2009
Pagbubukas sa Kalangitan
Agosto 2009


Pagbubukas sa Kalangitan

Larawan
Elder Yoshihiko Kikuchi

Gusto ba ninyong higit na madama ang pag-ibig ng Diyos sa buhay ninyo? Gusto ba ninyong madamang mas naaayon kayo sa Kanyang Espiritu? Gusto ba ninyong mabuksan sa inyo ang kalangitan araw-araw?

May paraan para madama ninyo araw-araw ang pagpapanibago ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos at makainom mula sa “bukal ng mga buhay na tubig” (1 Nephi 11:25). Sinusundan nito ang huwarang itinakda ni Propetang Joseph Smith nang magpunta siya sa kakahuyan isang umaga noong 1820 para hanapin ang mga sagot sa kanyang mga tanong. Ang tinutukoy ko ay isang espirituwal na umaga na iniukol sa panalangin, pagninilay, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kung kayo ay may espirituwal na sandali tuwing umaga, kahit ilang minuto lang, lubos kayong pagpapalain. Alam kong ito ay totoo.

Pagtakas sa Ingay at Kaguluhan

Minsan ay binanggit ni Propetang Joseph Smith ang nakatutuwang obserbasyong ito tungkol sa pagbubukas sa kalangitan : “Ang mga palatandaan ng kaloob na Espiritu Santo, paglilingkod ng mga anghel, o pagkakaroon ng kapangyarihan, karingalan o kaluwalhatian ng Diyos ay bihirang-bihirang ipakita sa publiko, … ngunit karaniwan kapag dumarating ang mga anghel, o inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili, ito ay personal at pribado, sa kanilang silid; sa ilang o kaparangan, at karaniwan ay walang ingay o kaguluhan.”1

Sa kasamaang-palad, ang modernong buhay ngayon ay puno ng ingay at kaguluhan. Napakaraming panggagambala sa ating lipunan na kung hindi natin pag-uukulan ng oras at pagsisikap na lumayo sa mga ito, hindi natin maririnig ang tinig ng Espiritu. Kaya nga isang araw ng tagsibol noong 1820, maagang umalis ng kanyang bahay si Joseph Smith para pumunta sa kakayuhan at tahimik na ipinagdasal na mag-isa ang isang tanong ukol sa relihiyon. Dumating ang kasagutan nang napakalinaw nang magpakita sa kanya kapwa ang Ama sa Langit at si Jesucristo, na nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19).

Sa ganito ring paraan, ang susi sa pagtatamo ng espirituwal na lakas na kailangan natin ay inilarawan minsan ni Pangulong Thomas S. Monson bilang pagpasok sa sarili nating “sagradong kakayuhan.” Tinuturuan niya noon ang mga bishop, ngunit ang payo ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan: “Bawat bishop ay kailangan ng sagradong kakayuhang mapupuntahan para magnilay-nilay at humiling ng patnubay. Ang akin ay ang lumang kapilya ng aming ward. Hindi ko mabilang ang mga pagkakataon na sa dilim ng gabi ay pumupunta ako sa pulpito ng gusaling ito kung saan ako binasbasan, kinumpirma, inorden, tinuruan, at tinawag na mangulo kalaunan. Ang kapilya ay bahagyang natatanglawan ng ilaw ng poste sa harapan; walang maririnig na ingay, walang gagambala. Habang nakahawak sa pulpito luluhod ako at idinudulog sa Kanya sa kaitaasan ang aking iniisip, alalahanin, problema.”2

Mangyari pa, ang mga sandaling ito sa “sagradong kakayuhan” ay hindi matutularan ang nangyari kay Propetang Joseph sa Sagradong Kakayuhan. Hindi natin idinaraos ang mga espirituwal na sandaling ito na umaasang makikita ang Ama at ang Anak tulad ni Joseph Smith. Ngunit makapagtitiwala tayo na sasagutin ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin; gayunman, nasa Kanya na kung paano Niya sasagutin ang mga ito.

May malaking kapangyarihan ang pag-uukol ng oras sa tahimik at mapanalanging pagninilay. Sa katiwasayang kalakip ng ating pagbubulay-bulay, makikilala natin ang Ama at ang Kanyang Anak (tingnan sa Awit 46:10; D at T 101:16).

Ang Bisa ng Panalangin at Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan sa Umaga

Nang maglingkod ako bilang mission president sa Hawaii, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na makausap ang mga batang elder at sister na nagsisikap maging mas mahuhusay na misyonero. Naaalala ko ang isang misyonerong lubhang pinanghinaan ng loob. Hindi niya nakayanan ang kanyang gawain sa misyon, at nagsimulang magduda sa kanyang patotoo. Nilapitan niya ako at hiniling na pauwiin na siya.

Sa halip, sinabihan ko siyang sundin ang halimbawa ni Nephi sa pagbubulay-bulay at pagdarasal tungkol sa kanyang mga alalahanin at hangarin (tingnan sa 1 Nephi 10:17; 11:1). Ito ay isang kaugaliang maraming taon ko nang sinusunod at sinusunod din ng iba pang mga General Authority ng Simbahan. Sinabihan ko ang misyonero na umuwi sa kanyang apartment at gawin ang sumusunod:

  • Bumangon nang maaga—sa kaso niya, ilang minuto bago mag-alas-6:30 n.u.

  • Mag-ehersisyo nang ilang minuto.

  • Maligo at mag-ahit—linisin ang kanyang sarili.

  • Magbihis para sa maghapon.

  • Pumunta sa isang tahimik na lugar sa loob ng kanyang apartment.

  • Lumuhod, magpakumbaba sa harap ng Ama sa Langit, at manalangin sa Kanya. Kausapin Siya sa mapitagang panalangin.

  • Hintayin ang Kanyang banal na inspirasyon, na pinagbubulayan ang mga banal na kasulatan o ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan at pag-isipan ang mga problemang kinakaharap niya.

Ipinangako ko sa batang elder na ito na kung gagawin niya ito at babasahin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, nang ilang minuto bawat araw, magagalak siya at tatanggap ng lakas na magpatuloy.3

Makalipas ang ilang araw nakipagkita siya sa akin. Puno ng luha ang kanyang mga mata nang sabihin niya sa akin ang mga karanasan niya sa kanyang espirituwal na sandali sa umaga. Napakagaling ng paglilingkod niya sa Panginoon at marangal niyang natapos ang kanyang misyon. Kamakailan sinabi sa akin ng kanyang asawa na bumabangon pa rin ito nang maaga para makipagsarilinan sa kanyang Ama sa Langit.

Ito rin ang tuntuning itinuro ko sa bawat misyonerong pinamunuan ko. Nag-alala ako na baka hindi namin ginagawa ang lahat upang maihatid ang liwanag ng ebanghelyo sa mga mamamayan ng Hawaii. Sa maikling panahon matapos simulan ng mga misyonero ang kaugaliang ito, nadagdagan ang mga referral na natanggap namin mula sa mga miyembro, dumami ang mga pagkakataong magturo, at dumoble at nagtriple pa ang mga nagpabinyag sa aming misyon. Nangyari itong lahat dahil pinag-ibayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang mga pagsisikap ng mga misyonero.

Alam ko mula sa personal na karanasan ang espirituwal na kapangyarihang maaaring dumaloy sa inyong buhay kung susundin ninyo ang kaugaliang ito. Madarama ninyo ang pag-ibig ng Diyos at ang nagpapalinis, nagpapadalisay na pagpapanibago ng inyong espiritu (tingnan sa 1 Nephi 11:22–25; D at T 50:28–29). Daranas kayo ng mga sandali ng paghahayag, kapag ibinulong ng Espiritu sa inyong espiritu ang kailangan ninyong gawin para maging mas mabuting ama, ina, anak, at disipulo ni Jesucristo.

Paghahanap ng mga Solusyon sa mga Problema sa Araw-araw

May kilala akong mabait na miyembro ng Simbahan na tagumpay ang pagsasama nilang mag-asawa at may anim na magagandang anak. Sinisikap niyang maging napakabuting kabiyak sa kanyang asawa at napakabuting ina sa kanyang mga anak. Isa siyang mahusay na lider ng Young Women sa kanyang ward. Ngunit kung minsan pakiramdam niya ay hindi pa iyon sapat. Pinanghihinaan siya ng loob at nakakaramdam ng kahungkagan.

Lumapit siya sa akin isang araw kasama ang kanyang asawa at inilarawan ang panghihinang nadarama niya sa gayong mga pagkakataon. Sinabi niya ang kanyang alalahanin sa kanyang mga lider ng priesthood at lalo na sa kanyang asawa ngunit hindi pa rin siya napanatag. Iminungkahi ko na kapag nasa trabaho na ang kanyang asawa at nasa eskuwela na ang kanilang mga anak, humanap siya ng lugar sa bahay niya at doo’y mapitagan at mapagpakumbabang kausapin ang Ama sa Langit. Iminungkahi ko na magpasalamat siya sa Diyos para sa kanyang mga pagpapala at saka niya hintayin ang Kanyang banal na inspirasyon. Nangako siyang gagawin ito araw-araw.

Kalaunan tumanggap ako ng liham mula sa kanya. Sabi niya nang lumuhod siya sa tahimik na mga sandaling iyon bawat araw at idulog ang kanyang pasanin sa paanan ng Ama sa Langit, pinawi Niya ang kanyang mga alalahanin. Nadama niya ang malaking halaga niya sa Kanya at nalaman pa ang tungkol sa “pagbibigay ng lakas”4 nang pagalingin ng Panginoon ang kanyang kaluluwa.

Higit na Pang-unawa sa Pagbabayad-sala

Sa pagkakaroon ng espirituwal na sandali sa araw-araw para magtamo ng higit na espirituwal na lakas, tayo ay pagpapalain upang higit na maunawaan ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Matitikman natin ang “kabutihan ni Jesus” (Mormon 1:15). Madarama natin nang may “labis na kagalakan” (1 Nephi 8:12) ang kapangyarihan ng Kanyang walang hanggang pagmamahal. Lalong mapapamahal sa atin ang Tagapagligtas dahil sa ginawa Niya para sa atin nang magministeryo Siya sa lupa—lalo na sa Getsemani, sa krus, at sa Pagkabuhay na Mag-uli—at sa patuloy Niyang ginagawa para sa atin ngayon (tingnan sa Juan 6:51; Alma 7:11–12).

Ilang taon na ang nakalilipas, may naranasan si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) ng Korum ng Labindalawang Apostol nang bisitahin niya ang Fort Peck Indian Reservation sa Montana, USA. Noon, kailangan niya ng inspirasyon at lakas para tulungan ang mga tao sa komunidad na iyon.

Isang gabi napanaginipan niyang pinapasok siya sa isang kuwarto, kung saan nakita niya “ang pinakamaluwalhating nilalang na ngayon ko lang nakita, at pinalapit ako para ipakilala sa Kanya. … Ngumiti siya, tinawag ang pangalan ko, at iniabot sa akin ang Kanyang kamay. Kung mabubuhay ako nang isang milyong taon hinding-hindi ko malilimutan ang ngiting iyon. Niyakap Niya ako at hinagkan, nang ihilig niya ako sa sa Kanyang dibdib, at binasbasan ako hanggang sa masiyahan ang buong kaluluwa ko. Nang matapos Siya lumuhod ako sa Kanyang paanan, at doo’y nakita ko ang marka ng mga pako; at hinagkan ko ang mga ito, na nag-uumapaw ang matinding galak sa buo kong pagkatao, pakiramdam ko’y nasa langit ako talaga. Pakiramdam ko … noon ay: Ah! Kung ako ay … makakapunta sa Kanyang kinaroroonan at madarama ang nadama ko noon … , ibibigay ko ang buo kong pagkatao at lahat ng inaasam ko!

“Alam ko—tulad ng pagkaalam ko na ako ay buhay—na Siya ay buhay.”5

Hindi ko alam kung mararanasan din ninyo iyon sa buhay na ito. Ngunit alam ko na kung patuloy kayong makikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa mga pribadong silid sa inyong tahanan, makikilala ninyo Siya at ang ating Tagapagligtas sa mga paraang hindi ninyo magagawa maliban dito (tingnan sa 3 Nephi 19:16–23, 25–29). Nawa’y gawin ninyo ito at nang mabuksan sa inyo ang kalangitan sa anumang maluluwalhating paraang inihanda ng inyong Ama sa Langit para sa inyo.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (kurso sa pag-aaral ng Melchizedek Priesthood at Relief Society, 2008), 141; tingnan din sa History of the Church, 5:30–31.

  2. Thomas S. Monson, “The Bishop—Center Stage in Welfare,” Ensign, Nob. 1980, 90.

  3. Tingnan sa “Thy Spirit, Lord, Has Stirred Our Souls,” Hymns, blg. 157.

  4. Tingnan sa “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164.

  5. Sa Melvin R. Ballard, Melvin J. Ballard: Crusader for Righteousness (1966), 66.

Mga paglalarawan ni Ruth Sipus

Tagpo sa pelikulang gawa ng Simbahan na Ang Panunumbalik