2009
Paglutas sa Postpartum Depression [Kalumbayan Matapos Manganak]: Isang Pananaw ng Ebanghelyo
Agosto 2009


Paglutas sa Postpartum Depression [Kalumbayan Matapos Manganak] Isang Pananaw ng Ebanghelyo

Kapag dumaranas ng postpartum depression ang isang babae, mahalagang suportahan siya ng kanyang asawa, mga kapamilya, at iba pa.

Pagkaraan ng apat na taong pagtatangkang magkaroon ng isa pang anak, nagpasalamat si Anna (pinalitan ang mga pangalan) at ang kanyang asawa sa pagsilang ng isang anak na babae. Ngunit natuklasan ni Anna na napakahirap makaagapay sa mga pangangailangan ng bagong silang na sanggol, bukod pa sa pag-aalaga sa kanyang mga anak na lalaki. Natagpuan niya ang sariling nalulumbay sa kabila ng pagsisikap niyang mapangasiwaan at mapanatiling maayos ang lahat. Si Anna ay nakararanas ng postpartum depression.

Alam ng lahat ng ina, pati na si Anna, na ang pagkakaroon ng sanggol ay “dapat” masaya at ang mga inang bagong panganak ay “dapat” magpasalamat sa pambihirang pagpapalang ito sa kanilang buhay. Subalit sa ilang babae, lubhang sinisira ng mga pagsumpong ng postpartum depression ang masasayang damdaming ito. Ang postpartum depression ay makikita sa maraming paraan at maaaring may pisikal, emosyonal, at maging espirituwal na epekto ito sa mga babaeng dumaranas nito. Halimbawa, baka may inaasahan ang mga babaeng ito sa kanilang sarili na imposible nilang magawa sa panahon ng malaking pagbabago, na pakiramdam nila ay dapat nilang gawing lahat kaagad para sa kanilang sarili at sa kanilang sanggol dahil dapat silang maging “perpektong ina” at “perpektong asawa.”

Mahalagang maunawaan ng mga babaeng ito—at ng kanilang pamilya—kung ano ang postpartum depression (at ano ang hindi), matukoy ang mga sintomas, makahanap ng mga epektibong paraan para malutas ito, at, higit sa lahat, malaman na may pag-asang maging normal ang buhay kahit nakadarama ng kalumbayan.

Ang isang babaeng dumaranas ng postpartum depression ay hindi nangangahulugang siya ay mahina, na may nagawa siyang mali, o siya ang dapat sisihin kaya niya ito nararamdaman. Kadalasan ang kalagayang ito ay pansamantala. Ang pagdanas ng postpartum depression, tulad ng pagharap sa iba pang mga pagsubok, ay maglalapit sa atin sa Tagapagligtas kapag nakahanap tayo ng mga paraan para magkaroon ng espirituwal na lakas. Ipinaliwanag ng dating Young Women general president na si Ardeth G. Kapp: “Kilala natin ang ating Tagapagligtas, ngunit madalas ay sa mga paghihirap natin Siya tunay na natatagpuan at nakikilala at minamahal. … Mapatototohanan ko mula sa sarili kong karanasan sa buhay na ilan sa ating mabibigat na pasanin, kabiguan, at pighati ay mapapalitan balang-araw ng ‘kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip’ (Mga Taga Filipos 4:7) habang tayo’y ‘nangaghihintay sa Panginoon’ (Isaias 40:31).”1

Hindi Lamang “Panandaliang Kalumbayan”

Para sa ilang babae, ang panganganak ay lumilikha ng pansamantalang kalungkutan na madalas ay sinasabi nilang “panandaliang kalumbayan.” Ang mga sintomas—na karaniwang nakikita sa unang linggo matapos manganak at maaaring tumagal hanggang 10 araw—ay may kasamang pagluha, pagkainis, pagod, pag-aalala, at pagiging maramdamin na kung minsan ay matindi at kung minsan ay hindi. Madalas iniuugnay ang panandaliang kalumbayan sa mga pisikal na pagbabagong dinaranas ng ina, ngunit ang mga sintomas na ito ay maaaring lumala kapag kulang sa tulog, hindi sapat ang pagkain, iyakin ang sanggol, at walang tumutulong. Nakikita ang mga panandaliang kalumbayang ito sa lahat ng kultura sa lahat ng dako ng mundo at naaapektuhan nito ang 80 porsiyento ng kababaihang nanganganak.

Sa kabilang dako, ang postpartum depression ay karamdamang batay sa chemical reaction sa katawan ng ina. Bagaman walang sinumang nakatitiyak kung ano ang tunay na dahilan, naniniwala ang mga mananaliksik na ang pabagu-bagong lebel ng hormone na nangyayari habang nagdadalantao at matapos manganak ay maaaring dahilan ng pagbabago ng mga kemikal sa utak. Iyan, kalakip ang mga problema at kapagurang kaakibat ng pagsisilang ng sanggol, ay maaaring humantong sa kalungkutan. Mga 10 porsiyento ng kababaihang nanganak ang daranas ng postpartum depression, na tipikal na nangyayari sa loob ng apat na linggo matapos manganak ngunit maaaring mangyari anumang oras sa susunod na taon. Maraming babaeng dumaranas ng postpartum depression ang nakaranas na ng kalumbayan noon; ang mga inang bagong panganak sa kategoryang ito ay dapat pakiramdaman nang husto ang kanilang sarili upang makahingi sila ng tulong kung may makikitang sintomas at kung lalala ang mga ito.

Ang ilang kababaihang dumaranas ng postpartum depression ay nagsisimulang gumanda ang pakiramdam makaraan ang ilang linggo, samantalang ang iba ay ilang buwang “hindi normal” ang pakiramdam. Ngunit nariyan lang ang tulong: pagtukoy sa mga sintomas ang unang hakbang para muling gumanda ang pakiramdam.

Mga Sintomas

Kadalasan, inaakala ng bagong panganak na ina na kahinaan ang malumbay. Maaari pa siyang mag-alala na bababa ang pagtingin sa kanya ng iba kung malaman nila ang nadarama niya. Dahil dito at sa iba pang mga dahilan, baka hindi niya sabihin ang kanyang mga nararamdaman, kaya hindi nasusuri at nagagamot ang postpartum depression.

Sabi ni John, tungkol sa karanasan ng kanyang pamilya sa postpartum depression, “Itinago ng asawa kong si Carolyn ang mga nararamdaman niya sa lahat, kahit sa akin. Nahirapan akong malaman kung gaano siya talaga nahirapan. Palagay ko inisip niya na bilang asawa ng bishop hindi niya matutulutan ang sinuman—kahit ako, mga kaibigan niya, nanay niya—na malaman kung ano ang nangyayari.”

Ang tawag ni Dr. Cheryl Tatano Beck, isang kilalang nurse-researcher, sa postpartum depression ay “magnanakaw ng pagiging ina.”2 Ngunit makatutulong ang mga kapamilya at malalapit na kaibigan na maibsan ang epekto ng “depression” na ito kung babantayan nila ang mga sintomas nito. Maaari nilang mapansin ang mga pagbabago ng ugali ng inang bagong panganak, kabilang na ang mga sumusunod:

  • Kalumbayang nagtatagal nang halos buong maghapon.

  • Hindi pagtawa o pakikipaglaro sa sanggol.

  • Hapis ang mukha o tulala.

  • Paulit-ulit na kalungkutan.

  • Pinupuna ang mga depekto niya o ng sanggol.

  • Mga pahiwatig ng damdamin ng pagkakunsyensya o kakulangan.

  • Hindi makapagdesisyon sa mga ordinaryong bagay.

  • Kapansin-pansing pagkainis, lalo na kapag naliligalig o umiiyak ang sanggol. (Tingnan sa sidebar na “Mga Sintomas ng Postpartum Depression” sa pahina 30 para sa iba pang mga panloob na palatandaang tanging mga ina mismo ang makapapansin.)

Kung inaakala ng mga kapamilya at malalapit na kaibigan na nakikita nila ang ilan sa mga sintomas na ito pero hindi sila sigurado, matatanong nila nang banayad ang ina ng “Nalulungkot ka ba [o nalulumbay o nanghihina]? Gaano katagal mo na nararamdam iyan?” o “Palagay mo ba hindi gaanong masaya ang buhay mo?” Kapag naunawaan ng ina at ng malalapit sa kanya ang mga sintomas, makakayanan na nila ang kalungkutang ito.

Paglutas sa Postpartum Depression

Ang paglutas sa postpartum depression ay mahalaga hindi lamang para sa kapakanan ng babae kundi maging sa sanggol at sa buong pamilya. Dahil madalas ang ina ang sentro ng buhay ng kanyang anak, ang kanyang pag-uugali ay nakakaapekto sa bata. At ang kagalingan ng ina at ng sanggol ay nakakaapekto sa kagalingan ng pamilya.

Dahil nakakaapekto ang kundisyong ito sa buong pamilya, ang paglutas sa postpartum depression ay pananagutan ng pamilya. Mahalaga para sa babae na masuportahan ng kanyang asawa, ng mga kapamilya, at ng iba.

Suporta ng Pamilya at mga Kaibigan. Ayon sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” “ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”3 Ang mga pangunahing hakbang sa pagtugon sa hamon ng postpartum depression ay patatagin ang relasyon ng mag-asawa at talasan ng lalaki ang kanyang pakiramdam. Kailangan ng inang bagong panganak ang tulong at suporta ng kanyang asawa sa mga aktibidad na gaya nito:

  • Paghalili sa mga gawaing-bahay at pag-aaruga sa iba pang mga anak.

  • Paglimita sa bilang ng mga bisita para magkaroon ng payapang kapaligiran. (Gayunman, para sa ilang babae, ang pagkakaroon ng mga bisita ay makababawas sa mga sintomas ng kalungkutan.)

  • Pagtulong sa ina na magkoon ng sapat na pahinga, makakain nang wasto, at mag-ehersisyo.

  • Pagtulong sa pag-aalaga ng sanggol.

  • Pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa postpartum depression.

  • Pagbibigay ng mga priesthood blessing kung kailangan.

  • Pananatili sa kanyang tabi—pakinggan, alagaan, at basta samahan lang siya. Kasabay ng pagyakap, makakagaan ng pakiramdam kahit sabihin mo lang na: “Hirap na hirap ka siguro.”

  • Hikayatin ang bagong panganak na ina na humingi ng tulong sa doktor kung kailangan.

Sabi ni Rachel, na dumanas ng postpartum depression matapos isilang ang pangatlong anak, “Ang pinakamaliit na gawain ay tila napakabigat dahil walang sigla ang damdamin at katawan ko. Labis akong nagpapasalamat na maunawain at mahabagin ang asawa ko at tinulungan akong makuha ang tulong na kailangang-kailangan ko.”

Maaaring mahirap maunawaan ng lalaki ang postpartum depression, at kung minsan ay maaari pa siyang malito, mainis, magalit, makonsiyensa, mag-aalala, o mahiya. Maaaring makatulong sa kanya ang humingi ng payo o magbasa para madagdagan ang pag-unawa niya sa postpartum depression at malaman kung paano siya higit na makatutulong. Makikinabang siya at ang kanyang asawa kung gagawin niya ito.

Sabi ni Johanna, na dumanas ng postpartum depression matapos ipanganak nang wala sa panahon ang isang kambal, “Kahit nahirapan kami ni Sam sa karanasang iyon, mas tumatag ang aming pagsasama. Mas nagkalapit ang damdamin namin kaysa dati. Nagtulong kaming lutasin ang mga problema. Umasa ako sa kanyang mga priesthood blessing. Talagang nakipag-ugnayan kami sa isa’t isa at sa Panginoon.”

Madaragdagan ng mga kamag-anak at miyembro ng Simbahan ang suporta ng ama. Ikinuwento ni Kathleen H. Hughes, dating tagapayo sa Relief Society general presidency, ang karanasan niya sa postpartum depression at pagtulong sa kanya ng iba:

“Matapos isilang ang aming anak na lalaki … , nakadama ako ng matinding kalungkutan. Marami sa mga babae sa pamilya ko ang dumaranas ng postpartum depression at, tulad ng alam ninyo, noong mga panahong iyon kakatiting ang naitutulong ng mga doktor sa mga babaeng ganito ang kalagayan. Mag-isa kong kinalaban ang aking kalungkutan.

“Pero ang mahihirap na panahong iyon para sa akin ay pinadali at pinagaan ng mababait na kababaihan sa ward na nag-alaga sa mga anak ko at sa akin sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan—na nakatulong sa akin para malagpasan ang pagsubok na iyon.”4

Makasusumpong ng karagdagang suporta ang kababaihan sa mga organisasyon para sa mga inang bagong panganak. Iniulat ni Christine, na malayo ang tirahan sa mga kamag-anak at nalumbay matapos isilang ang una niyang anak, “Nang kausapin ko ang ibang mga batang ina sa housing complex ko, marami akong nalamang kapareho ko ang pinagdaraanan. Nakatulong ito talaga—at natawa pa nga ako sa halip na maiyak.”

Pagpapagamot sa Doktor. Maaaring isipin ng mga inang bagong panganak na humingi ng tulong sa isang propesyonal, kabilang na ang paghingi ng payo sa LDS Family Services (tingnan sa www.ldsfamilyservices.org) o sa angkop na taong rekomendado ng isang health care provider. Para sa ilan, maaaring kailangan ng gamot, na irereseta ng psychiatrist o iba pang manggagamot.

Pangangalaga sa Sarili. Mahalagang alagaan ng mga inang bagong panganak ang kanilang sarili at magpahinga hangga’t maaari, kumain ng masustansyang pagkain, at mag-ukol ng “oras sa sarili” sa mga grupo ng mga ina o mga batang naglalaro.

Bukod dito, dahil maraming kailangan sa pangangatawan at emosyon ang pagiging ina, dapat magtakda ng makatotohanang mga mithiin ang mga ina para makaagapay, na inaalala na “bawa’t bagay ay may kapanahunan” (Eclesiastes 3:1). Sabi ni Elizabeth, na nagsilang ng apat na anak na babae sa loob lamang ng ilang taon, “Hindi maaaring tumigil sa pagtatrabaho sa bahay at pagluluto kapag may mga batang nangangailangan ng malinis na damit at tanghalian. Nakatutulong sa akin ang gumawa lang ng kaunti bawat araw—isang plangganang labahin, paglilinis ng lababo ng banyo (sa halip na buong banyo), pagpaplano ng mga pagkain, at ipagawa sa asawa ko ang pamimili. Ang makitang may nagawa ako, kahit kaunti lang bawat araw, ay nakakatuwa.”

Iba Pang Makatutulong na Aktibidad. Maaari ding makatulong ang iba pang mga aktibidad sa paglutas at paglaban sa postpartum depression:

  • Pakikinig sa nagpapasiglang musika.

  • Pagbabasa ng mga banal na kasulatan at iba pang mga aklat na nagbibigay-sigla. Sinabi ni Anna na nasisiyahan siyang basahin lalo na ang 2 Nephi 4, na nagtatala sa kawalan ng pag-asa at paghihirap ni Nephi, at sa dagdag na pagkilala niya sa pagmamahal ng Panginoon sa kanya: “Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan” (2 Nephi 4:20).

  • Pagsusulat sa journal. Sabi ni Rachel, “Nang sumulat ako sa aking journal, naipahayag ko ang aking kawalang-pag-asa. Nakatulong ito para mas malaman ko kung ano ang tila naging sanhi ng aking kalungkutan. Nakatulong din ito para simulan kong bilangin ang aking mga pagpapala.”

  • Paghingi ng tulong at kaaliwan sa panalangin. Sabi ni Anna, “Nang malungkot ako mas nahirapan akong madama ang pag-aliw ng Banal na Espiritu na kailangang-kailangan ko. Sinikap kong labanan ang mga negatibong tinig na nagpahina sa akin at nagpaduda sa kakayahan kong madaig ang mga negatibo kong pakiramdam.” Itinanong ni Johanna sa kanyang sarili at sa Panginoon sa personal na panalangin at pagmumuni-muni, “Ama sa Langit, ano po ang dapat kong matutuhan mula rito?”

Ang Papel ng mga Pagsubok sa Ating Buhay

Ang pag-unawa na maaari tayong matuto sa ating mga pagsubok ay magpapalakas sa ating pananampalataya, kahit nasa gitna tayo ng mga pagsubok. Hindi tayo iniiwang mag-isa ng Diyos sa pagsisikap nating magkaroon ng pag-asa. Ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa sinumang nahihirapang masumpungan ang liwanag at pag-asang iyon, sinasabi ko: Magtiis. Magsikap pa. Mahal kayo ng Diyos.”5 At totoo naman. Minsan ay inanyayahan tayo ni Sister Patricia Holland, maybahay ni Elder Holland, na bumalik sa “kabuuan ng ating kaluluwa, ang kaisahang iyon sa ating pagkatao na bumabalanse sa mahirap at di-maiwasang mga pagsubok sa buhay.”6

Ipinaliwanag ni Anna ang prosesong pinagdaanan niya: “Nang pilitin kong daigin ang postpartum depression, hinangad kong lampasan ang kadiliman at magtungo sa liwanag, ang liwanag ng Anak ng Diyos. Napaiyak ako nang mabasa ko ang Isaias 53:3–4, at naunawaan ko sa kauna-unahang pagkakataon na ang Tagapagligtas ay ‘isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman. … Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan.’ Pinanghawakan ko ang pangako na ang Tagapagligtas ang aking personal na Tagapagligtas, na Siya ay isinugo para ‘bigyan [tayo] ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob’ (Isaias 61:3). Habang umaasa ako sa Tagapagligtas, lalo kong natatanto na batid Niya ang aking pasakit, na matutulungan Niya ako kapag humingi ako ng tulong sa Kanya.”

Mga Tala

  1. Ardeth G. Kapp, “Pray Not for Light Burdens but for Strong Backs,” The Joy of Our Salvation: Talks from the 2004 BYU Women’s Conference (2005), 116.

  2. Cheryl Tatano Beck, “Postpartum Depression: It Isn’t Just the Blues,” American Journal of Nursing, tomo 106, blg. 5 (Mayo 2006), 40.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

  4. Kathleen H. Hughes, “Serving and Supporting One Another,” The Rock of Our Redeemer: Talks from the 2002 BYU Women’s Conference (2003), 52.

  5. Jeffrey R. Holland, “Dakilang Saserdote ng mga Mabubuting Bagay na Darating,” Liahona, Ene. 2000, 42.

  6. Patricia Holland, “‘One Thing Needful’: Becoming Women of Greater Faith in Christ,” Ensign, Okt. 1987, 30.

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh

Ang mga kapamilya at malalapit na kaibigan ay makatutulong na mabawasan ang postpartum depression kung babantayan nila ang mga sintomas nito at tutulong at susuporta.

Ang pag-unawa na maaari tayong matuto sa ating mga pagsubok ay magpapalakas sa ating pananampalataya, kahit nasa gitna tayo ng kahirapan.