2009
Ang Matagal nang Nawawalang Kayamanan
Agosto 2009


Ang Matagal nang Nawawalang Kayamanan

David R. Hanks, Arizona, USA

Kailan lang, habang hinihintay kong magsimula ang priesthood meeting, nabanggit ng home teaching companion ko na ang mga banal na kasulatan ko ay nasa lost and found ng ward.

Gayunman, pagtingin ko sa tabi ko, nakita kong naroon pa ang bagong set ng mga banal na kasulatan ko, na bigay sa akin ng asawa ko. Ang luma ko namang set ng mga banal na kasulatan ay nasa basket katabi ng isang silya sa salas namin. Nagtaka ako.

“Ano ang unang letra ng gitna mong pangalan?” tanong ng kompanyon ko.

“R,” sabi ko.

“Iyon ang nakasulat doon,” sagot niya. “Kukunin ko iyon para sa iyo.”

Maya-maya bumalik siya at iniabot sa akin ang isang Bibliang may pangalan ko sa kupas na ginintuang mga letra sa harapan. Nakilala ko ito agad. Nahirapan akong buksan ang siper ng lumang pabalat na itim. Nabuksan ang aklat sa unang pahina, kung saan naroon ang maikling liham sa sulat-kamay ng aking ama. Hawak ko ang Biblia na ibinigay sa akin ng mga magulang ko noong ika-12 kaarawan ko.

Nakatira na ako ngayon sa Arizona, at nang huli kong makita ang Bibliang ito, nakatira ako sa Utah, at naghahanda para magmisyon. Dinala ko sa misyon ang set ng mga banal na kasulatang ginamit ko sa seminary at iniwan ko sa bahay ang Bibliang ito. Hindi ko maisip kung paano nakarating sa gusali ng ward ko sa Arizona ang lumang Biblia ko, pagkaraan ng 30 taon, mula sa bahay ng mga magulang ko sa Utah.

Ang aking ama, na nag-aaral ng mga banal na kasulatan, ay maagang ikinintal sa isipan ko ang hangaring basahin at pag-aralan ang salita ng Diyos. Ang isang bahagi ng maikling liham na isinulat niya sa aking Biblia ay isang payo sa akin bago ko natanggap ang aking Aaronic Priesthood:

“David, ngayon, sa iyong ika-12 kaarawan, matatanggap mo ang priesthood ni Aaron bilang deacon at magiging lingkod ng Panginoon, tulad ng kapangalan mo, ang haring si David. Tuwing may mabuti siyang nagawa, pinagpala siya ng Panginoon.

“Sana ganoon din ang gawin mo. Kung gagawa ka nang mabuti at susundin ang Panginoon, pagpapalain Ka niya at tatawagin ka upang paglingkuran Siya.

“Maging matatag at matapat ka, Anak. Pag-aralan mong mabuti ang aklat na ito, at bibigyan ka nito ng lakas.”

Ang mga salita ng aking ama ay makabuluhan sa akin ngayon tulad noong nakalipas na 30 taon, marahil nga ay higit pa. Nagpapasalamat ako na nakuha kong muli ang unang Biblia na iniregalo sa akin na may walang-kamatayang payo ng aking ama.