ni Jason.

“Palagay ko hindi pa. Anong laro ito?”

“Malalaman mo,” sabi ni Brett, at isinalang na ang disc.

Iniabot ni Brett ang controller at naupo sa harap ng TV. Umupo si Jason sa tabi niya. Nang magsimula na ang laro, naalarma ang konsiyensya ni Jason. Ang mga tauhan sa larong ito ay parang totoong mga tao, at ang damit na suot nila—lalo na ang mga babae—ay halos kita na ang buong katawan. Hindi mapalagay si Jason. Alam niyang kailangan niyang umalis.

“Kailangang maglaro tayo ng ibang video game, dahil kung hindi ay uuwi na ako,” sabi ni Jason. “Naaasiwa ako sa suot ng mga taong iyan.” Alam ni Jason na baka isipin ng kanyang kaibigan na hangal siya sa pagsasabi niyon, ngunit alam niya rin na kailangan niyang bigyang-pansin ang kanyang nadarama.

“Sige, walang problema,” sabi ni Brett. “Maglaro tayo ng iba.” Ipinalit ni Brett ang laro ng karera ng sasakyan. Natahimik ang konsiyensya ni Jason nang marinig niya ang tunog ng mga makina sa laro. Para kay Jason, wala nang mas gaganda pang tunog dito.

Mga paglalarawan ni Brandon Dorman

Sunog!