2009
Mga Tanong at mga Sagot
Agosto 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Nagsimulang manigarilyo ang kaibigan ko. Paano ko siya matutulungang tumigil nang hindi sasama ang loob niya?”

Malamang ay alam ng kaibigan mo na hindi makabubuti sa kalusugan ang paninigarilyo. At kung miyembro siya ng Simbahan, alam niyang labag sa Word of Wisdom ang manigarilyo. Kaya ang pinakamainam gawin para matulungan siya ay huwag siyang pintasan kundi hikayatin siyang talikdan ang gawi.

Kapag pinag-usapan ninyo ang problemang ito, ipaalam sa kanya na ginagawa mo ito dahil nagmamalasakit ka sa kanya, sa kanyang kalusugan, at sa kanyang espirituwal na kapakanan. Kung makita mong gusto niyang tumigil sa paninigarilyo, suportahan siya at hikayatin. Maaari mong basahin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 215–16, na nagbibigay ng ilang ideya sa pagtulong sa mga tao na talikdan ang mga adiksyon.

Maraming investigator sa Simbahan na nakayanang tumigil sa paninigarilyo nang malaman nila ang tungkol sa Word of Wisdom. Nagbago sila hindi lamang dahil lubha silang naganyak kundi dahil na rin sa mga espirituwal na pagpapala. Pinagpala sila ng Panginoon para mawala ang pagnanais nilang manigarilyo at naisin nilang sumunod. Anyayahan ang kaibigan mo na sabay kayong mag-ayuno at manalangin para sa pagpapalang ito.

Itanong Kung Paano Ka Makakatulong

Sabihin sa kanya na mahal mo siya at nagmamalasakit ka sa kanya. Sa magandang paraan, ipaalala sa kanya na hindi makabubuti sa kalusugan ang paninigarilyo. Sabihin sa kanya na gusto mo siyang tulungan sa anumang paraan, at itanong kung ano ang magagawa mo.

Alysha S., 13, Utah, USA

Maging Halimbawa

Noong hayskul ako, marami sa mga kaibigan ko ang nagsimulang manigarilyo. Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa barkadang iyon. Alam nilang miyembro ako ng Simbahan. Minsan tinanong nila kung bakit hindi ako naninigarilyo. Ngumiti lang ako at mapagpakumbabang sumagot, “Alam namin na sinasabi sa Biblia na ang ating katawan ay isang templo, at ito ay espesyal na kaloob sa atin. Dahil dito, dapat nating mahalin at pangalagaan ang regalo sa atin dahil nagmula ito sa Diyos.” Sinabi nila na siguro tama ako at kailangan naming pangalagaan ang aming katawan. Nagpatotoo ako sa kanila tungkol sa Word of Wisdom. Kung pangangalagaan natin ang ating katawan, bibiyayaan tayo ng mabuting kalusugan at kaalaman. Alam ko dahil nakita ko sa kanilang mukha na naniwala sila sa ibinahagi ko sa kanila. Mula noon nakakita ako ng pagbabago sa kanila. Ang pagbabahagi ng iyong patotoo sa mga nahihirapang tumigil sa paninigarilyo ay makatutulong para piliin nila ang tama.

Michael T., 18, Palawan, Pilipinas

Hikayatin Siyang Magdasal

Una, magdarasal ako sa Ama sa Langit na antigin ang puso niya, tulungan siyang maunawaan ang kahalagahan ng Word of Wisdom, at tulungan siyang magbago. Ipapaalala ko sa kanya ang masasamang epekto ng paninigarilyo, kapwa sa espirituwal at sa pisikal. Ipapaalala ko rin ang kanyang halaga bilang potensyal na ina at na ang katawan niya ang templo ng Diyos at hindi magiging masaya ang Ama sa Langit kung durungisan niya ito. Hihikayatin ko siyang humingi ng tulong sa panalangin.

Daniel C., 17, Rivers, Nigeria

Mapagkakatiwalaan

Noon ko pa naiisip na ang pinakamainam na paraan para pagtiwalaan ka ng mga kaibigan mo ay kausapin sila tungkol sa mga problemang nararanasan nila. Ang pag-aalala sa kanila ay pahiwatig na nagmamalasakit ka sa kanila at sa pinagdaraanan nila. Kapag mas alam mo ang kanilang dinaranas, makapagmumungkahi ka at makatutulong. Ipakikita nito sa mga kaibigan mo na may nagmamalasakit nang sapat para sabihan silang tumigil sa pagpapahamak ng kanilang sarili.

Blaine L., 18, Arizona, USA

Magpakita ng Pagmamahal

Ang unang dapat mong gawin ay magpakita ng pagmamahal at taos pusong pagmamalasakit sa kanya. Kapag alam niyang nagmamalasakit ka sa kanya, kailangan mo siyang kausapin nang may paggalang at pagpapakumba tungkol sa desisyon niyang manigarilyo. Ipaalala sa kanya kung sino siya at ang kanyang halaga bilang isang tao at ang kapahamakang idudulot sa kanya ng paninigarilyo. Maaari mo ring banggitin ang talata sa banal na kasulatan tungkol sa Word of Wisdom at mga pagpapalang dulot nito (tingnan sa D at T 89). Kung iiwasan nating manghusga, mas madali nating maaantig ang puso ng mga tao.

Mariana S., 18, Buenos Aires, Argentina

Pangalagaan ang Ating Katawan

Hindi madali sa pagkakaibigan na ipagpilitan ang personal mong damdamin at opinyon. Mas mahirap pa kapag ebanghelyo ang pinag-usapan. Hinihikayat kitang ipadama ang malasakit mo sa iyong kaibigan at ipaliwanag sa kanya na hindi makabubuti sa kalusugan ang paninigarilyo. Sabihing ayaw mong masira ang kanyang kalusugan; at kapag nagkaroon ka ng pagkakataon, ibahagi ang personal mong damdamin tungkol sa Word of Wisdom. Pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag inalagaan natin ang isa sa pinakamahalaga Niyang mga regalo sa atin: ang ating katawan.

Kent P., 21, Alberta, Canada