2009
Masyadong Banal?
Agosto 2009


Masyadong Banal?

Nagbago si Ian Caloobanan nang sumapi siya sa Simbahan. Napansin ito ng kanyang mga kaibigan.

Masyado kang banal.”

Nagtaka ang dose anyos na si Ian Caloobanan sa sinabi ng kanyang kaibigan. Hindi niya itinuring ang kanyang sarili na banal.

Sabi pa ng kanyang kaibigan, “Mula nang sumapi ka sa mga Mormon, naging killjoy ka na. Ayaw mo nang makipag-inuman. Ayaw mo nang makipagsaya sa amin tuwing Linggo. Masyado kang banal.”

Masakit na mga salita, pero … ano pa ba ang magagawa niya? Nabinyagan na siya at maytaglay na ngayon ng Aaronic Priesthood. Nagbago na siya, at para kay Ian, naging mas mabuting tao siya. Pero banal? Naku, hindi pa yata.

Si Ian, na kabilang sa Las Piñas Philippines Stake, ay bininyagan noong siya ay 10 taong gulang. Nang turuan siya ng mga elder, hiniling nila sa kanya na manalangin siya para malaman kung totoo ang Simbahan. Nagdasal nga siya. “Masaya ako at gumaan ang pakiramdam ko,” wika niya. Kalaunan ay natanto niya na ang Espiritu Santo ang nagpatotoo ng katotohanan sa kanya.

Bago siya sumapi sa Simbahan, umiinom ng tsaa si Ian kasama ang mga kaibigan niya. Nagpupunta rin siya sa praktis ng cheering tuwing Linggo, para maghandang mamuno sa cheering sa mga laro sa eskuwela nila. Pero itinigil niya ang mga ito. Sa halip, nagsimula siyang magsimba, kahit siya lang ang nagsisimba sa pamilya niya. Sinusuportahan si Ian ng kanyang tatay sa pagsisimba, at ang pangalawang asawa ng kanyang ama, na hindi miyembro, ang naghahatid at sumusundo sa kanya sa simbahan pagkatapos.

Nang tanungin kung bakit siya nagsisimba samantalang mas madaling manatili sa bahay, sabi lang niya, “Kasi gusto kong manatiling malakas ang pananampalataya ko.”

“Si Ian ay mabuting halimbawa ng kahulugan ng pagiging disipulo ni Jesucristo,” sabi ng kanyang bishop. “Tapat siyang nagsisimba, at hindi siya naiinis. Marami siyang kaibigan dito. Sabik siyang matanggap ang priesthood at nagpabili sa tatay niya ng puting polo para maisuot niya kapag nagpapasa ng sacrament.”

Masayang-masaya si Ian na natuklasan niya ang ebanghelyo. Binigyan niya ng Aklat ni Mormon ang isa niyang guro at inanyayahan itong makipagkita sa mga misyonero. Iginagalang siya ng ilang kamag-aral niya sa bago niyang mga pamantayan at nagtatanong sila sa kanya tungkol sa ebanghelyo. Pinagtatawanan naman siya ng iba.

Basta sinusunod lang nang husto ni Ian ang mga kautusan.

Dahil nakaranas ng malaking galak at pang-uusig sa pagsapi sa Simbahan, may matalinong payo si Ian sa ating lahat: “Manatiling sumasampalataya. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Manalangin. Magtiwala kay Jesucristo. Mangakong ipamumuhay ninyo ang ebanghelyo. Magpakabait.”

At hindi nga ba iyan ang dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan? Tulungan tayong magpakabait. Tulungan tayo, kalaunan, na maging katulad ng nais ni Jesus para sa atin ang maging—banal.

Larawang kuha ni Edwin Redfrino