2009
Hindi na Ako Muling Magho-Home Teaching!
Agosto 2009


Hindi na Ako Muling Magho-Home Teaching!

Christine Francom, California, USA

Tuwang-tuwa ang 15-anyos kong anak na lalaki sa maraming bagay na nangyayari sa kanyang buhay—mga kaibigan, skateboard, kotse, at lisensya niya sa pag-aaral na magmaneho. Gayunman, hindi siya natutuwa sa mga responsibilidad niya bilang home teacher.

Nalungkot ako nang isang Linggo ay sabihin niyang, “Pagsasayang ng oras ang home teaching. Tatawagan ko ang adviser ko at sasabihin kong kumuha na siya ng iba dahil hindi na ako muling magho-home teaching!”

Bago pa niya nakita sa ward directory ang pangalan ng priesthood adviser niya, tumunog ang telepono. Tumawag ang bago niyang home teaching companion, si Brother Bernd Suckow, na matigas magsalita ng puntong German.

“Toby, susunduin kita riyan ngayon din,” wika nito. “Ikaw ang bago kong kompanyon, at naisip kong bumisita tayo. Ayos lang ba? OK. Babay.”

Inspirado siguro si Brother Suckow na huwag maghintay ng sagot, o inakala niyang payag si Toby nang hindi ito kumibo. Gayunman, makalipas ang 10 minuto may kumatok sa pinto. Bago pa nakapagprotesta si Toby, isang masayang lalaki ang humila sa kanya palabas at inilagay sa kamay niya ang isang bungkos ng mga susi ng kotse.

“Toby ang pangalan mo? Ikinagagalak kitang makilala,” sabi ni Brother Suckow. “Toby, Sabbath ngayon, at pag-test-drive ng mga sasakyan ang trabaho ko. Palagay ko hindi tamang magmaneho ako sa araw ng Sabbath dahil ito ang trabaho ko. Matutulungan mo ba ako? May lisensya ka ba sa pagmamaneho? Kaya mo bang magmaneho papunta sa mga bibisitahin natin sa home teaching?”

Napanganga si Toby nang makita ang bagong modelo ng sports car na tine-test-drive ni Brother Suckow sa linggong iyon. Natanto niya kaagad na muntik nang mawala sa kanya ang isang mukhang di-malilimutang home teaching.

Pagbalik nila maya-maya, ipinakita ni Toby kay Brother Suckow ang ilang bagong computer, at kalaunan ay pinag-usapan na nila ang mga pinakabagong uso sa teknolohiya. Pag-alis niya, sabi ni Brother Suckow, “Palagay ko mas mabuting tapusin natin ang ating home teaching sa susunod na Linggo. Ano sa palagay mo, Toby?”

Bulalas ng nakababatang kapatid na lalaki ni Toby, “Puwede rin ba akong maging home teacher?”

Hindi nag-atubili kailanman si Toby kapag oras na para mag-home teach kasama si Brother Suckow. Makalipas ang ilang buwan, ang home teaching ay hindi na tungkol sa magagandang kotseng namaneho niya. Bagkus, naging tunay niyang kaibigan si Brother Suckow, at natutuhan ni Toby kung gaano kahalaga ang home teaching sa mga pamilyang binisita nila.

Kalaunan, bumalik na sa Germany si Brother Suckow at ang asawa nitong si Barbara. Lagi silang naaalala ng stake namin. Hinding-hindi ko malilimutan ang mabisang halimbawa ng pagmamahal ni Brother Suckow sa isang binatilyong kinailangang palakasin ang patotoo tungkol sa home teaching.