2009
Mga Huwaran
Agosto 2009


Mga Huwaran

Karamihan sa mga patotoo ay hindi nangyayari nang biglaan sa mahimalang paraan. Nagtatamo kayo ng kaalaman sa ebanghelyo sa paglipas ng panahon, at natututo kayong umasa sa magandang pakiramdam na dulot ng Espiritu Santo. Sa buhay na ito, maraming taong nagsisilbing huwaran; mga taong nagbibigay sa atin ng inspirasyong mamuhay nang marapat. Mapapalakas ninyo ang inyong patotoo at matututo kayong sumunod kung susundin ninyo ang kanilang mga halimbawa.

Mga Misyonero

Ang mga unang huwarang naglahad sa akin ng ebanghelyo ay ang mga misyonerong nagturo sa pamilya ko sa Pilipinas. Malaki ang epekto ng halimbawa nila sa desisyon naming sumapi sa Simbahan. Pinagtiyagaan nila kami, at lagi silang may hatid na magandang diwa.

Noong bago pa lang kaming miyembro, nakilala namin ang isang lalaking tumalikod sa Simbahan. Binigyan niya kami ng maraming babasahing anti-Mormon, at nagulat ako. Iyon ang una kong pagharap sa oposisyon sa Simbahan, at mahina pa ang patotoo ko noon. Habang hinaharap niya kami at inaatake ang lahat ng itinuro sa amin ng mga misyonero, takot na takot ako. Ngunit kapag kasama namin ang mga misyonero, hatid nila ay kapayapaan. Dahil sa mga misyonero, nalaman ng aming pamilya ang kaibhan ng pananampalataya sa takot, at pinili naming sumampalataya.

Mga Mission President

Di nagtagal at naatasan kaming mag-ama na maging magkompanyon sa home teaching. Ang isa sa una naming mga tungkulin ay bisitahin ang mission president at kanyang asawa. Napakabait nila. Maraming tradisyon ang tatay ko mula sa dati naming relihiyon. Ngunit mababait sila, hindi mapamintas, sa pagpapaliwanag kung bakit iba ang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay sa tunay na Simbahan. Mga home teacher kami, pero marami kaming natutuhan sa halimbawa ng mission president namin.

Kalaunan, nang maging full-time missionary ako, patuloy akong natuto sa mga mission president. Ang unang naging president ko ay laging matatag ang paniniwala na kalaunan ay bubuti ang mga bagay-bagay, kahit sa mahihirap na panahon. Sa kanya, natuto akong maging positibo.

Ang ikalawang mission president ko ay isang dating fighter pilot, ngunit bilang lider ng Simbahan, magiliw siya at sensitibo, puspos ng pag-ibig ni Cristo para sa kanyang kapwa mga lingkod. Noong assistant niya ako, nadama kong may ilang misyonerong inaabuso ang ilang pribilehiyo at sinasamantala ang kanyang kabaitan. Iminungkahi kong lumikha kami ng mas istriktong mga patakaran na mas mahigpit na ipatutupad. Sabi niya nadama niyang mas mabuting pagtiwalaan ang mga misyonero sa pagpili ng tama kaysa pagdudahan ang kanilang mga intensyon. Sa huwarang ito, natutuhan kong sundin ang payo ni Joseph Smith na magturo ng mga tamang alituntunin at hayaang magpasiya ang mga tao para sa kanilang sarili.

Iba Pang mga Lider ng Simbahan

Naaalala ko na namasdan ko ang paglilingkod ni Elder Dallin H. Oaks, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, bilang Area President sa Pilipinas. Nakita ko siyang sumangguni sa iba tungkol sa mga hamong kinakaharap ng Simbahan sa aming bansa. Nakita ko ang malaking kagustuhan niyang itayo ang Simbahan at lumikha ng mga oportunidad upang mapagpala ang buhay ng mga miyembro. Sa kanyang halimbawa nalaman ko na may malasakit ang mga Apostol hindi lamang sa Simbahan sa kabuuan nito kundi pati na sa bawat tao.

Sabi ng kasalukuyan naming Area President, si Elder Keith R. Edwards ng Pitumpu, bagaman may bahaging pamamahala sa gawain ng Simbahan, nais ng Panginoon na magtuon kami sa puso. Ipinaalala niya sa amin ang karanasan ni Haring Benjamin nang mangusap ito mula sa tore at kung paano nagkaroon ng malaking pagbabago ang puso ng mga tao. Sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Kay Elder Edwards, natuto akong tumingin sa sarili kong puso, para matiyak na dalisay ang aking mga hangarin.

Kapitan Moroni

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga dakilang huwaran. Si Kapitan Moroni ay isa sa aking mga huwaran o idolo. Hangang-hanga si Mormon kay Moroni kaya isinunod niya rito ang pangalan ng kanyang anak. Ganito ang isinulat ni Mormon tungkol kay Kapitan Moroni: “Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; oo, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao” (Alma 48:17). Sinabi rin ni Mormon na hanga siya sa mga anak ni Mosias at kay Alma at sa mga anak nito dahil “silang lahat ay mga tao ng Diyos” (Alma 48:18). Gawin ninyong huwaran ang mga lalaki at babae ng Diyos!

Nephi

Isa pang malaking halimbawa sa mga banal na kasulatan si Nephi. Sa kanya, natuto akong magtiwala sa Panginoon sa halip na magreklamo. Magpapaliwanag ako. Nang lisanin ko ang Pilipinas para kumuha ng master’s degree sa Brigham Young University, nangako ako na babalik ako. Nang dumating ang panahon na dapat na kaming bumalik ng pamilya ko, hindi naging madali ang pagdedesisyon dahil akala ko mas maganda o kapaki-pakinabang ang mga oportunidad sa Estados Unidos kaysa sa aking bansa. Pero dahil nangako ako, nagdesisyon kaming mag-asawa na sumampalatayang tulad ni Nephi at gawin ang ipinagagawa sa amin ng Panginoon.

Kahit nakapagtrabaho na ako dati, kinailangan kong magsimulang muli sa pinansyal. Mahirap kumita, at matagal dumating ang mga oportunidad. Pagkatapos ay nagkasakit lahat ang tatlong anak namin, at naubos ang naipon naming pera. Isa iyon sa pinamahirap na panahon sa buhay namin.

Nagkaroon ng tuberkulosis ang bunsong anak naming lalaki. Kinailangan niya ng mga gamot na napakamamahal, at siyam na buwan niya iyong ininom. Naaalala kong tiningnan ko ang pitaka ko, at wala itong pera. Tinanong ako ng asawa ko kung paano namin mapapakain ang mga bata.

Sa gayong mga panahon, nagtatanong ka. At kung hindi ka maingat, magiging katulad ka nina Laman at Lemuel at magrereklamo ka at sasama ang loob. Pakiramdam mo hindi patas ang buhay. Madali sanang isipin na: “Returned missionary ako. Pinaglingkuran ko ang Panginoon. Nagbabayad kami ng aming ikapu. Naglilingkod kami sa Simbahan. Nasaan ang mga pagpapala?” Ngunit nanatili kaming aktibo, naglingkod sa aming mga tungkulin, at nakaraos kami. Tinulungan kami ng kapatid ko at ng kanyang asawa sa pera, at sa huli ay nakakita ako ng trabaho. Halos sapat lang iyon, at mas maliit ang suweldo kaysa kinikita ko noong bago ako nag-aral. Pakiramdam ko ay bigo ako.

Sa huli, pagkaraan ng ilang taon, nagdesisyon kaming mag-asawa na hindi nakakatulong ang pag-iisip at pag-aalala. Sabi namin, “Huwag na tayong magreklamo, magtiwala tayo sa Panginoon, at maging maligaya sa anumang mayroon tayo.” At kaagad pagkatapos niyon, nagbago ang lahat. Nakatanggap ako ng ilang alok sa trabaho at pinili ko ang pinakamaganda. Natawag akong bishop sa aming ward. Tila basta na lang dumaloy ang mga pagpapala.

Bilang bishop natuklasan ko kung paano nakatulong sa akin ang mga panahon ng pagsubok sa pagtulong sa iba. Lalo na, natatandaan kong nakinig ako sa isang miyembrong may malaking problema sa pera, at naawa ako. Hindi sana ako naawa nang gayon kung hindi ko iyon napagdaanan mismo. At naalala ko ang sinabi ni Nephi: “Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin” (1 Nephi 3:15).

Naalala ko, noong nasa barko sila papunta sa lupang pangako, kung paanong kahit nakatali siya nang ilang araw at namaga ang mga pulso at bukung-bukong ay sinabi ni Nephi, “Gayunpaman, ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap” (1 Nephi 18:16). Kaya sinabi ko sa miyembro na marami pang daranasin ang karamihan sa atin para maging katulad ni Nephi, ngunit siya ay isang magandang huwaran. Natulungan ko ang miyembrong iyon na maunawaan na ang sagot ay hindi sa pagrereklamo kundi sa paggawa ng iniutos ng Panginoon, dahil tiyak na maghahanda Siya ng paraan (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Mga Magulang

Gaya ni Nephi, talagang mapalad akong maisilang sa butihing mga magulang. Banal at matatag na babae ang aking ina. Narating ko ang aking kinalalagyan dahil sa matibay na pundasyon ng ebanghelyo na itinatag ni Inay sa aming tahanan. Ang aking ama, bagaman hindi perpekto, ay magandang huwaran din para sa akin. Tinitiyak niya na kami ay nasa tamang landas, ngunit lagi niya kaming tinatanong, “Ano sa palagay mo?” At nakikinig siya.

Naging interesado siya sa Simbahan dahil nakakita siya ng karatulang nagsasabing “Walang ibang tagumpay na makahahalili sa kabiguan sa tahanan.” Talagang pinaniwalaan niya iyon. Minahal niya ang kanyang pamilya at sinikap na tustusan ang aming mga pangangailangan.

May pagkakataon noon na laging dinaragdagan ng pinagtatrabahuhan niyang malaking kumpanya ng mga gamot ang kanyang mga responsibilidad, at dumalas ang kanyang pagbibiyahe. Dumating ang pagkakataon na tatlong araw na lang siyang nasa bahay sa isang buwan. Pagkatapos biglang-bigla, nalaman naming nagbitiw na siya sa napakatagal na niyang trabaho kung saan maaari siyang umasenso.

Naaalala ko na sa sumunod naming family council meeting sinabi niya na kailangan naming maghigpit ng sinturon sa susunod na ilang buwan habang naghahanap siya ng ibang trabaho. Tinanong namin siya kung bakit siya nagbitiw, at mananatili sa aming puso’t isipan ang kanyang sagot: “Magiging tinedyer na kayong lahat, at napakahalagang panahon iyan sa inyong buhay. Ayaw kong dumating ang panahon na sasabihin ninyo sa akin, ‘Nasaan kayo noong kailangan namin kayo?’” Inuna niya ang kanyang pamilya.

Pagsunod sa Halimbawa ng Aking Ama

Dahil sa halimbawang iyon ng aking ama, pagkaraan ng ilang taon ay gayon din ang naging desisyon ko. Katatanggap pa lang sa akin ng isang consulting company, at pinapunta nila kaming anim na empleyado sa Sydney, Australia, mula sa Pilipinas para makasama ang 400 na mga manager mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa training. Sa first class kami umupo. Isang limousine ang sumundo sa amin sa airport at dinala kami sa isang five-star hotel, kung saan bawat silid ay may malaking basket ng mga pagkain. Gusto nilang ipakita sa amin na magandang kumpanya ang pagtatrabahuhan namin, at gusto nilang manatili kami.

Pagkatapos ng unang araw ng mga miting, nagkaroon kami ng isang malaking hapunan, isang pormal na handaan. Mga 12 kaming nakaupo sa isang mesa, bawat mesa ay may 10 manager at 2 managing partner na siyang magiging huwaran namin sa kumpanya. Ikinuwento nila sa amin kung paano sila nagsimula sa kumpanya at umasenso rito. Ikinuwento nila sa amin ang multimilyong dolyar na mga transaksyong nakuha nila, ang mahahalagang negosyanteng nakatrabaho nila, at malalaking proyektong pinamahalaan nila. Narinig kong madalas banggitin ang mga pangalan ng Fortune 500 CEOs at humanga ako sa mga lalaking ito sa nagawa nila.

Maganda ang pakiramdam naming lahat sa mga oportunidad namin hanggang sa itanong ng isa sa mga tao sa mesa, “Paano nakakayanan ng inyong maybahay ang lahat ng paglalakbay ninyo? Lagi kayong wala.” At isa sa mga partner ang sumagot, “Dalawang taon na akong diborsyado.” At sabi naman ng isa pang partner sa mesa namin, “Limang taon na akong diborsyado.”

Naaalala kong naisip ko: “Hindi ang mga taong ito ang nais kong tularan. Hindi ko yata gustong magtrabaho sa kumpanyang ito dahil hindi ako gaanong interesadong magtagumpay sa mundo kung magulo naman ang pamilya ko.” Dahil sa huwaran ng aking ama naging madali para sa akin ang magpasiya na unahin ang aking pamilya, at nakakita ako ng ibang trabahong nagtulot sa akin na gawin ito.

Ang Tagapagligtas

Ang pinakadakilang huwaran sa buhay natin sa mundo, mangyari pa, ay ang Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na sakdal sa lahat ng paraan at nagbuwis ng Kanyang buhay para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Lahat ng matwid na pag-uugali at pagkilos natin ay dahil sa pananampalataya natin sa ating Manunubos, at ang pananampalatayang iyan ay dahil sa ating patotoo kung sino Siya at sa nagawa Niya para sa atin. Talagang nagpapasalamat ako sa Kanyang sakripisyo. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at nais Niyang mamuhay ang bawat isa sa atin nang marapat para makabalik tayo at makapiling natin ang ating Ama sa Langit. Kung susundin natin ang Tagapagligtas at magiging higit na katulad ng ating Ama sa Langit, tiyak na pagpapalain tayo.

Bakit mga Huwaran?

Pagsunod sa mabubuting huwaran ang susi sa inyong kinabukasan. Magiging katulad kayo ng inyong hinahangaan, kaya humanap ng mabubuting huwaran, at sikaping tularan ang kanilang pamumuhay. Gamiting panukat ng magiging huwaran ninyo ang mga bagay na walang hanggan. Tingnan ang mabubuting halimbawa sa sarili ninyong pamilya, at tularan sila. Tingnan ang iba na ginagawang huwaran sa buhay ang Tagapagligtas, at tularan sila.

Matalinong piliin ang inyong mga huwaran dahil sila ang nagiging mga idolo ninyo. Maaalala ninyo ang kanilang gagawin, at iyan ang nagiging huwaran ninyo, kaya makakagawa kayo ng matatalinong desisyon. At bago ninyo mamalayan, igagalang kayo ng iba at tutularan nila ang mabuting pag-uugali ng huwarang kanilang hinahangaan—kayo.

Paglalarawan ni Craig Dimond; Nangangaral si Haring Benjamin sa mga Nephita, ni Gary Kapp; paningit: Nagsasalita si Haring Benjamin, ni Jerry Thompson

Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan, ni Arnold Friberg; Nangangaso si Nephi Gamit ang Liahona, ni Gary Smith

Kaliwa: Si Kapitan Moroni ay isang napakalakas na lider kaya kalaunan ay isinulat ni Mormon, “Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman.” Ibaba: Itinuturo ng halimbawa ni Nephi na magtiwala tayo sa Panginoon sa halip na magreklamo.

O Ama Ko, ni Simon Dewey

Kaliwa: Ang mga misyonero ay maaaring maging mga dakilang halimbawa sa mga tinuturuan nila. Itaas: Si Haring Benjamin ay isang huwaran sa kanyang mga tao. Matapos silang kausapin, nagkaroon ng malaking pagbabago ang puso ng mga tao.

Ang pinakadakilang huwaran sa ating buhay sa mundo ay ang Panginoong Jesucristo, na nagbuwis ng Kanyang buhay para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Lahat ng matwid na pag-uugali at pagkilos natin ay dahil sa pananampalataya natin sa ating Manunubos.