2009
Hangarin ang Edukasyon at Habambuhay na Pagkatuto
Agosto 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Hangarin ang Edukasyon at Habambuhay na Pagkatuto

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Bakit Ako Dapat Magpatuloy sa Paghahangad ng Espirituwal at Sekular na Edukasyon?

D at T 93:36–37: “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan. Ang liwanag at katotohanan ay tinatalikdan yaong masama.”

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Sinabi sa atin ng Panginoon na ang ating panahon ay dapat ‘ilaan … sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan’ (D at T 26:1) at na ‘ang Aklat ni Mormon at ang mga banal na kasulatan ay ibinigay … para sa [ating] ikabubuti’ (D at T 33:16). Bawat babae ay maaaring magturo ng doktrina ng ebanghelyo sa kanyang tahanan, at kailangan ng bawat kapatid na babae sa Simbahan ang kaalaman sa ebanghelyo bilang lider at guro. Kung hindi pa ninyo nakakagawiang mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw, simulan ito ngayon at patuloy na mag-aral upang maging handa sa inyong mga responsibilidad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan” (“Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2004, 107–8).

Pangulong Thomas S. Monson: “Dagdag pa sa pag-aaral natin ng mga espirituwal na bagay, ang sekular na pagkatuto ay kailangan din. … Hinihikayat ko kayong ipagpatuloy ang inyong pag-aaral—kung hindi pa ninyo ito ginagawa o hindi pa nagawa—upang maging handa kayong tustusan ang pinansiyal na pangangailangan kung sakaling kailanganin ito.

“Madaragdagan ang inyong mga talento habang nag-aaral kayo at natututo. Mas matutulungan ninyo ang inyong mga pamilya na matuto, at mapapanatag ang inyong isipan na malaman na naihanda ninyo ang inyong sarili para sa mga maaaring mangyari sa inyong buhay” (“Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 119).

Paano Ako Habambuhay na Mag-aaral?

Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kailangan nating gumawa ng ilang mahihirap na desisyon kung paano gamitin ang ating oras. … Ngunit tandaan, interesado kayong matuto, hindi lamang para sa buhay na ito kundi para sa buhay na walang hanggan. Kapag malinaw ninyong naunawaan ang espirituwal na kahalagahan ng pagkatuto, uunahin ninyo ang espirituwal na pagkatuto nang hindi kinaliligtaan ang sekular na pagkatuto. …

“… At dahil mahirap matukoy ang kailangan nating matutuhan, kailangan natin ang tulong ng langit para malaman kung alin sa napakaraming bagay na mapag-aaralan natin ang pinakamainam nating matutuhan. Nangangahulugan din ito na hindi natin puwedeng sayangin ang ating panahon sa paglilibang kapag may pagkakataon tayong magbasa o makinig sa anumang makatutulong sa atin para matutuhan kung ano ang totoo at kapaki-pakinabang. Ang kasabikan nating matuto ang mangingibabaw nating katangian” (“Education for Real Life,” Ensign, Okt. 2002, 18, 19).

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ilan sa mahahalagang katangiang kailangan para sa habambuhay na pagkatuto ay tapang, matapat na hangarin, pagpapakumbaba, tiyaga, kasabikang matuto, at kahandaang makipag-ugnayan at magbahagi ng kaalamang natamo natin. …

“Mahal kong mga kapatid, huwag ninyong hamakin kailanman ang inyong kahalagahan bilang babae o ina. … Huwag hayaang bigyang-kahulugan, hamakin, o limitahan ng mundo ang inyong hangaring matuto habambuhay at ang mga kahalagahan ng pagiging ina sa tahanan—kapwa sa buhay na ito at sa walang hanggang pagkatuto at mga pakinabang na ibinibigay ninyo sa inyong mga anak at sa inyong asawa.

“Ang habambuhay na pagkatuto ay mahalaga sa kasiglahan ng isipan, katawan, at kaluluwa ng tao. Pinag-iibayo nito ang kahalagahan ng sarili at kakayahang kumilos. Ang habambuhay na pagkatuto ay nagpapasigla ng isipan at mabisang panlaban sa pagtanda, kalumbayan, at pagdududa sa sarili” (“The Journey of Lifelong Learning,” sa Brigham Young University 2008–2009 Speeches [2009], 2, 8–9).

Paglalarawan ni Matthew Reier