2009
Naalala Ko ang Tagapagligtas
Agosto 2009


Naalala Ko ang Tagapagligtas

Iris Adriana Leal Castilla, Colombia

Ilang taon na ang nakararaan nagkaroon ako ng maraming personal na problema at nadama ko na walang tutulong sa akin para lutasin ang mga ito. Palagi akong nagsisimba noon pero hindi ako nakahanap ng solusyon sa mga problema ko. Madalas manaig sa akin ang takot, lalo na sa gabi. Napakalungkot ko.

Isang araw na balisang-balisa ako, sinikap kong makausap ang mission president. Sa ibang araw naman talagang gustung-gusto kong makausap ang Pangulo ng Simbahan. Naisip ko na kung makakausap ko siya o masusulatan, ibibigay niya sa akin ang mga sagot na kailangan ko.

Sa ganitong kalituhan, dumalo ako sa isang sesyon ng district conference sa Cúcuta, Colombia. Nakita ko ang sagot na kailangan ko mula sa mensahe ng mission president. Nang itanong ni President Canals, “Kailan kayo huling nagkaroon ng espirituwal na karanasan?” Natanto ko na sobrang abala ako sa pagsisikap na makahanap ng tutulong sa akin para lutasin ang mga problema ko kaya nalimutan ko ang panawagan ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya (tingnan sa D at T 88:63). Sa pagmamadaling makahanap ng solusyon, nalimutan ko ang Nilalang na may kapangyarihang payapain ako sa aking mga paghihirap at sagutin ang aking mga dalangin.

Sa mismong araw na iyon sinimulan kong lumapit sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Sinabi ko sa Ama sa Langit ang aking takot at hinagpis, at nanalangin ako sa pangalan ni Jesucristo na sana ay mapasaakin ang Kanyang Espiritu. Idinulog ko sa paanan ng Tagapagligtas ang lahat ng aking pasanin, na inaalala ang Kanyang pangako: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28).

Hindi pa nasasagot ang lahat ng personal kong problema, ngunit nakatanggap ako ng lakas at kapanatagan. Nakatanggap din ako ng mga impresyon na kung ako ay mamumuhay nang matwid, susunod sa mga utos, at buong pusong maglilingkod sa Panginoon, tutulungan Niya akong lutasin ang mga problema ko o bibigyan ako ng lakas na tiisin ang mga ito (tingnan sa Mosias 24:14).