2009
Nang Maisulat Niya sa Ating mga Puso
Agosto 2009


Mensahe ng Unang Panguluhan

Nang Maisulat Niya sa Ating mga Puso

Larawan
President Henry B. Eyring

Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na manalangin. Natututo ang bata kapwa sa ginagawa at sa sinasabi ng mga magulang. Ang anak na nakakakita sa kanyang ina o ama na dumaranas ng mga pagsubok sa buhay nang may taimtim na panalangin sa Diyos at pagkatapos ay nakarinig ng taos-pusong patotoo na sumagot ang Diyos nang buong kabaitan ay maaalala ang kanyang nakita at narinig. Kapag dumating ang mga pagsubok, magiging handa ang batang iyon.

Pagdating ng panahon, kapag umalis na ng bahay at nagsarili ang mga anak, panalangin ang makapagbibigay ng proteksyon na labis na hahangarin ng magulang na mapasakanila. Mahirap ang magkahiwalay, lalo na kapag alam ng magulang at ng anak na maaaring matagalan bago sila magkitang muli. Naranasan ko iyan sa tatay ko. Naghiwalay kami sa isang kanto sa New York City. Nagpunta siya roon para magtrabaho. Doon ang daan ko papunta sa ibang lugar. Kapwa namin alam na malamang na hindi na ako bumalik para manirahan kasama ang mga magulang ko sa iisang bahay.

Maganda ang sikat ng araw noon, mga tanghaling tapat, puno ng mga kotse at taong naglalakad ang mga kalye. Sa kantong iyon ay mayroong ilaw-trapiko na ilang minutong pinahihinto ang mga kotse sa lahat ng direksyon. Naging pula ang ilaw; huminto ang mga kotse. Humangos ang mga taong naglalakad sa gilid ng mga bangketa, patungo sa kung saan-saan, kahit pahilis, patawid sa sangandaan.

Oras na para maghiwalay, at sinimulan ko nang tawirin ang kalye. Halos sa gitna ako tumigil, at nilampasan ako ng mga tao. Lumingon ako. Sa halip na sumabay sa mga tao, nakatayo pa rin ang tatay ko sa kanto at nakatingin sa akin. Sa tingin ko tila malumbay siya at siguro medyo malungkot. Gusto ko siyang balikan, pero natanto ko na mag-iiba na ang ilaw kaya pumihit ako at mabilis na humayo.

Makaraan ang ilang taon kinausap ko siya tungkol sa sandaling iyon. Sabi niya mali ang akala ko sa nakita kong anyo ng kanyang mukha. Hindi raw siya malungkot; nag-aalala siya. Nakita niyang lumingon ako, na parang batang paslit, nag-aalinlangan at naghahanap ng katiyakan. Sinabi niya sa akin noong mga taon na iyon na ang nasa isip niya ay: “Ayos lang kaya siya? Sapat na kaya ang naituro ko sa kanya? Handa na ba siya sa anumang maaaring mangyari?”

Maraming naglalaro sa kanyang isipan. Alam ko batay sa napagmasdan ko sa kanya na may nadarama siya sa kanyang puso. Labis ang hangarin niyang maprotektahan ako, maging ligtas. Narinig at nadama ko na ang hangaring iyon sa kanyang mga dalangin—at lalo na sa mga dalangin ng aking ina—sa buong panahong kapiling ko sila. Natuto ako roon, at naalala ko iyon.

Nasa Puso

Ang panalangin ay nasa puso. Naturuan ako nang higit pa sa kung paano manalangin. Natutuhan ko mula sa aking mga magulang at sa mga turo ng Tagapagligtas na dapat tayong tumawag sa ating Ama sa Langit sa mapitagang panalangin. “Ama namin … sa langit, Sambahin nawa ang pangalan mo” (Mateo 6:9). Batid kong hindi natin nilalapastangan ang Kanyang sagradong pangalan—kailanman. Nakikinita ba ninyo kung paano nakapipinsala sa mga dalangin ng isang bata ang marinig na nilalapastangan ng isang magulang ang pangalan ng Diyos? Kakila-kilabot ang mga ibubunga ng gayong kasalanan sa mga bata.

Natutuhan ko na mahalagang magpasalamat para sa mga pagpapala at humingi ng tawad. “At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:12). Itinuro sa aking hilingin kung ano ang kailangan namin at ipagdasal na pagpalain ang iba. “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11). Nalaman kong dapat nating isuko ang ating kalooban. “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:10). Naturuan ako at nalaman kong totoo na maaari tayong bigyang babala sa panganib at ipakikita kaagad ang ating nagawa na hindi nagustuhan ng Diyos. “At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama” (Mateo 6:13).

Natutuhan ko na dapat tayong laging manalangin sa pangalan ni Jesucristo. Ngunit may isang bagay akong nakita at narinig na nagturo sa akin na ang mga salitang iyon ay hindi lamang basta salita na binibigkas natin nang paulit-ulit. May larawan ng Tagapagligtas sa dingding ng kuwartong kinaratayan ng nanay ko nang ilang taon bago siya pumanaw. Inilagay niya iyon doon dahil sa sinabi sa kanya ng pinsan niyang si Elder Samuel O. Bennion ng Pitumpu (1874–1945). Naglakbay ito kasama ang isang Apostol na nagkuwentong nakita niya ang Tagapagligtas sa isang pangitain. Ibinigay sa kanya ni Elder Bennion ang larawang iyon, at sinabing ito ang pinakamagandang nakita niyang paglalarawan ng katatagan ng pagkatao ng Panginoon. Kaya ikinuwadro niya ito at isinabit sa dingding kung saan niya ito makikita mula sa kanyang higaan.

Kilala at mahal niya ang Tagapagligtas. Natutuhan ko sa kanya na hindi tayo nagtatapos sa pangalan ng isang estranghero kapag nananalangin tayo sa ating Ama. Sa nakita ko sa kanyang buhay, alam ko na hangad niyang makapiling ang Tagapagligtas dahil sa maraming taon ng masigasig at palagiang pagsisikap na paglingkuran Siya at makalugdan Niya. Alam kong totoo ang banal na kasulatan na nagbababala, “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang Panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13).

Walang Panalanging Hindi Tapat

Ngayong ilang taon nang namayapa ang aking ama’t ina, ang mga katagang “sa pangalan ni Jesucristo,” ay hindi pangkaraniwan sa akin, sambitin ko man ito o marinig ito sa iba. Dapat natin Siyang paglingkuran para malaman ang niloloob ng Panginoon. Ngunit dapat din nating ipagdasal na sagutin ng Ama sa Langit ang mga dalangin sa ating puso gayundin sa ating isipan (tingnan sa Jeremias 31:33; II Mga Taga Corinto 3:3; Sa Mga Hebreo 8:10; 10:16).

Inilarawan ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), dating tagapayo sa Unang Panguluhan, ang pagpapala sa mga taong sama-samang nanalangin para sa gayong mga sagot. Ang tinutukoy niya ay ang pagdalo sa priesthood meeting, subalit marami sa inyo ang inihanda na ang puso sa paraang inilarawan niya sa mga salitang ito:

“Dapat akong pumasok sa pulong na iyon na lubos na malaya ang aking isipan sa lahat ng impluwensyang pipigil sa pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa akin. Dapat akong humayo nang may panalangin, na hinihiling sa Diyos na isulat sa aking puso ang Kanyang kalooban; hindi ang aking kaloobang nakahanda na, at determinado akong isagawa … , anuman ang isipin ng lahat. Kung dadalo ako, at ang lahat ng iba pa, na taglay ang diwang ito, madarama namin ang Espiritu ng Diyos, at ang aming ipapasiya ay ang isipan at kalooban ng Diyos, dahil ihahayag ito sa amin ng Diyos. Makikita namin ang liwanag sa direksyong dapat naming tahakin, at makikita namin ang kadiliman sa direksyong hindi namin dapat puntahan.”1

Ang mithiin natin kapag tinuturuan nating manalangin ang ating mga anak ay para gustuhin nilang sumulat ang Diyos sa kanilang puso at maging handa silang humayo at gawin ang ipinagagawa ng Diyos sa kanila. Posibleng magkaroon ng sapat na pananampalataya ang ating mga anak, mula sa nakikita nilang ginagawa at itinuturo natin, kaya madarama nila kahit bahagi man lang ng nadama ng Tagapagligtas nang hilingin Niya sa panalangin na magkaroon ng lakas na gawin ang Kanyang sukdulang sakripisyo para sa atin: “At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).

Mayroon na akong mga dalangin na nasagot. Ang mga sagot na iyon ay napakalinaw nang mangingibabaw ang pangangailangang malaman ang nais ng Diyos kaysa nais ko. Sa gayon ang sagot mula sa mapagmahal na Ama sa Langit ay maipararating sa isipan ng marahan at banayad na tinig at maisusulat sa puso.

Pagkatutong Hangarin ang Kanyang Kalooban

May ilang magulang na magtatanong: “Pero paano ko mapalalambot ang puso ng anak ko ngayong malaki na siya at kumbinsidong hindi niya kailangan ang Diyos? Paano ko sapat na mapalalambot ang isang puso para maisulat dito ng Diyos ang Kanyang kalooban?” Kung minsan ay pinalalambot ng trahedya ang isang puso. Ngunit para sa ilan, kahit ang trahedya ay hindi sapat.

Ngunit may isang pangangailangan na kahit ang matitigas ang ulo at mayayabang na tao ay hindi naniniwalang matutugunan nilang mag-isa. Hindi nila makakayang alisin ang bigat ng kasalanan sa sarili nilang balikat. At kahit ang pinakamatigas ang puso ay maaaring madama kung minsan ang panunurot ng budhi at dahil dito ay kakailanganin ang kapatawaran mula sa Diyos. Itinuro ng isang mapagmahal na ama, si Alma, ang pangangailangang iyan sa kanyang anak na si Corianton sa ganitong paraan: “At ngayon, ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15).

At matapos patotohanan ang Tagapagligtas at Kanyang Pagbabayad-sala, ganito ang samo ng ama para mapalambot ang isang puso: “O anak ko, hinihiling ko na huwag mo nang itatatwa pa ang katarungan ng Diyos. Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto nang dahil sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatatwa sa katarungan ng Diyos; kundi hayaan mong ang katarungan ng Diyos, at ang kanya awa, at ang kanyang mahabang pagtitiis ang manaig sa iyong puso; at hayaan mo na ito ang magdala sa iyo sa alabok ng pagpapakumbaba” (Alma 42:30).

Batid ni Alma ang maaari nating malaman: na ang pagpapatotoo kay Jesucristo at pagpapako sa Kanya sa krus ang posibleng makatulong nang malaki sa kanyang anak na matanto na kailangan ang tulong na tanging Diyos ang makapagbibigay. At ang mga dalangin ay sinasagot sa mga taong ang puso ay pinalambot ng nangingibabaw na damdamin na kailangan ng paglilinis.

Pagbubukas sa Pintuan ng Panalangin

Kapag itinuro natin sa mga taong mahal natin na tayo ay mga espiritung anak na pansamantalang nawalay sa mapagmahal na Ama sa Langit, binubuksan natin ang pintuan ng panalangin sa kanila.

Nabuhay tayo noon sa Kanyang piling bago tayo pumarito para subukan. Kilala natin ang Kanyang mukha, at kilala Niya ang sa atin. Tulad noong masdan ako ng aking ama habang papalayo ako sa kanya, minasdan ng ating Ama sa Langit ang pagpasok natin sa mortalidad.

Nilisan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jehova ang maluwalhating lugar na iyon para bumaba sa mundo upang pagdusahan ang pagdurusahan natin at bayaran ang lahat ng magagawa nating kasalanan. Inilaan ng ating Tagapagligtas ang tanging daan para makauwi tayong muli sa ating Ama sa Langit at sa Kanya. Kung masasabi sa atin ng Espiritu Santo ang maraming bagay tungkol sa ating pagkatao, baka madama natin at ng ating mga anak ang nadama ni Enos. Ganito ang kanyang panalangin:

“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.

“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain” (Enos 1:4–5).

Maipapangako ko sa inyo na walang kagalakang hihigit pa sa inyong madarama kung mananalangin ang anak ninyo sa oras ng pangangailangan at tatanggap ng gayong sagot. Balang-araw mawawalay kayo sa kanya, na may pananabik sa inyong puso na magkasama kayong muli. Alam ng mapagmahal na Ama sa Langit na walang katapusan ang pananabik na ito maliban kung muli tayong magkasama-sama bilang mga pamilya sa piling Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Inihanda Niya ang lahat ng kailangan ng Kanyang mga anak para matamo ang pagpapalang ito. Para matagpuan ito, kailangang sila mismo ang magtanong sa Diyos, nang walang pag-aalinlangan, tulad ng ginawa ng batang si Joseph Smith.

Nag-alala ang tatay ko noong araw na iyon sa New York dahil alam niya, tulad ng alam ng aking ina, na ang tanging tunay na trahedya ay kung habampanahon kaming magkakawalay. Kaya nga tinuruan nila akong manalangin. Alam nilang magkakasama kami magpakailanman sa tulong lamang ng Diyos at sa ibibigay Niyang mga katiyakan. Tulad ng gagawin ninyo, naituro nila nang husto ang panalangin sa pamamagitan ng halimbawa.

Noong hapon na namatay ang nanay ko, tumuloy kami sa bahay ng aming pamilya mula sa ospital. Tahimik kaming naupo sandali sa madilim na sala. Nagpaalam si Itay at nagpunta sa kanyang silid. Ilang minuto siyang nawala. Pagbalik niya sa sala, may ngiti na sa kanyang mukha. Sabi niya nag-alala siya kay Inay. Nang tipunin niya ang mga gamit nito sa silid ng ospital at pasalamatan ang mga tauhan ng ospital sa kabaitan nila kay Inay, naisip niya ang pagpunta nito sa daigdig ng mga espiritu ilang minuto pagkamatay nito. Nangamba siya na malulungkot si Inay kung walang sasalubong sa kanya. Nagpunta siya sa kanyang silid para hilingin sa kanyang Ama sa Langit na maghanda ng sasalubong kay Mil-dred, na kanyang asawa at aking ina. Sinabi daw sa sagot sa kanyang dalangin na sinalubong ng kanyang ina ang kanyang asawa. Napangiti rin ako roon. Di gaanong matangkad si Lola Eyring. Malinaw kong nailarawan sa aking isipan na humahangos siya sa karamihan ng mga tao, mabilis ang takbo ng maiikli niyang binti para salubungin ang nanay ko.

Hindi naman talaga nilayon ni Itay na turuan ako sa sandaling iyon tungkol sa panalangin, pero nagawa niya. Wala akong maalalang pangaral mula sa nanay o tatay ko tungkol sa panalangin. Nanalangin sila sa mga panahong mahirap at maginhawa ang buhay. At nasabi nila sa tahasang mga paraan kung gaano katindi ang kabaitan, kapangyarihan, at gaano kalapit ang Diyos. Ang mga dalanging pinakamadalas kong marinig noon ay tungkol sa kailangan naming gawin para magkasama-sama magpakailanman. At ang mga sagot na mananatiling nakasulat sa aking puso ay tila ang mga katiyakan na kami ay nasa tamang landas.

Nang maisip ko ang lola ko na humahangos sa pagsalubong sa aking ina, nagalak ako para sa kanila at nasabik na madala ang aking asawa at mga anak sa gayong muling pagsasama. Ang pananabik na iyon ang dahilan kung bakit kailangan nating turuang manalangin ang ating mga anak.

Pinatototohanan ko na sinasagot ng ating Ama sa Langit ang mga pagsamo ng matatapat na magulang na malaman kung paano tuturuang manalangin ang kanilang mga anak. Pinatototohanan ko bilang lingkod ni Jesucristo na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan sa mga pamilya kung igagalang natin ang mga tipan na iniaalok dito sa Kanyang totoong Simbahan.

Tala

  1. George Q. Cannon, “Remarks,” Deseret Semi-Weekly News, Set. 30, 1890, 2; idinagdag ang pagbibigay-diin.

Mga paglalarawan ni David Stoker

Jesucristo, ni Warner Sallman, © Warner Press, hindi maaaring kopyahin